Inday TrendingInday Trending
Ang Lihim sa Pagkatao ng Asawa ko

Ang Lihim sa Pagkatao ng Asawa ko

Nagkakilala sina Vina at Samuel sa isang hindi inaasahang pagkakataon. Hindi nakapaglaba ng kaniyang mga damit si Vina kaya minabuti niyang magtungo sa laundry shop na malapit sa kanila. Hindi naman niya akalaing kaniya-kaniya pala ang paggamit sa washing machine na naroon. Hindi siya marunong. Isang estrangherong lalaki ang tumulong sa kaniya. Si Samuel.

Matapos ang ilang kuwentuhan habang hinihintay na matapos ang kanilang mga labahan, nagkapalitan sila ng mga cellphone number. Halos araw-araw silang magkatext at magkatawagan. Inaya ni Samuel ang dalaga na lumabas. Matapos ang ilang buwan, nagkapalagayan ang kanilang mga kalooban. Niligawan ni Samuel si Vina, at sa loob lamang ng tatlong buwan ay naging magkasintahan sila.

Makalipas naman ang isang taon ay nag-aya nang magpakasal si Samuel. Pumayag naman si Vina. Nasa hustong gulang na rin sila. Dumalo ang mga kaanak nila sa simpleng kasalan sa huwes. Civil Wedding. Naging masaya rin ang kanilang reception. Sa kanilang pulot-gata, ipinangako ni Samuel kay Vina ang isang masaganang buhay. Inilista nila sa isang notebook ang lahat ng mga bucket list na kailangan nilang maranasan habang sila ay magkasama, gayundin ang mga posibleng magiging pangalan ng kanilang mga magiging anak.

Bumukod na rin sila sa isang studio type apartment. Sa unang dalawang buwan ay maayos naman ang kanilang pagsasama. Nagresign sa kaniyang trabaho si Vina upang matutukan ang pagiging isang maybahay habang si Samuel naman ay supervisor sa isang sikat na mall. Isang magandang balita ang ipinarating ni Vina sa asawa. Buntis siya. Tuwang-tuwa naman si Samuel.

Sa ikatlong buwan ng kanilang pagsasama, maraming napansin si Vina sa mga gawi ng kaniyang asawa na hindi niya napansin o nakita noong sila ay magkasintahan pa lamang. Sadya ngang may katotohanan ang matandang kasabihang makikilala mo lamang nang lubusan ang isang tao kapag nakasama mo na sa iisang bubong.

Napansin niyang hilig ni Samuel na ilagay sa loob ng refrigerator ang kaniyang sapatos matapos ang maghapong pagtatrabaho. Kalmado at masayahin ito subalit bigla-bigla na lamang magagalit at ibabato sa pader ang anumang bagay na hawak o makita. Kamakailan lamang ay ibinato nito sa dingding ng bahay ang laptop sa kasagsagan ng paggawa ng mga kailangan sa trabaho. At kitang-kita ni Vina ang pagbabago sa mukha ng asawa. Para itong isang halimaw. Nakaramdam ng takot si Vina sa asawa.

“Grabe ka pala magalit mahal. Ibinabato mo ang mga bagay na hawak mo,” minsan ay pabirong untag ni Vina sa asawa.

“Pasensya na mahal. Ganoon lang talaga ako. Kaya huwag mo akong gagalitin ha? Kung ayaw mong isako kita at tadtarin nang pinong-pino,” sabi ni Samuel sa asawa. Kitang-kita ni Vina ang mabilis na pagbabago sa ekspresyon ng mukha ng asawa. Seryosong-seryoso ang mukha nito. Sumidhi ang takot na naramdaman ni Vina sa asawa.

“Ma-magagawa mo ba sa akin iyan mahal?” kunwari ay pabirong tanong ni Vina kay Samuel kahit ang totoo’y nahihintakutan na siya sa asawa.

Kung kanina’y seryoso ang mukha, bumalik sa panatag at masiyahin ang mukha ni Samuel.

“Syempre hindi mahal. Pero kung lolokohin mo ako, baka magawa ko,” sabi ni Samuel sabay sakal kay Vina. Mahigpit ang pagkakasakal ni Samuel kay Vina kaya mabilis na sinalag ito ni Vina.

“Nasasaktan ako ano ba?” galit na sabi ni Vina sa asawa. Tila binuhusan naman ng malamig na tubig si Samuel at bumalik sa tila magiging among tupa. Niyakap niya nang mahigpit ang asawa.

Simula noon ay lagi nang binabantayan ni Vina ang kilos ng kaniyang asawa. Mas kapansin-pansin at napapadalas na ang mga kakaibang galaw at akto nito. Gumigising ito tuwing alas tres ng umaga at naninikluhod sa tapat ng bintana.

Parang may sinasambang kung anuman o sinuman. Saka lamang naalala ni Vina na hindi niya pala natanong sa asawa kung ano ang relihiyon nito. Nang ikasal sila, mahigpit ang kagustuhan nitong sa huwes sila ikasal bagay na hindi naman naging big deal kay Vina. Simula nang makita niya ang kakaibang gawi ng kaniyang asawa, natakot na siyang tanungin ito sa relihiyon nito.

Isang araw, naisipan niyang tanungin ang mga magulang o kamag-anak nito hinggil sa ilang mga impormasyon tungkol sa kaniyang asawa. Pero tikom ang mga bibig nito. Ayaw magsalita. Hindi niya malaman kung bakit. Doon niya nakumpirmang may kakaiba talaga sa kaniyang asawa. Nang dumating ito mula sa trabaho ay galit na galit ito sa kaniya.

“Bakit ka nagtatanong tungkol sa akin? Tungkol sa relihiyon ko?” nanlilisik ang mga mata ni Samuel. Muntik na siya nitong sapukin sa mukha kung hindi lamang siya nakalayo. Pagkatapos nito ay humingi naman ng tawad si Samuel sa asawa at tila walang nangyari.

Babae ang isinilang na anak ni Vina. Isang madaling-araw, nagising sa pagkakahimbing si Vina nang mapansin niyang wala sa kaniyang tabi ang anak. Wala rin si Samuel. Bumangon siya at tila hibang na hinanap ang dalawa. Natagpuan niya ang asawa at anak sa sala. Nakahiga sa sahig ang sanggol. Ang sahig ay may guhit na malaking bilog at sa gitna nito ay may bituin. Sa bawat sulok ng bituin ay may nakatirik na kandila. May hawak na kutsilyo si Samuel.

“Samuel?! Anong gagawin mo sa anak natin?” nasisindak na tanong ni Vina sa asawa. Kakaibang Samuel ang kaharap niya ngayon. Namumula ang mga mata. Nanlilisik. Parang sa demonyo.

“Iaalay ko sa aking diyos ang anak natin. Ang mga anak na babae sa aming relihiyon ay laan para lamang kay Santana, ang aming diyos!”

“Wala akong pakialam kung sino ang diyos mo! Layuan mo ang anak ko!” dinaluhong ni Vina ang asawa. Handa siyang makipagpatayan para sa kaniyang anak. Tinadyakan niya sa pagkalalaki ang asawa at napaaringkingking ito sa sakit. Kinarga niya ang anak at lumabas ng bahay. Nagtatakbo siya. Hindi niya alam kung may sapin ba siya sa paa o kung ano ang hitsura niya. Ang mahalaga’y maitakas niya ang anak at ang sarili sa tiyak na kapahamakan mula sa sariling asawa.

Hinabol naman siya ni Samuel habang nakaunday ang kutsilyo. Mabuti na lamang at may mga rumorondang barangay tanod sa kanilang lugar kaya nasaklolohan agad si Vina at hinuli at dinala sa presinto si Samuel. Tumatawa ito mag-isa at bukambibig ang pahayag na “Sa kaluwalhatian ni Santana”.

Napag-alaman ni Vina mula sa mga kaanak ni Samuel na kasapi pala ito ng isang kulto. Hindi raw nila napigilan ang anak na umanib sa naturang kulto bagay na pinagsisisihan ng mga magulang nito. Nasiraan ng bait si Samuel at dinala sa pagamutan ng mga baliw. Mag-isa namang binuhay ni Vina ang kaniyang anak na pinangalan niyang Tabitha. Nabuo sa isipan ni Vina na kailangan munang kilalaning maigi ang isang taong nais makasama sa iisang bubong bago gumawa ng isang pagpapasyang tiyak na pagsisisihan habambuhay.

Advertisement