Inday TrendingInday Trending
Para Makaahon sa Hirap ay Pinakasalan ng Lalaki ang Hacienderang Amo; May Mas Maitim pa Pala Siyang Balak

Para Makaahon sa Hirap ay Pinakasalan ng Lalaki ang Hacienderang Amo; May Mas Maitim pa Pala Siyang Balak

Lumaki sa mahirap na pamilya si Waldo. Ang kanyang mga magulang na sina Mang Serafin at Aling Diday ay naghahanapbuhay bilang mga magsasaka. Kahit mahirap ang trabaho’y masipag ang mag-asawa kaya lubos na pinagkakatiwalaan ang mga ito ng may ari ng lupang sakahan na pinagtatrabahuhan nila.

Kung masipag ang nanay at tatay ni Waldo ay kabaligtaran naman ang ugali niya.

“Waldo, anak, bumangon ka na, kailangang maaga tayong gumawa sa bukid ngayon!” sigaw ni Mang Serafin nang pumasok ito sa kanilang bahay at nakita siyang natutulog pa.

“S-sige po, itay, susunod na po!” sagot niya habang nagising na at pupungas-pungas pa.

“Bilisan mo! Hintayin ka namin ng nanay mo sa bukid!” tugon ng ama.

Nang makaalis si Mang Serafin ay padabog siyang bumangon sa papag.

“Buwisit na buhay ‘to! Habang buhay na lang ba akong lulusong sa putik, kailan kaya ako makakaahon dito?” inis niyang tanong sa sarili.

Kinagabihan ay dumalaw sa kanila ang tiyuhin niyang si Rigor at mayroon itong ibinalita.

“Nangangailangan ng tauhan sa haciendang pinagtatrabahuhan ko sa kabilang bayan at isa ka sa inirekomenda ko, Waldo,” hayag ng tiyuhin.

“Talaga po, Tiyo Rigor? Gusto ko ‘yan! Kailan ako mag-uumpisa?” masaya niyang tanong.

“Bukas ay isasama na kita roon,” sagot ni Rigor sa pamangkin.

“Mabuti naman at tinanggap mo ang trabahong alok ng tiyo mo. Mas malaki raw ang sasahurin mo sa hacienda kaya pumayag na kami ng nanay mo. Kami na lang ang gagawa sa bukid tutal ay kaya naman naming dalawa,” wika naman ni Mang Serafin.

“Sino ba ako para tumanggi? Eh, mas gusto ko na ‘yon kesa sa palagi akong lumulusong sa putik,” sambit ni Waldo sa isip.

Nang magsimula siya sa bagong trabaho, akala niya’ y makukuntento na siya. Hindi man siya lumulusong sa putikan ay hindi pa rin siya nasisiyahan bilang trabahador sa hacienda na nag-aalaga at nagpapakain ng mga kabayo at baka.

“Pareho rin palang mahirap ang trabaho ko rito. Akala ko’y maganda na ang estado ko, ‘yun pala ay magiging muchacho lang ako ng mga hayop na ‘to!” inis niyang sabi habang naglilinis ng mga dumi ng mga alagang hayop sa hacienda.

Lingid sa kaalaman ni Waldo ay may lihim na pagtingin sa kanya ang anak ng may-ari ng hacienda na si Regina ngunit hindi ang tulad nito ang tipo ni Waldo dahil may katabaan at hindi nabiyayaan ng ganda si Regina. Isang araw ay hindi na nakatiis ang babae at ipinatawag si Waldo.

“Waldo, ipinapatawag ka ni Ma’am Regina, gusto ka raw makausap,” wika ng isa sa mga kasama niyang trabahador sa hacienda.

“Ako? B-bakit kaya?”

Dali-dali niyang pinuntahan ang amo at kinompronta siya nito.

“Alam mo ba na noong unang pasok mo pa lang dito’y natipuhan na kita, Waldo. Tatapatin na kita, gusto kita at kung papayag ka ay iaahon kita sa hirap. Hindi ka na marurumihan o maarawan. Ibibigay ko sa iyo ang marangyang pamumuhay,” hayag ng babae na aminadong malakas ang tama sa kanya.

Sa una ay ikinagulat niya ang ipinagtapat ni Regina ngunit tila magandang musika sa pandinig niya ang pag-aalok nito ng magandang buhay sa kanya.

“Mukhang pat*y na pat*y talaga sa akin ang pangit na ito, pero napakasuwerte ko na ako ang nagustuhan niya. Tiba-tiba ako sa tabachoy na ito!” natatawang sabi ni Waldo sa isip na gustung-gusto ang alok ng babae.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang lalaki at tinanggap ang alok ni Regina. Mas nanaig sa kanya ang tuksong may pangakong kasaganaan. Agad siyang nagpakasal kay Regina.

“Hinding-hindi mo pagsisisihan ang pagpapakasal sa akin, Waldo. Gagawin kitang hari. Mahal na mahal kita,” wika ni Regina sabay halik sa kanyang mga labi sa unang gabi nila bilang mag-asawa.

“Nakakasuka ang pagmumukha ng tabachoy na ito. Suwerte mo at mapera ka kundi ay malabo akong magpakasal sa iyo,” sabi ni Waldo sa isip na diing-diri sa ginagawang paghalik sa kanya ng asawa.

Parang tumama sa lotto si Waldo. Napakabait ni Regina bilang asawa kahit pa hindi kaaya-aya ang hitsura nito ay talaga namang nagbuhay hari siya dahil sunud na sunod ang lahat ng luho niya rito. Dahil sagana na si Waldo sa salapi, natuto siyang malulong sa iba’t ibang klase ng bisyo gaya ng alak, sugal, at pambababae.

“Buwisit, malas! Talo na naman ako! Kailangan kong humingi ulit ng pera kay Regina,” sambit ni Waldo nang makitang ubos na ang perang dala niya.

Humingi siya kay Regina ng pera para sa kanyang bisyo. Walang nagawa ang babae kundi ang ibigay ang hiling niya, dahil nga mahal na mahal siya ni Regina ay pinagbibigyan siya nito sa lahat ng gusto niya pero kontra naman dito ang ama ni Regina na si Don Pablo na may-ari ng hacienda.

“Hindi ako tumutol sa pagpapakasal mo sa lalaking ‘yon dahil mahal kita, anak at gusto kong lumigaya ka kahit hindi ko siya gusto para sa iyo. Pero kailan ka ba magigising sa katotohanan na kinukuwartahan ka lang niya? Hindi ka niya mahal, Regina kaya kung maaari ay putulin mo na ang relasyon mo sa kanya at makipaghiwalay ka na sa Waldo na ‘yon!” galit na wika ng ama.

“Pero, papa, hindi ko kayang iwan si Waldo. I love him so much! Kung hindi mo siya matatanggap ay aalis kami rito sa hacienda at magpapakalayu-layo,” pagbabanta ng anak.

“Sobra kitang mahal, anak, ayokong naagrabyado ka. Kahit sino pa ang ibigin mo basta’t tanggap ka nang buong-buo,” tugon ni Don Pablo.

“Kung talagang mahal niyo ako ay hahayaan niyo kami ni Waldo, papa!”

“Hindi ako papayag na patuloy ka niyang lokohin, Regina. Sa oras na hindi mo hiwalayan ang lalaking ‘yan ay aalisan kita ng mana para walang mapakinabangan sa iyo ang mapagsamantala mong asawa!” pananakot ni Don Pablo.

Ang hindi alam ng mag-ama ay lihim silang pinapakinggan ni Waldo.

“Kontrabida pala ang Don Pablo na ito! Humanda siya sa akin!” gigil na sabi ng lalaki sa sarili.

Nang mag-usap ang mag-asawa ay tinapat ni Regina si Waldo.

“Aalisan daw ako ni papa ng mana kapag hindi ako nakipaghiwalay sa iyo. Patawarin ako ni papa pero hindi kita ipagpapalit sa kahit anumang kayamanan. Magpapakalayu-layo tayo, mahal ko, aalis tayo rito sa hacienda. Huwag kang mag-alala, marami naman akong naipon at may sarili akong pera kaya hindi tayo magugutom,” hayag ni Regina.

“Kahit anong mangyari ay sasama ako sa iyo, Regina. Natutunan na kitang mahalin kaya kahit saaan ka magtungo ay hindi kita iiwan,” sagot ni Waldo na puno ng kasinungalingan. “Ang akala ng matandang ‘yon ay magtatagumpay siya, nagkakamali siya. Kapag nawala siya sa landas ko ay sa pangit kong asawa mapupunta ang lahat ng kayamanan niya,” dagdag pa niya sa isip.

Kinabukasan ay isinakatuparan na niya ang maitim na balak kay Don Pablo.

“Walang makakaalam na unti-unting tutulo ang brake fluid ng kotse ng Don Pablo na ‘yon at mamaya lang, malamig na siyang bangk*y at kapag wala na ang matanda ay madali ko nang mabibilog ang ulo ng tabachoy kong asawa at ‘di magtatagal ay siya naman ang isusunod ko sa hukay,” malakas na sambit ni Waldo na may halong paghalakhak.

At nagtagumpay nga si Waldo. Naaksidente si Don Pablo dahil sa ginawa niya sa kotse nito. D*ad on arrival sa ospital ang matanda at ang labis na nagdadalamhati sa pagkawala nito ay ang nag-iisang anak na si Regina.

“Papa, patawarin mo ako! Bakit mo ako iniwan!” hagulgol ni Regina habang pinagmamasdan ang ama na nasa loob ng kabaong.

“Ayos! Wala nang sagabal,” tatawa-tawa namang sambit ni Waldo sa sarili.

Nang mailibing si Don Pablo ay agad na kinausap si Regina ang kanilang abogado.

“Ikinalulungkot ko, hija, wala kang mamanahin mula sa iyong papa. Ang lahat ng kanyang ari-arian at kayamanan ay mapupuntang lahat sa kawang-gawa,” bunyag ng abogado.

“A-ano, hindi!” ‘di makapaniwalang tugon ni Regina na muling napa-iyak. “Tinotoo ni papa ang banta niya!”

Sukdulan ang galit ni Waldo sa nalaman.

“Hay*p na matanda, naunahan ako! Malas talaga!”

Dahil sa nangyari ay napagdesisyunan na niyang iwan si Regina dahil wala na siyang mapapala sa babae. Wala itong natanggap na mana kaya wala na ring dahilan para manatili pa siya sa piling nito.

“S-saan ka pupunta, Waldo?”

“Aalis na ako at iiwan na kita, Regina!”

“Dahil ba sa wala akong nakuhang mana kaya iiwan mo na ako? Akala ko ba ay hindi mo ako iiwan?”

“Gusto mong malaman ang totoo? Oo. Matagal na kitang gustong iwan kundi ka lang mapera ay matagal na kitang kinalasan. Dahil hindi ka pinamanahan ng walang kwenta mong ama ay wala ka ng silbi sa akin. Wala na akong mahihita sa iyo!”

Sa sinabing iyon ni Waldo ay mas naging seryoso ang mukha ni Regina.

“Lumabas din ang tunay na kulay mo, Waldo,” wika ng babae.

Natigilan si Waldo.

“A-anong ibig mong sabihin?” tanong ng lalaki.

“Hindi totoo na wala akong nakuhang mana. Kinasabwat ko ang aming abogado para lokohin ka na kunwari ay wala akong natanggap na mana mula kay papa ngunit ang totoo ay mayroon. Sa akin iniwan ni papa ang lahat ng kanyang mga ari-arian. Maging ang milyon-milyong pera niya sa bangko ay ipinamana niya sa akin. Sinubok lang kita kung mananatili ka sa piling ko kahit wala akong nakuhang mana. Hindi pala totoo ang sinabi mo na kahit anong mangyari ay sasama ka sa akin at hindi mo ako iiwan, hindi pala totoo na minahal mo ako! At hindi lang ‘yan, may natuklasan pa ako tungkol sa iyo, mahal kong asawa,” bunyag ni Regina.

Pinagpawisan nang malapot si Waldo.

“A-ano?”

“Isa kang mam*m*tay tao!” galit na tugon ni Regina.

Laking gulat ni Waldo sa sinabing iyon ng asawa. Ang akala niya ay maayos na ang lahat sa pagpanaw ni Don Pablo ngunit nalaman pala ni Regina ang kabuktutang ginawa niya.

“Napakawalang hiya mo, Waldo! Pinasl*ng mo ang aking ama! Ang akala mo siguro ay hindi ko malalaman ang ginawa mo? May CCTV sa garahe kung saan naroon ang kotse ni papa. Kitang-kita kung paano mo sinira ang sasakyan niya kaya siya naaksidente! Di ko akalaing magagawa mo ‘yon, napakasama mong tao! Inalay ko sa iyo ang lahat-lahat. Ipinaglaban din kita kay papa kahit halos itakwil niya ako bilang anak niya, pero ito pa ang isusukli mo sa akin? Pinasl*ng mo ang nag-iisang taong nagmahal sa akin ng totoo at tanggap ang aking anyo. Kahit ang tunay kong ina ay hindi ako minahal gaya ng pagmamahal sa akin ni papa. Napakalupit mo! Pagbabayaran mo ang ginawa mo, Waldo, pagbabayaran mo!” singhal ni Regina na puno ng galit ang kalooban.

“S-sorry, Regina, hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako!” pagmamakaawa ni Waldo saka pinupog ng halik si Regina sa labi.

Ngunit wala na itong bisa kay Regina, ang pagmamahal niya sa lalaki ay naglahong lahat at napalitan ng pagsisisi, hinanakit at galit. Buong lakas niyang itinulak palayo sa kanya si Waldo.

“Pasensya ka na, Waldo pero hindi na ako muling magpapauto sa iyo. Alam mo ba na na sa huling sandali ay nagkasala pa ako kay papa dahil sa labis na kahibangan ko sa iyo? Kabaliwan man pero nakahanda ko sanang kalimutan ang kawalanghiyaang ginawa mo kung natutunan mo lang sana akong mahalin at hindi mo ako pinagtangkaang iwan sa kabila ng hindi pagbibigay sa akin ng mana, pero sa huli ay nangibabaw pa rin sa iyo ang iyong pagiging ganid at mapagsamantala. Sana’y mapatawad ako ni papa at ng Diyos sa inisip kong gawin. Simula ngayon ay hinding-hindi ka na talaga marurumihan, mapuputikan at mahihirapan dahil nakahanda na ang piitang pagdadalhan sa iyo para pagdusahan ang kasalanang ginawa mo!” sagot ni Regina sabay dating ng mga alagad ng batas na magdadala kay Waldo sa lugar kung saan siya nararapat.

Kung mautak si Waldo pagdating sa pera ay mas mautak naman si Don Pablo dahil lingid sa kanya ay puno ng CCTV ang bawat sulok ng hacienda bilang proteksyon na rin ng matanda sa ari-arian nila ng anak. Mautak din si Regina dahil naisip niyang lokohin si Waldo para mapalabas ang totoo nitong hangarin at pagkatao.

Sinayang lang ni Waldo ang pagkakataon. Kung minahal na lang sana niya ng totoo si Regina ay tuluy-tuloy sana ang pagganda ng buhay niya at naihanon na rin sana niya sa kahirapan ang kanyang mga magulang pero nanaig sa kanya ang pagiging gahaman at paghihiganti kay Don Pablo kaya habambuhay niyang pagsisisihan ang paniningil sa kanya ng karma.

Advertisement