Inday TrendingInday Trending
Tampulan ng Tsismis ng mga Kapitbahay ang Babae Dahil Para raw Itong Buto na Tira-Tira ng Aso; Mapapatunayan ng Isang Lalaki na Mali ang Iniisip Nila

Tampulan ng Tsismis ng mga Kapitbahay ang Babae Dahil Para raw Itong Buto na Tira-Tira ng Aso; Mapapatunayan ng Isang Lalaki na Mali ang Iniisip Nila

Naisipan ni Jomar na bumili ng sigarilyo sa tindahan ni Aling Irma ngunit pagdating niya roon ay walang habas ang tsismisan ng mga kapitbahay.

Puro isimiran, tawanan at panlilibak ang mga taong nakatambay sa tindahan nang makitang naglalakad sa kalsada ang kapitbahay nilang si Ivana habang si Jomar ay walang kibo at nakikinig lang sa usap-usapan.

“Matapang din naman ang hiya ng babaeng ‘yan ‘no! Nakakapaglakad pa sa labas ng bahay nila matapos ng nangyari sa kanya,” wika ni Aling Irma sa mga kasama.

“Kung sa akin nangyari ang nangyari sa Ivanang ‘yan, baka nagkukulong na lang ako sa kuwarto ko! Baka hindi na ako makikitang pagala-gala rito sa labas,” inis na sabi naman ni Aling Melly.

“Biruin niyong kapintasan lang ang inabot niya sa kamay ni Martin? Isang linggo siyang isinamang magtanan ng lalaking iyon pagkatapos ay mag-isa siyang umuwi sa kanila,” hirit naman ni Mang Kadyo.

“Pinagsamantalah*n lang marahil siya ni Martin at pinagsawaan saka nilayasan, ni hindi na nagpakita dito ang lalaking ‘yon,” sabad naman ni Aling Irma.

“May kasabihan nga na walang buto na tinangay ng aso na hindi nalawayan,” gatol pa ni Aling Melly.

“Kaya natitiyak kong may karanasan na ang babaeng ‘yan bago tinakbuhan ng Martin na ‘yon, hindi na dons*lya!” tatawa-tawa pang sabi ni Mang Kadyo.

Mayamaya ay umalis na si Jomar sa umpukan ng mga dalahira sa tindahan at masama ang loob habang naglalakad pauwi. Ibig niyang tutulan ang usap-usapang iyon ng mga tsimosa at tsismoso niyang kapitbahay ngunit paano niya pangangatwiranan iyon nang ‘di rin siya pagtatawanan ng mga ito? Matagal na niyang iinibig si Ivana, mula nang nag-aaral pa lamang sila sa high school ay may pagtingin na siya sa babae ngunit hindi siya nagkalakas ng loob na ipagtapat dito ang nararamdaman dahil may ibang gusto na noon si Ivana at iyon nga ay si Martin na masugid nitong manliligaw. Nakipagtanan ang babae sa lalaki ngunit makalipas ang isang linggo ay bigla na lang itong bumalik pero hindi na nito kasama ang lalaki at hindi na rin ito muling nagpakita pa sa lugar nila. Ang balita-balita ay tinikman lang at pinagsawaan ni Martin si Ivana pagkatapos ay iniwan lang kaya napilitang umuwi ulit sa pamilya nito.

“Para kasing bukas na aklat ang ginawa niyang pagsama sa Martin na ‘yon… at ang pag-uwi niyang mag-isa sa kanila. Kung itutuloy ko pala ang pagligaw ko kay Ivana ay marami rin ang magtatawa sa akin,” sambit ni Jomar sa sarili.

Ngunit hindi niya kayang sikilin ang tunay niyang nararamdaman sa babaeng tampulan ng tsismis ng mga taong makikitid ang isipan.

“Narito pa rin siya sa puso ko. Tinututulan ng puso ko ang mga pag-uusig na ginagawa sa kanya,” wika pa ni Jomar sa sarili habang nakahiga na sa kama at patuloy na iniisip ang babaeng tinatangi niya.

Isang gabi ay nilakasan na niya ang loob at pinuntahan na si Ivana sa bahay nito at ipinagtapat ang nararamdaman niya.

“Noon pa man ay may pagtingin na ako sa iyo, Ivana. Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataong ipagtapat sa iyo ang nilalaman nitong puso ko,” hayag niya sa babae.

“Hindi ka ba nabibigla sa sinasabi mo, Jomar? Kalat na kalat na sa buong barangay ang nangyari sa akin. Malaman lang nila ang tungkol sa paghayag mo ng damdamin sa akin ay paniguradong pagtatawanan at hahamakin ka rin nila,” sagot ni Ivana sa kanya.

“Wala na akong pakialam! Sabihin na nila ang gusto nilang sabihin, basta walang makakapigil sa akin sa paglapit kong ito at sa nararamdaman ko sa iyo!” tugon niya.

“P-pero tama ang sinabi nila na para akong buto na tira-tirahan na lamang ng aso, Jomar,” malungkot na sambit ng babae.

“Hindi na mahalaga sa akin ang kapintasan nilang iyon sa iyo, ang mahalaga, makamit ko ang pag-ibig mo, Ivana,” hirit pa ni Jomar na pursigido talaga sa panliligaw.

Saglit na natahimik si Ivana saka muling nagsalita.

“Bigyan mo ako ng pagkakataong pag-isipan muna ‘yan kasi’y ayoko rin namang sa naging kahihiyan ko ay madamay ka pa. Aaminin ko na noon pa’y may pagtingin din ako sa iyo, Jomar ngunit akala ko ay wala kang gusto sa akin kaya ibinaling ko kay Martin ang nararamdaman ko dahil matiyaga siyang nanligaw,” sagot ni Ivana.

“Ganoon ba? May pagtingin ka rin pala sa akin?”

“Oo, Jomar. Kaya hayaan mo munang pag-isipan ko ang mga sinabi mo ngayon.”

“Naiintindihan ko, pero umaasa pa rin ako na magkakaroon ako ng puwang sa puso mo, Ivana.”

Pagkatapos ng kanilang naging pag-uusap, kinabukasan ay palagi na niyang sinasamahan si Ivana kapag lumalabas ito ng bahay. Hindi niya ito hinayaaang mag-isa kapag may pupuntahan at palagi niya itong sianabayan sa pag-uwi. Ipinakita niya na tapat ang hangarin niya rito hanggang sa naging sentro sila ng mga tsismoso’t tsismosa sa kanilang lugar.

“Ang lakas ng loob niyang si Jomar! Ibig na makatikim ng butong tira ng aso,” tatawa-tawang sabi ni Mang Kadyo sa mga kasama nang makita silang naglalakad na magkahawak pa ang mga kamay.

Lingid sa kaalaman ng mga ito ay naririnig nila ang lahat.

“Narinig mong sinabi nila pati na mga tawanan nila?” tanong ni Ivana kay Jomar.

“Hayaan mo sila. Kung sila ang iintindihin ko, hindi na ako makakapag-asawa,” nakangiting sagot ng lalaki.

‘Di nagtagal ay naging pormal na magkasintahan na ang dalawa. Makalipas ang dalawang linggo ay namanhikan na si Jomar kasama ang mga magulang sa bahay nina Ivana.

“Narito po ako kasama ang inay at itay para hingin ang kamay ng inyong anak,” sambit ni Jomar sa mga magulang ng kasintahan.

“Nararamdaman naman namin na tapat ang iyong hangarin sa aming anak kaya sino kami para tumutol? Pakaingatan mo sana ang aming anak, hijo ‘di gaya ng ginawa sa kanya ng unang lalaking inibig niya,” tugon ng ina ni Ivana.

“Mahalin mo sana nang totoo ang anak namin at ipagtanggol sa mga taong nang-aalipusta sa kanya,” sabad naman ng ama ng babae.

Nang biglang nagsalita si Ivana.

“M-may ipagtatapat ako sa inyo, Jomar. Kung tutuusin ay dapat na akong madala sa nangyari noon sa akin kay Martin. Noong sumama akong magtanan sa kanya at sa ilang araw kong pananatili sa kanila’y nakilala ko ang tunay na ugali niya. Pasang-krus pala siya sa mga magulang niya at hindi nagtatrabaho. Wala siyang ibang ginawa kundi ang uminom at humilata lang sa bahay. Naisip ko na ang magiging kalagayan ko sa kanya at natiyak kong hindi ako tatagal na kasama siya sa buhay niyang iyon kaya nilayasan ko agad siya at umuwi ako rito sa atin. Ang totoo’y birhen pa ako, liban sa halik at yakap ay walang nangyari sa amin sa ilang araw naming pagsasama,” bunyag ni Ivana.

‘Di makapaniwala si Jomar sa ipinagtapat ng babae.

“Kahit ano pa ang nakaraan mo’y buong puso kong tinatanggap dahil mahal na mahal kita, Ivana,” wika ng lalaki.

“Salamat, Jomar. At ‘yon ang nais kong patunayan sa iyo at sa mga magulang mo bago tayo maikasal ay gusto kong malaman niyong malinis pa ang pagkababae ko. Wala pang nakakaangkin sa akin,” sagot ni Ivana sa katipan.

Makalipas ang ilang araw ay ikinasal sina Jomar at Ivana. Walang nagawa ang mga dalahira nilang kapitbahay sa pag-iisang dibdib nila. Kahit may mga sinasabi pa rin ang mga ito ay balewala na ‘yon sa kanila. At sa gabi ng kanilang pulot gata ay napatunayan ni Jomar na totoo ang lahat ng sinabi sa kanya ng asawa.

“Birhen ka pa nga, darling. Maling-mali talaga ang akala nila sa iyo,” sabi ni Jomar habang nakahiga sila sa kama.

“Kaya nagpapasalamat ako sa katapatan mo, darling. Binigyan mo ako ng pagkakataon na maibangon sa iyo ang sinira nilang karangalan ko,” tugon ni Ivana sabay yakap nang mahigpit sa lalaking labis na umiibig sa kanya.

“Wala kang dapat na ipag-alala pa dahil matagal mo nang naibangon ang iyong dangal sa pamamagitan ng pag-iingat sa iyong sarili at katapatan sa akin, mahal ko,” hirit pa ni Jomar saka muling pinupog ng masuyong halik ang misis.

Para kay Jomar ay walang katotohanan ang sinasabi ng kanilang mga kapitbahay na si Ivana ay parang butong tira-tira ng aso, ang totoo’y isang maganda at babasaging kristal ang kanyang asawa na habambuhay niyang iingatan, mamahalin, at pakakahalagahan.

Advertisement