Ipinangako Niya sa Kaniyang Magulang na Tutulungan Niya ang mga Naaapi; Matupad Niya pa Kaya ang Pangakong Ito?

“Joseph, sigurado ka na talaga sa desisyon mong tanggapin ang alok ng alkalde? Magtatrabaho ka talaga sa probinsiya?” sa hindi niya na mabilang na pagkakataon ay tanong ng kaibigan niyang isa ring abogado.

Hindi niya ito tinapunan ng tingin. Ipinagpatuloy niya ang pag-aayos ng gamit na dadalhin niya sa pag-alis nang araw na iyon.

“Sayang naman ang sahod mo rito! Pwede ka pa bang umatras? Umatras ka na lang kaya?” pangungumbinsi nito, ngunit desidido na siya.

“Aanhin ko naman ang malaking sahod kung puro krimin*l ang kliyente ko? Sigurado akong hindi natutuwa sila Nanay at Tatay kung nasaan man sila ngayon dahil sa mga ginagawa ko,” nakasimangot na katwiran niya sa kaibigan.

Matagal nang yumao ang kaniyang mga magulang. Nang maging abogado siya, ipinangako niya sa mga ito na magiging malinis na abogado siya at magiging boses siya ng mga inaapi.

Ngunit hindi iyon ang nangyari. Nasilaw siya sa malaking sweldo at magandang buhay.

Pakiramdam niya ay dismayado ang kaniyang mga magulang kaya nang kausapin siya ng isang kakilala niyang alkalde na magtrabaho sa munisipyo ay agad siyang pumayag lalo pa’t ang probinsya nito ay ang probinsya na kinalakhan ng Tatay niya.

Pakiramdam niya ay mensahe iyon mula sa kaniyang ama.

Advertisement

“Magandang oportunidad ito sa akin. Bagong simula,” bulong niya sa sarili nang makarating siya sa bayan na magiging bago niyang tahanan.

Napakaganda ng bayan ng Sta. Isidro. Hindi niya mapigilan ang pagkamangha habang pinagmamasdan ang ekta-ektaryang lupain. Ayon sa alkalde, pagsasaka ang pangunahing ikinabuhuhay ng mga tao dito.

“Halika, Attorney. Ipapakilala kita sa mga tao. ‘Wag kang mag-alala dahil mababait sila,” paanyaya nito.

Agad naman siyang tumango at sumama. Tama ang alkalde, napakababait nga ng mga mamamayan. Kita man ang pagod sa mukha ng bawat isa dahil pag-aararo sa mainit na bukid ay hindi siya pinagkaitan ng ngiti at mainit na pagbati ng mga ito.

“Kung may kailangan ho kayo, ‘wag kayong magdalawang-isip na puntahan ako sa aking opisina,” paalala niya sa mga ito bago umalis.

Sa maikling sandali na pamamalagi niya sa lugar na iyon ay unti-unti niyang nakita ang estado ng mga tao roon.

“Attorney Joseph. Karamihan po sa mga lalapit sa inyo ay ‘yung mga baon sa utang. Uso talaga ‘yun dito. Kapag alam nilang gipit ang mga tao, lalapitan nila at aalukin ng pera. Akala ng mga tao ay nagmamagandang loob, ‘yun pala may masamang balak. Grabe kung magpataw ng interes. Triple-triple. Kaya mas lalong ginigipit ang mga tao,” paliwanag ni Edwin, isang estudyanteng paaral ng bayan at nagsisilbing assistant niya.

“Bakit pumapayag pa rin ang mga tao kung ganoon?” takang tanong niya.

Advertisement

“Kasi po halos lahat ng tao rito ay hindi naman nakapag-aral. Hindi sila marunong magbasa o magsulat kaya hindi nila alam niloloko na pala sila,” naiiling na paliwanag ng binatilyo. Bakas sa mukha nito ang awa.

Tama ang sinabi ni Edwin dahil isang araw ay dumating ang umiiyak na si Mang Felipe, isa sa mga magsasaka na nakapalagayang loob niya na.

Pilit daw itong sinisinigil ng pinagkakautangan nito at kung hindi raw ito magbabayad ay kukunin ang bahay nito o kaya at ang dalawa nitong anak.

Ipinakita ni Mang Felipe ang isang kasulatan na nagsisilbing isang kontrata.

“Hindi ko po alam kung ano ang nakasulat, pero sabi nila kailangan kong pirmahan,” kwento ng pobreng magsasaka.

Nalaman rin niya na matagal na itong gustong masolusyunan ng dating abogado ng bayan ngunit hindi ito nagtagumpay dahil mahirap hulihin ang mga nagpapautang.

Noon siya nagdesisyon bumuo ng plano na babago sa buhay ng mga naaapi.

Kinabukasan ay nagtungo siya sa bukid at ipinaliwanag sa mga tao ang kaniyang gagawin. Magpapanggap siyang bagong magsasaka at susubukan niyang manghiram ng pera para mahuli sa akto ang mga salarin.

Advertisement

Agad naman nakiisa ang mga mamamayan at sinamahan pa siya sa kung saan matatagpuan ang mga nagpapautang.

“Manghihiram ka ng pera?” tanong ng lalaking matikas ang pangangatawan. Kahit siya ay hindi maiwasang matakot sa lalaki.

Tumango siya.

“Narinig ko po sa mga kasama ko na matutulungan niyo ko. Pakiusap po, kailangan ko ng pera.”

Napakabilis ng proseso. Gaya ng kwento ng mga magsasaka ay pilit siyang pinapirma ng isang kasulatan na nagsasabing kailangan niyang bayaran ng tatlong beses ang hiniram niyang pera.

Doon na siya nagdesisyon na magpakilala.

“Ako si Attorney Joseph Lopez. Alam niyo bang ilegal ang ginagawa niyo? Sinasamantala niyo ang kahinaan ng ibang tao para sa pangsariling interes. Ngayon ay may sapat na akong ebidensiya para sampahan kayo ng kaso. Gagamitin ko ang mga testimonya ng mga biktima. Magkita na lang tayo sa korte!” matapang na saad niya sa mga salarin.

Hindi makapaniwala ang mga ito ngunit sa huli ay wala ring nagawa ang mga ito nang arestuhin ng mga pulis. Dapat lang pagsisisihan ng mga ito sa kulungan ang pananamantala sa mga mahihirap!

Advertisement

Labis-labis naman ang pasasalamat ng mga mamamayan sa kaniya. Sa wakas ay natapos na rin ang kalbaryo ng mga mahihirap sa lugar na iyon.

Sa unang pagkakataon sa loob ng walong taong pag-aabogado ni Joseph ay nakahinga siya nang maluwag. Alam niyang matutuwa ang kaniyang mga magulang dahil natupad niya ang kaniyang pangako na magiging boses siya ng mga naaapi.