Inday TrendingInday Trending
Pangarap ng Matandang Karpintero na Magkaroon ng Isang Magandang Bahay; Sino ang Tutupad ng Pangarap Niya?

Pangarap ng Matandang Karpintero na Magkaroon ng Isang Magandang Bahay; Sino ang Tutupad ng Pangarap Niya?

Kasagsagan ng malakas na ulan. Patulog na si Mang Ramon nang maulinigan niya ang sunod-sunod na pagkatok sa kaniyang pintuan.

“Mang Ramon! Mang Ramon! Tao po!”

Pupungas-pungas na tinungo niya ang pinto. Napagbuksan niya ang kapitbahay na si Miranda.

“Mang Ramon, pasensya na ho kayo ha, wala lang ho talaga akong malapitan. Sobrang lakas ho kasi ng hangin, at halos liparin na ho ang bubong namin. Baka ho pwede niyo naman kaming tulungan ayusin?” mangiyak-ngiyak na bungad ng babae.

“Aba’y oo naman. Sandali lang.”

Agad niyang kinuha ang kaniyang mga gamit sa pagkakarpintero. Kinuha niya ng kaniyang lumang payong at tinungo ang karatig na bahay.

Bumabagyo man ay alam niyang kailangan niyang tulungan ang kapitbahay. Baldado ang asawa nito at pawang maliliit pa ang mga anak nito. Walang ibang maaaring magkumpuni ng bubong kundi siya.

Kahit malakas ang hangin ay lakas-loob niyang inakyat ang bubong. Ilang sandali pa ay maayos niya nang naipako ang bubong ng kapitbahay.

“Maraming salamat po, Mang Ramon. Pasensya na po talaga kayo sa abala,” hiyang-hiyang pasasalamat ni Miranda. Inabutan siya nito ng singkwenta pesos.

“Huwag na, ipambili mo na lang ‘yan ng gatas ng mga bata,” pagtanggi niya. Alam niya kasi na kailangan din nito ng pera.

Kahit anong pagpipilit nito ay matigas ang nagong pagtanggi niya.

Nang makauwi siya ay napabuntong hininga na lang siya sa naabutan. Nagbaha na sa loob ng bahay niya. Ang timba kasi na sumasalo ng tulo ng tubig mula sa butas na bubong ay napuno na at umagos sa sahig.

Halos isang oras din siya naglampaso upang matuyo ang sahig.

Pitumpung taon na si Ramon. Noong kabataan niya ay isa siyang magaling na karpintero, Subalit noong tumanda na siya ay unti-unti nang naubos ang mga malalaking proyekto na nakukuha niya.

Ngayon ay nagkakasya na lamang siya sa pagkukumpuni ng kung ano-ano sa bahay ng mga kapitbahay nila.

Inilibot niya ang tingin sa kaniyang maliit na bahay. Buong buhay niya ay paggawa ng naggagandahang bahay ang naging trabaho niya, ngunit wala man lang siyang pera para panggawa ng bagong bubong.

Lahat kasi ng pera nila ay napunta sa pagpapagamot ng kaniyang asawa na pumanaw noong nakaraang taon.

Mapait na napangiti si Ramon. “Ang hirap talagang maging mahirap,” sa isip-isip niya.

Mabuti na lamang at kahit paano ay may iilan pa rin na nagtitiwala sa kaniya at siya ang tinatawag sa t’wing may ipapagawa ang mga ito sa kani-kanilang mga bahay. Ang maliit na halagang ibinabayad ng mga ito ang nagiging pantustos niya sa araw-araw

“Mang Ramon, papagawa ho kami ng tokador.”

“Mang Ramon, pwede niyo ho bang kumpunihin ‘yung bubong namin?”

“Mang Ramon, sa inyo na rin ho kami papagawa ng lababo.”

Natanggap niya na rin na hindi niya na matutupad ang pangarap niya na magkaroon ng magandang bahay. Ang mahalaga ay natutustusan niya pa kahit papaano ang pangkain niya sa araw-araw.

Kaya naman hindi niya inaasahan ang isang malaking surpresa na dumating sa buhay niya.

Araw ng Sabado nang ipatawag siya ng kanilang kapitan. May ipakukumpuni raw ito sa bahay nito.

Agad niya namang tinungo ang bahay ng kapitan. Isa rin ito sa mga madalas kumuha ng serbisyo niya mula noon hanggang ngayon.

Nang matapos siya na pinturahan ang dingding sa bahay nito ay isang balita ang gumulat sa kaniya.

“Mang Ramon, sa pista ho ay nais ko sanang imbitahin kayo sa baranggay. Naisipan ho kasi namin na parangalan kayo bilang isang huwarang mamamayan ng ating baranggay,” wika nito.

Nanlaki ang mata niya sa tinuran nito. “Ako ho? May parangal?” gulat na gulat na saad niya.

Ngumiti ito. “Oho. Sang-ayon din ho ang mga kapitbahay natin.”

Kaya nang sumapit ang araw ng pista ay tumungo siya sa plaza. Suot ang kaniyang lumang barong at makintab na sapatos ay malugod niyang tinanggap ang parangal.

Naroon din ang kaniyang mga kapitbahay na sinalubong siya ng malakas na palakpakan.

Iyon na yata ang pinakamasayang araw sa buhay ni Mang Ramon. Ang araw na iyon ay puno ng tawanan, sawayan, kantahan, kainan, at kwentuhan.

Malalim na ang gabi nang magdesisyon silang umuwi sa kani-kanilang bahay.

Subalit hindi pa pala tapos ang sorpresa. Dahil pag-uwi niya ng bahay ay iba ang bumungad sa kaniya.

Ang bahay niya na dating sira-sira ay isa nang magandang bahay!

Ang dingding niya na dating tagpi-tagping lumang kahoy lang ay napalitan ng mga bagong plywood na pininturahan ng puti.

Maging ang kaniyang pinto ay napalitan ng isang mamahaling pinto. Ang bintana niya na noon ay tinutukuran niya lamang ng kahoy ay napalitan ng salamin. Ang bubong niya ay bago na rin, at alam niyang hindi na siya mamomroblema sa tuwing umuulan.

Nang pumasok siya sa loob ng bahay ay mas lalo siyang namangha. Ang mga lumang-luma niyang kagamitan ay wala na, napalitan na ang lahat ng bagong sofa, kama, lamesa, upuan, at kung ano-ano pa.

Wala na iyong bakas ng dati niyang bahay na tagpi-tagpi.

Nang muli siyang lumabas ng bahay ay nakita niyang nagtipon-tipon ang mga kapitbahay niya kasama ang kanilang kapitan.

“Nagustuhan niyo po ba ang regalo namin, Mang Ramon?” nakangiting tanong ng mga ito.

Napaluha na lamang si Mang Ramon sa sobrang galak.

“Nagtulong-tulong ho kami, para matupad ang matagal niyo nang pinapangarap. Ang magkaroon ng magandang bahay!” pagmamalaki pa ni Lumen, isa sa mga kapitbahay niya.

“Palagi na lang ho kayo ang tumutulong sa amin, Mang Ramon. Para ho ito sa lahat ng tulong at paghihirap niyo. Maraming salamat po!” wika ni Miranda.

“Oo nga po, Mang Ramon! Maraming salamat po!” segunda naman ng iba pa niyang kabaranggay.

“Maraming-maraming salamat sa inyo. Ito ang pinakamagandang regalo na natanggap ko!” madamdaming pahayag niya nang makabawi siya sa pagkabigla.

Labis ang saya ni Mang Ramon. Sa wakas, salamat sa malasakit ng kaniyang mga kabaranggay, natupad niya ang matagal na niyang pinapangarap!

Advertisement