“Aray! Susumbong kita kay Mommy! Hala ang daming dugo!” sigaw ng isang batang lalaki, iyak ito nang iyak, dahilan para makuha ang atensyon ng kanilang guro.
“O, iho, ano nangyari halika dali pumunta tayong clinic.” mahinahong saad ng guro.
“Si Kesiah po kasi Ma’am tinusok ako ng lapis!” sambit ng bata, mas lalo itong ngumawa.
“Dapat lang sayo yan! Kanina pa kita kinakalabit ayaw mo ako pansinin!” ika ni Kesiah sabay belat sa umiiyak na bata.
Kilalang maldita sa paaralan nila ang anak ni Perla na si Kesiah. Palagi siyang laman ng guidance office kahit siya ay nasa ika-tatlong baitang pa lamang. Lahat halos ng kamag-aral niya ay nasaktan na niya. Bugnutin kasi at ayaw niyang pinapakialaman siya.
May mga pagkakataon na gusto na siyang pahintuin muna ni Perla at dalhin sa probinsya para doon makapag-adjust, pero hindi siya pumayag at nangakong magpapakabait na.
Nagpakabait nga si Kesiah, ginawa niya ang lahat para hindi ipadala sa probinsya. Ayaw niya doon kasi alam niyang walang ipapagawa sa kanya kundi magtanim ng mga gulay. Dahil dito, hanggang sa makapagtapos ng kolehiyo ang dalaga, wala siyang ginawa kundi mag-aral at umiwas sa away ngunit hindi na siguro talaga matatanggal sa kanya ang pagka-maldita.
Noong makapagtapos na siya ng pag-aaral, naghanap na agad siya ng trabaho. Isinama siya ng kaisa-isa niyang kaibigan sa Makati. Agad naman silang natanggap.
“Hay naku friend, mataas daw ang sweldo dito, saka yung boss natin? Napakagwapo daw! Maskulado, matangkad, maputi kaso nga lang friend mabait lang sa mabait kaya sorry ka na lang, maghanda kana kasi ang balita pa, mahigpit daw yun sa may mga ugali, katulad mo!” pang-iinis na sabi ni Jaja.
“Pakialam ko? Andito ako para kumita ng pera hindi para magbait-baitan sa boss. Hindi ako sipsip no!” mataray na sambit ni Kesiah sabay irap sa kaibigan, ngunit napalakas ata ito at nilapitan sila ng isang matangkad na lalaki.
“Excuse me. Kayo ba yung mga bagong empleyado? Please lang mga miss, wag masyadong maingay dahil maraming meetings ang nagaganap sa paligid.” anang lalaki, itinuro pa ang sunud-sunod na meeting room na lahat ay may laman. “O, tinagalog ko na ha? Sana naintindihan mo na.” ika nito mismo kay Kesiah, napatulala angmagkaibigan, naglakad na ang binate paalis ngunit bigla siyang bumalik. “Pakilinis nga pala yung mga bintana sa floor na ito Kesiah, sama mo yang kaibigan mo, kunin niyo kay Mang Jun yung mga kailangan ninyong gamit.” sabi ng lalaki sabay alis.
Sinunod nga nila ang sinabi ng lalaki. Tahimik lang na nag-iisip si Kesiah, bahagya siyang nagulat pero hindi pa rin talaga matanggal ang kamalditahang mayroon siya.
“Grabe siya na ba yun? Saglit para bumababa kusa ang salawal ko! Diba friend siya yung tinusok mo ng lapis noong grade three tayo? Lagot tayo niyan, magsasama na talaga ang balat sa tinalupan! Pati ako damay!” sambit ni Jaja habang dala-dala ang mga panglinis.
“Oo nga e, pero hindi tama na gumaganti siya sa akin sa ganitong paraan. Hindi ako nag-aral ng apat na taon ng business management para maglinis ng mga bintana!” inis na ika ni Kesiah saka inihagis ang basahang hawak.
Pinuntahan niya sa opisina ang lalaki. Basta na lamang siyang pumasok, at halata ang pagkainis sa mukha nito nang makita siya.
“Hoy Jeff! Ang sabi sa amin, bago kami magpunta dito sa opisina daw kami magtatrabaho, bakit bigla kaming naging janitress dito?” mataray na wika niya habang nakapamaywang.
“Ay pasensya kana ha, hindi kasi bagay yung ganyang ugali sa opisina namin. Maaari ka nang umalis at maglinis ng bintana, nakakaabala ka sa board meeting namin. Sayang ganda mo, baho ng ugali mo.” ani Jeff—ang kanilang boss, saka lang napansin ni Kesiah na may mga tao pa pala sa silid, dali-dali naman siyang lumabas sa kahihiyan.
Lumipas ang mga buwan na puro ganoon ang ipinapagawa sa kanya, habang ang kaibigan niyang si Jaja ay nagtatrabaho na kasama ng kanilang boss. Naiinis na siya at naiinggit, kahit na ganoon pa rin ang sahod niya, pagod na siyang utus-utusan ng mga empleyado doon para maglinis ng kanilang mga lamesa.
Isang araw habang nililinis niya ang opisina ang kanilang boss, bigla itong dumating. Dahil nga sa bigat na bigat na sa trabaho niya si Kesiah, hindi na niya nagawang malditahan ito at tahimik lang na nagpupunas ng mga gamit doon.
“Pagod kana ba? Bakit hindi moa ko tinatarayan ngayon?” saad nito habang nagbabasa ng magazine.
“Ayoko na makipag-usap sayo baka mamaya pati mga inodoro dito ipalinis mo sakin. Pasalamat ka talaga na kailangan ko lang ng pera kundi, naku hindi ako magtitiis sa madumi mong kompanya.” mahinang saad ni Kesiah, ramdam pa rin ang kaunti niyang pagkamaldita, napatawa naman dito ang kanyang boss.
“Sige na nga, nakakaawa ka naman e. Buksan mo yang drawer na yan. Suutin mo lahat ng andyan.” nakangiting sabi ni Jeff.
Binuksan niya nga ang drawer, tumambad sa kanya ang uniporme na katulad sa kaibigan niya, magsisimula na siyang magtrabaho sa opisina. Tuwang-tuwang nagtatatalon sa harapan ng boss niya. Pero napatigil siya dahil may natirang maliit na kahon sa drawer, binuksan niya ito at nakita niya ang isang mamahaling singsing.
“Matagal na kitang crush, Kesiah. Sa katunayan, hinanap talaga kita para magtrabaho sakin. Tiningnan ko rin kung maldita ka pa rin, medyo nagbago ka ng konti, pero hanga pa rin talaga ako sayo. Ewan ko ba napakamanhid mo e, hindi ka man lang nagtataka kung bakit kahit boss mo ako, hindi kita sinisisante kahit na lagi mo akong sinusungitan o sinasagut-sagot. Ang tanong ko lang, gusto mo bang magpakasal sakin? O kahit nobyo man lang? Tago mo muna iyang singsing tapos kapag ready kana, sabihin mo lang sakin.” nakangiting sabi ni Jeff, habang ito namang si Kesiah, parang isinimento na sa kinakatayuan niya.
Lumipas ang mga taon at nakapagpasiya na si Kesiah na magpakasal sa lalaking sinaksak niya ng lapis noong nasa ikatlong baitang sila. Masaya niyang kinuwento sa kasal nila ang dahilan kung bakit niya nga ba naisipang saksakin ng lapis ang lalaki.
“Akala ko kasi Jeff, hindi mo ako napapansin. Magkatabi nga tayo palagi pero ewan ko bakit lagi kang nakatingin sa bintana at hindi man lang ako kinakausap. Kaya naisipan kong saksakin ka ng lapis, dahil doon hindi mo lang ako napansin, napaiyak pa kita.” saad ni Kesiah, nagtawanan naman lahat bisita nila.
“At dahil sa pagsaksak mo ng lapis, nasabi ko rin sa wakas ang pangalan mo. Hindi lang sa kamay ko nagmarka iyon, pati na rin sa puso’t isip ko.” ani Jeff, nagtilian naman ang mga tao dito.
Sino naman ang mag aakalang may pag-ibig palang nagsisimula sa saksakan? Si Kupido talaga, pilyo.
www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!