Habang iwinawasto ang pagsusulit ng kaniyang mga mag-aaral ay napakunot ang noo ng gurong si Sonya nang mapansin ang mabababang marka ng isa sa kaniyang mga advisee na si Lorenzo Espina.
Guro ng Matematika si Sonya sa isang pampublikong mababang paaralan sa Caloocan. Grade 4 ang hawak niya ngayon. Mapalad si Sonya dahil limang seksyon lamang ang hawak niya. Bagong guro pa lamang siya. Tipikal na sa kaniya ang mga batang pumapasok na gutom o kaya naman ay bigla na lamang hihinto sa kalagitnaan ng taong pampanuruan.
Isa sa mga nakapukaw ng kaniyang pansin ay ang mag-aaral na si Lorenzo Espina. Noong nakaraang PTA meeting ay nagtaka siya kung bakit walang magulang na nagpunta para kay Lorenzo. Nang tanungin niya ang bata ang sabi nito ay abala ang kaniyang mga magulang sa trabaho.
“Ano bang trabaho ng mga magulang mo, Lorenzo?” minsa’y tanong ni Sonya sa kaniyang estudyante. Hindi naman sumagot ang bata. Parang nahihiya ito.
Napapansin din ni Sonya na tila laging inaantok sa klase si Lorenzo. Bigla na lamang itong dumudukmo sa upuan.
Subalit ang katangi-tangi sa batang ito ay kahit ganito ito ay nakakasagot pa rin ito sa mga tanong niya. Nakikiisa sa recitation. Hindi mataas o pero hindi rin mababa ang mga markang nakukuha sa mga pagsusulit.
Minsan ay pinatawag niya ito sa faculty room upang kausapin.
“Lorenzo, bakit ka laging inaantok sa klase? Puyat ka ba palagi?” untag ni Sonya sa bata.
Gaya ng dati ay nakayuko lamang ito at tila hiyang-hiya sa kaniya.
“Huwag kang mahihiyang magtapat sa akin. Ako ang class adviser mo. Makikinig ako,” sabi ni Sonya sa bata. “Wala naman po. Napupuyat lamang po ako sa pagbabasa. Nag-aaral naman po ako ng ating mga leksyon sa bahay,” tugon ni Lorenzo.
“Hindi mo pa sinasagot ang mga tanong ko, Lorenzo. Anong trabaho ng mga magulang mo? Gusto ko silang makausap,” bigay diin ni Sonya.
Hindi na naman sumagot ang bata. Kaya ang ginawa ni Sonya ay iniabot niya rito ang isang sobre. Sa loob ng sobre ay may opisyal na liham paanyaya para sa mga magulang nito.
“Gusto ko silang makausap. Kahit sino sa kanila. Nanay o tatay mo. Ibigay mo iyan sa kanila, ha?” paalala ni Sonya kay Lorenzo. Tumango naman ang bata at ipinabalik na niya ito sa klase.
“Ano ang kaso ng batang iyan?” usisa ni Jocy, guro ng Agham. “Napapansin ko kasing laging inaantok sa klase. Gusto kong ipatawag ang mga magulang. Pero alam mo marunong siya, eh. Kapag tinatawag ko siya nakakasagot naman. Baka lang kako may pinagkakapuyatan,” tugon ni Sonya.
“Naku, ang mga kabataan ngayon laging ganiyan. Ang anak ko nga lagi kong pinagsasabihan na huwag masyadong magpuyat kakagamit ng cell phone. Alam mo naman ang panahon ngayon puro social media at online games ang inaatupag ng mga bata,” sabi naman ni Jocy.
Sa tingin naman ni Sonya ay hindi napupuyat si Lorenzo sa paglalaro ng online game o kaya naman ay pagbababad sa social media. Hindi pa niya nakitang naglabas ng kahit na anong cell phone ang bata. Napansin din niyang tila lukot ang mga uniporme nito at hindi maayos na nalalabhan.
Isang umaga ng Sabado habang naglalakad si Sonya ay napansin niya ang isang pamilyar na mukha na naglalako at sumisigaw ng “Balut! Balut!”
Nang mapalapit ito sa kaniya ay nagulat siya dahil si Lorenzo pala iyon. Nagulat din ang bata. Namutla ito at nagtangkang umiwas subalit mabilis itong nahawakan sa bisig ni Sonya.
“Lorenzo? Bakit ka nagtitinda ng balut?”
Inaya ni Sonya ang bata sa isang kalapit na karinderya at binilhan ng makakain. Mukhang gutom na gutom kasi ito.
Nagtapat ang bata sa kaniya. Nagtitinda pala ito ng balut tuwing gabi at tuwing walang pasok. Napansin din ni Sonya na nakasukbit sa likod nito ang bag na naglalaman ng mga kuwaderno at aklat. Kapag daw walang bumibili ng balut ay humihinto siya at nagbabasa o gumagawa ng takdang-aralin. Umuuwi raw siya sa bahay ng alas dos ng madaling-araw. Minsan daw ay wala siyang benta.
“Nasaan ang mga magulang mo?” tanong ni Sonya sa bata.
Sa pagpupumilit ni Sonya ay isinama siya ni Lorenzo sa kanilang bahay. Nakatira lamang ito sa isang maliit na barung-barong. Nagulat siya dahil ang tatay pala nito ay isang paralitiko. Ang nanay naman nito ay isang plantsadora. May limang maliliit na kapatid si Lorenzo. Siya pala ang panganay.
“Hindi ko po pinapayagan si Lorenzo na magbenta ng balut pero siya po ang mapilit, ma’am. Gusto raw po niya akong tulungan,” naiiyak na sabi ng nanay ng bata. Naunawaan naman ni Sonya ang kalagayan ng pamilya.
Nauunawaan na ngayon ni Sonya kung bakit inaantok o nakakatulog sa klase si Lorenzo. Binibigyan na lamang niya ito ng pagkain o pera nang palihim upang makatulong. Nairaos ni Lorenzo ang elementarya matapos ang ilang taon habang nagbebenta ng balut.
Sa pagtatapos ni Lorenzo ay hindi niya nakalimutang puntahan ang dating adviser na si Sonya. Niyakap niya ito nang mahigpit.
“Ma’am, maraming salamat po sa pag-unawa. Hinding-hindi ko po kayo makakalimutan. Magiging inspirasyon ko po kayo sa hayskul gayundin po sa college,” pagpapasalamat ni Lorenzo kay Sonya.
Sa tuwing makakakita si Sonya ng batang nagtitinda ng balut ay hindi niya napipigilang mapangiti. Naaalala niya si Lorenzo. Naaalala niya ang batang nagturo sa kaniya ng kagandahan ng kaniyang propesyon at pati na rin sa buhay.