Pinagtatawanan Nila ang Babaeng Nanghihingi ng mga Lumang Damit; Napahiya Sila sa Naabot Nito

“Magandang umaga po, Aling Nilda! Magtatanong lang ho sana ako kung may mga damit kayo na hindi niyo na ginagamit?” nakangiting bungad ni Katrina sa kaniyang kapitbahay.

Tila saglit itong nag-isip bago siya pinatuloy.

“Oo, ang alam ko, mayroon. Sandali, hahanapin ko,” anito bago siya iniwan nito sa sala.

Napangiti si Katrina. Mukhang makakarami siya ngayong araw.

Nang bumalik ang matanda ay mas lalong lumapad ang ngiti niya. Mga malalaking kahon kasi ang tangan-tangan nito.

“Eto, hija, iuwi mo na ito. Hindi na namin nagagamit ‘yan. Nanghihinayang lang akong itapon,” paliwanag ng babae.

“Salamat po, Aling Nilda. Mabuti po hindi niya naitapon, marami pa hong mapapakinabangan rito,” aniya sa matanda bago buong lakas na binuhat ang mga kahon palabas ng bahay.

Bago siya tuluyang makalabas ay tinawag siya ng matanda.

Advertisement

“Bakit po?” takang tanong niya nang lingunin ito.

“Hija, hindi ka ba nahihiya? Kasi ‘yung mga kapitbahay natin, pinag-uusapan ka. Hindi ka man lang daw nahihiya na manghingi ng mga lumang damit,” tila nag-aalangang tanong nito.

Isang malapad na ngiti ang ibinato niya sa matanda.

“Naku, wala hong problema. Kapag ganito ho na mag-isa ko lang itinataguyod ang mga anak ko, wala na sa bokabularyo kong hiya na ‘yan,” natatawang pakli niya sa sinabi nito.

Ngumiti lamang ito at wala nang sinabi.

Tuwang-tuwang inuwi niya ang mga lumang damit sa bahay nila bago iyon isa-isang sinuri. Mas lalo siyang natuwa nang mapagtanto na marami pa sa mga damit doon ang mapapakinabangan.

Nang mga sumunod na araw ay ilan pang kapitbahay ang pinuntahan niya upang manghingi ng lumang damit.

Gaya ng sinabi ng sinabi ni Aling Nilda ay nakita niya ang mga pailalim na sulyap ng mga kapitbahay nila. May kani-kaniyang komento ang mga ito.

Advertisement

Subalit wala siyang pakialam sa iisipin ng mga ito. Ang mahalaga sa kaniya ay ang pamilya niya.

“Alam mo, mas ayos pa na basura ang kolektahin mo. Suswelduhan ka pa ng baranggay. Basura na rin naman ‘yang mga damit na ‘yan,” pabirong wika ni Sita.

Tipid na ngiti lang ang isinukli niya sa babae.

“Ano ba naman ‘yan, Katrina. Hindi ka man lang ba makabili kahit ng mga mumurahing damit man lang at nanghihingi ka ng mga basurang damit?” taas-kilay naman na komento ni Gina, isa sa mga kilalang tsismosa saa baranggay nila.

Bakas sa mukha nito ang panunuligsa sa ginagawa niya.

“Ano ka ba naman, Gina. Hindi naman ‘to para sa amin ng mga anak ko,” malumanay na paliwanag niya.

“Eh para saan naman ‘yan?” muli ay taas-kilay na usisa nito.

“Malalaman niyo rin naman,” misteryosong pahayag niya sa kapitbahay.

Advertisement

Bakas pa rin sa mukha nito ang hindi paniniwala sa kaniya ngunit iniwan niya na ito. Marami pa siyang aasikasuhin, at wala siyang panahon para magpaliwanag dito.

Nang matapos ang araw na iyon ay walang pagsidlan ang tuwa ni Katrina. Halos mapuno kasi ang sala nila ng mga damit na ibinigay ng kapitbahay.

Nang mga sumunod na araw ay mas lalo siyang naging abala sa paglalaba, pagpaplantsa, at pag-aayos ng mga damit na maaari pang magamit.

Marami sa mga damit ay hindi na mapapakinabangan, ngunit napakarami pa ng maayos at maaari pang magamit. 

Matapos ang isang linggo ay handa na si Katrina na buksan ang kaniyang munting negosyo. Umupa siya ng isang maliit na pwesto sa palengke at ibinenta ang mga damit sa halagang sampu hanggang dalawampung piso. 

Unang araw pa lang ay dinumog na ng mga tao ang mga tinda niya. Murang-mura lang kasi ang presyo ng mga iyon kumpara sa mga ukay-ukay na nasa paligid niya.

Hindi niya rin naman maaaring itaas nang husto ang presyo nun, dahil hiningi niya lang naman sa mga kapitbahay ang mga damit na itininda niya.

Dahil maingat ang naging pagpili niya sa mga damit na isasama sa mga ibebenta ay hindi siya nahirapan makaubos ng paninda.

Advertisement

Nalula siya nang bilangin niya ang napagbentahan niya nang araw na iyon. Higit iyon sa sampung libo!

Saktong dumating naman ang mga kapitbahay niya. Malamang ay nabalitaan na ng mga ito ang pagbubukas ng ukay-ukay niya.

Nang makita ng mga ito na said ang tinda niya ay laglag ang panga ng mga ito. Mas lalong hindi makapaniwala ang mga ito nang malaman kung magkano ang kinita niya.

“Kaya ka pala nanghihingi ng mga damit, ibebenta mo pala!” gulat na bulalas ni Aling Nilda, bakas sa mukha nito ang paghanga.

“Maraming salamat po sa tulong niyo. Oho. Kasi kulang ho ang puhunan ko. Kaya imbes na bumili ako ng mga damit na ibebenta, ipinanghingi ko na lang,” katwiran niya.

Sina Gina at Sita na noong una ay maraming komento ay tahimik lamang na nakikinig. Bakas sa mukha ng dalawa ang paghanga at pagkainggit. Marahil ay hindi naisip ng dalawa na maari siyang kumita ng limpak-limpak na pera sa gawain na para sa mga ito ay “nakakahiya.”

“Nahihiya po ako noong una, pero nilunok ko rin po, pagkakakitaan din eh,” dagdag pa niya.

“Ang galing mo, hija. Akalain mong naisip mo ‘yun! Buti na lang hindi namin itinapon ang mga damit!” napapalatak pa si Aling Nilda.

Advertisement

Mula noon ay nagtuloy-tuloy ang negosyo ni Katrina. Dahil may malaki siyang kinita ay nagkaroon siya ng pambili ng damit na iuukay niya – hindi niya na kinailangan pang manghingi ulit.

Ilang buwan pa ang lumipas at patuloy ang magandang takbo ng negosyo niya. Hindi niya na muli pang kinailangang problemahin ang ipangkakain nilang mag-iina. Sino nga ba ang mag-aakala na ang mga damit na patapon na sana ay mapapagkakitaan niya pa?

Naisip ni Katrina, kung hinayaan niyang manaig ang hiya ay baka hindi siya nakaangat sa buhay. Sa buhay, kailangan nating maging matapang at maabilidad kung nais nating maging matagumpay!