Nagising si Mang Pablo sa kalatugan ng mga pinggan na naririnig niya sa mesa. Agad niyang kinuha ang kaniyang suot na tsinelas at dahan-dahang sinilip kung ano ito. Kitang-kita niya ang pagala-galang itim na pusa na nginangasab ang kaniyang nilutong ulam na galunggong. Patiyad siyang lumapit dito at ubod-lakas na hinampas sa likod ang kaawa-awang pusa.
“Hayop ka talagang pusa ka!” galit na sabi ni Mang Pablo. Nagtatatakbo naman ang itim na pusa palabas ng bintana bitbit ang galunggong na nilantakan nito.
Inis na inis naman si Mang Pablo. Lagi na lamang niyang itinataboy ang naturang itim na pusa na hindi niya malaman kung sino ang may-ari. Lagi itong nakatambay sa harap ng kaniyang bahay at kapag nakakalingat siya, pumapasok ito sa loob at naghahanap ng makakain. Kung saan-saan ito sumusuot; tila naghahanap ng dagang makakain o mismong ulam na niya ang puntirya.
Mag-isa lamang sa buhay si Mang Pablo. Hindi siya nag-asawa dahil isa siyang binabae. Paminsan-minsan ay nag-aaya siya ng mga lalaking magpapaligaya sa kaniya at minsan ay pinatutuloy pa niya ng magdamag. Kahit ganito, respetado sa kanilang lugar si Mang Pablo. Siya ang takbuhan ng kaniyang mga kapitbahay na gipit sa pera dahil mabilis siyang magpautang at bihirang maningil.
Hindi maintindihan ni Mang Pablo kung bakit ayaw na ayaw niya sa pusa. Bukod kasi sa hikain siya, naalala niya kasi ang kaniyang pagkabata. Minsan na siyang nakagat ng pusa. Iwas na iwas siya rito subalit ito naman ang lapit nang lapit. Nararamdaman siguro ng mga hayop gaya ng pusa na sadyang mapagbigay at bukas ang kaniyang puso sa mga nangangailangan.
“Ano bang magandang pamuksa sa mga pusa? Lagyan ko kaya ng lason ang mga pagkain nila?” minsan ay naitanong ni Mang Pablo sa kaniyang kapitbahay na si Aling Goreng.
“Naku mamalasin ka! May siyam na buhay ang mga pusa. Kapag pinatay mo sila, siyam na taon ka ring mamalasin at maghihirap,” sabi sa kaniya ni Aling Goreng na likas na mapamahiin.
“Hindi totoo iyan. Kung batugan ka’t nakanganga ka lang lagi, siguradong sa kangkungan ka pupulutin,” tugon ni Mang Pablo.
Napadaan naman ang isang maskulado at gwapong binatang tambay sa kanilang kanto na si Nato. Nang makita nito si Mang Pablo, kinindatan siya habang kinakagat-kagat pa ang labi. Napalunok si Mang Pablo dahil tila nanunukso ang binata. Iba kung tumitig sa kaniya si Nato. Nagpapahiwatig.
Subalit sinansala siya ni Aling Goreng, “Hoy, baka matunaw naman! Huwag mong titigan. Ingat ka sa isang iyan. Balita ko gumagamit iyan ng bato. Pumapatol talaga iyan para may ipambisyo,” paalala ni Aling Goreng.
Isang gabi, habang nag-aakas ng mga sinampay si Mang Pablo ay napadaan na naman si Nato sa tapat ng kaniyang bahay. Gaya ng dati, malagkit itong tumitig kay Mang Pablo. Nakipaglabanan naman ng titig si Mang Pablo. Huminto sa paglalakad si Nato. Lumingon-lingon sa paligid. Pagkaraa’t lumapit kay Mang Pablo.
Pwedeng makiinom? Nauuhaw kasi ako eh,” sabi ni Nato habang inilalabas ang dila’t binabasa ng laway ang pang-ibabang labi. Napalunok naman si Mang Pablo lalo’t gustong-gusto niya talagang tikman si Nato.
Pinapasok niya ito sa loob ng bahay at inabutan ito ng isang basong tubig. Pagkainom nito, nagpasalamat ito at ibinalik sa kaniya ang baso. Umupo ito sa sofa at pinagmasdan ang loob ng kaniyang bahay.
“Maganda pala ang bahay mo ah. Sa kuwarto mo maganda rin ba?”
Inaya ni Mang Pablo sa kaniyang kuwarto si Nato at pinaupo sa kama. Maya-maya, naghubad ng pang-itaas si Nato. Kinuha niya ang isang kamay ni Mang Pablo at inilapat sa kaniyang abs.
“Alam ko namang takam na takam ka sa akin eh. Kailangan ko ng limang libong piso. Sayong-sayo na ito,” nang-aakit na sabi ni Nato kay Mang Pablo.
“Wala akong ganoong kalaking pera. Saka hindi ako nagbabayad ng ganoong kalaki,” sabi ni Mang Pablo kay Nato. Nag-iinit ang kaniyang pakiramdam.
“Kuripot mo naman. Ang arte mo. Buti nga pinapatulan pa kitang amoy-lupa ka eh. Huwag mo akong artehan. Swerte mo’t ako ang lumapit sa iyo,” nanlilisik ang mga matang sabi ni Nato sa kaniya. Nagsimulang humigpit ang pagkakahawak nito sa kaniyang kamay.
“Nasasaktan ako! Bitiwan mo ang kamay ko!” hinila ni Mang Pablo ang kaniyang kamay. “Lumayas ka sa pamamahay ko!”
Nagulat si Mang Pablo dahil sinapok siya sa mukha ni Nato.
“Maarte kang huklubang b*kla ka ah! Makikita mong hinahanap mo,” nanlilisik ang mga mata ni Nato. Nagtungo ito sa kusina ni Mang Pablo at kinuha ang kutsilyo.
“Huwag Nato, maawa ka…” hintakot na pagmamakaawa ni Mang Pablo. Subalit patungo na sa kaniya si Nato habang hawak ang patalim.
Napahiyaw si Mang Pablo nang biglang lumitaw ang itim na pusa at tumalon sa mukha ni Nato. Pinagkakalmot nito ang mukha ni Nato. Sinamantala ito ni Mang Pablo. Nakatakbo siyang palabas ng bahay at humingi ng saklolo. Sakto namang dumaraan ang mga rumorondang tanod at mabilis na hinuli si Nato at dinala sa presinto.
Bumalik sa loob ng bahay si Mang Pablo kahit nanginginig sa takot. Duguan ang kaniyang sahig dahil sa saksak na inabot ng itim na pusa dahil sa ginawa nitong pagdaluhong at pangangalmot kay Nato. Agad niyang itinakbo sa pinakamalapit na beterinaryo sa kanilang lugar ang tagapagtanggol na pusa upang isalba ang buhay nito.
Tuluyang nakulong si Nato dahil sa kasong isinampa ni Mang Pablo laban sa kaniya. Gumaling din ang itim na pusa at inampon na ito ni Mang Pablo na pinangalanan niyang “Savior”. Nawala ang takot ni Mang Pablo sa mga pusa at mas lalong pinaigting ang pag-iingat sa pakikipagkaibigan sa mga hindi kakilala.