Inday TrendingInday Trending
Talinong Taglay ni Ama

Talinong Taglay ni Ama

Sa edad na labing pito, nakabuo na agad ng pamilya si Mang Berting, dahilan para hindi siya makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit kahit ganoon, kitang-kita ng mga anak niya ngayon kung gaano katalino ang kanilang ama, uhaw na uhaw ito sa mga impormasyong hindi niya natutunan sa paaralan.

May apat na siyang anak sa ngayon, isang kolehiyo, dalawang hayskul at isang elementarya. Tuwing may takdang aralin ang mga ito, hinihintay pa nilang umuwi ang ama para magpaturo, wala kasi silang internet o kahit na anong gadget na magagamit para gamitin upang mag-research.

“Ama, basahin niyo po, hindi ko po alam yung sagot e. Ang hirap po!” reklamo ng isa niyang anak na hayskul.

“Ay madali lang yan, kunin mo yung table of elements mo, hanapin mo yung mga atomic mass nila para matagpuan mo kung anong elements yung hinahanap dito.” ika ni Mang Berting, binaba ang gamit saka niya ginabayan ang anak sa pagsagot sa takdang aralin.

“Ama ako naman po kailangan ko ng picture ng kalabaw saka bahay kubo, wala na po akong mahanap na litrato dito sa mga lumang libro.” daing ng anak niyang nag-aaral sa elementarya.

“O sige anak, tapusin lang namin ni ate ito, tapos guguhit ako ng kalabaw at bahay kubo mo, hintay lang anak.” masayang aniya sabay kindat sa anak.

Halos araw-araw sa tuwing may pasok sa paaralan ang mga anak, laging ganito ang eksena sa bahay nila pagkagaling niyang trabaho. Isang construction worker si Mang Berting, dahil nga hindi nakapagtapos, wala siyang mahanap na trabahong maganda-ganda ang sahod.

Ngunit dahil naman sa katalinuhang mayroon siya, ayaw siyang bitawan ng boss niya ngayon. Madalas kasi na malaki ang naiiambag niya sa proyekto lalo na hilig niya ang mag guhit ng mga bahay, pangarap niya dating maging isang arkitekto.

“O, Mang Berting, sa susunod ulit ha. Dadagdagan ko na lang po ang sahod niyo.” anang kaniyang amo.

“Naku salamat po sir! Asahan niyong mas gagalingan ko pa!” masayang ika niya.

“Balita ko po matatapos na ang anak niyo sa kolehiyo? Kapag gusto niyang magtrabaho bilang arkitekto dito sakin sabihin niyo lang po, sigurado akong manang-mana yon sa iyo!” sabi ng lalaki, galak na galak naman si Mang Berting sa narinig.

Agad niya itong binalita sa anak. Tuwang-tuwa naman ito.

“Grabe ama! Sana talaga makapasa ako sa exam no? Naku! Mapapag-aral ulit kita! Salamat sa Diyos!” anito habang yakap- yakap ang tatay.

“Hay naku, anak, masyado na akong matanda para makapag-aral.” malungkot na ika ni Mang Berting.

“Ama, walang sa edad ang determinasyong mag-aral. Subukan mong muli, sigurado akong kayang-kaya mo yon!” pagbibigay pag-asa ng anak.

Nakapasa nga ang kanyang anak sa board exam at isa nang ganap na arkitekto. Pumasok ito sa amo ni Mang Berting at doon nagtrabaho. Mabait at maganda talagang magpasahod ang amo nila kaya naman kahit paunti-unti umaalwan ang buhay nila.

Makalipas ang ilang buwan, pinasok si Mang Berting ng kanyang anak sa kolehiyo. Noong una ay nahihiya talaga siya dahil sa edad na singkwenta’y dos ay nasa unang taon pa lamang siya ng kolehiyo. Ngunit naantig ang puso niya sa mga sinabi ng mga anak.

“Ama, huwag kang mahiya. Hindi mo naman sila kaanu-ano e, wala silang ambag sa buhay mo kaya huwag mo sila pansinin.” saad ng kanyang anak, unang araw ni Mang Berting sa paaralan.

“Tama ama, ang mahalaga maabot mo ang pangarap mo kahit na may edad kana. Diba pangarap rin yan para sa iyo ni ina bago siya sumakabilang buhay.” pagpapaalala ng bunso niyang anak.

Hindi man natigil ang mga usap-usapang naririnig ni Mang Berting tungkol sa kanya, hindi niya ito ininda. Bagkus, nagsumikap siyang mag-aral para sa kanyang mga anak at syempre para sa kanyang pangarap. Tuwing walang pasok ay nagtatrabaho siya bilang isang construction worker para pandagdag kita at kung may pasok naman, nauwi siya ng maaga para tulungan sa mga takdang aralin ang mga anak.

Lumipas ang mga taon at nakapagtapos na ng pag-aaral si Mang Berting kasabay ng kaniyang pangatlong anak.

“Wala nang mas sasaya pa sakin, mga anak ko! Maraming salamat sa inyong walang sawang pagsuporta. Napakaswerte kong magkaroon ng mga anak na hindi lang matatalino kundi marunong rin magbigay ng halaga at utang na loob sa kanilang magulang. Kung andito lang ang ina ninyo, sobrang magiging proud yun sa inyo. Akalain niyo, napagtapos niyo ang ama niyo!” ika ni Mang Berting habang patuloy ang pagdaloy ng mga luha sa kanyang pisngi.

Hindi karera ang buhay, ang tagumpay ng bawat tao ay dumarating sa iba’t ibang edad. Hindi kailangang mag unahan ang ikumpara ang sarili sa iba, basta magsipag, magtiyaga at manalig sa Diyos. Tiyak na makakamit ang mithiin ng puso.

www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement