Inday TrendingInday Trending
Naiinis ang Lalaking Ito sa Nanay na Palaging Nakikialam, Napahiya Siya nang Tumama ang Kutob Nito

Naiinis ang Lalaking Ito sa Nanay na Palaging Nakikialam, Napahiya Siya nang Tumama ang Kutob Nito

“Anak, ngayon ba ‘yong outing niyo ng mga katrabaho mo? Isasama niyo ba si John?” pang-uusisa ni Maria sa kaniyang anak, isang umaga nang maabutan niyang nag-aayos ito ng mga dadalhing gamit katulong ang asawa sa kanilang silid.

“Opo, mama, ngayon po, kaya maaga po kami nagising. Isasama po namin si John para hindi na po kayo mahirapan mag-alaga mag-isa rito,” sagot ni Jose habang sinisiksik ang damit ng kaniyang anak sa kanilang maleta.

“Sigurado ka ba? Kung iwan mo na lang kaya siya sa akin? Kinakabahan ako, eh, baka mamaya mawili kayong mag-asawa sa pakikipag-inuman, mapabayaan niyo ang anak niyo,” wika pa nito na ikinailing niya.

“Hindi naman kami gano’n, mama. Saka kung iiwan namin siya sa’yo tapos magwala ‘yan, papauwiin mo na naman kaming mag-asawa. Hindi naman pwede ‘yon, mama, dahil nandoon ang mga boss namin, hindi kami basta-basta pwede umalis,” inis niyang sagot saka agad nang pinabihis sa asawa ang anak na kakagising lamang.

“Isama niyo na lang kaya ako para ako ang magbantay sa kaniya, anak?” alok pa nito na lalo niyang ikinainis.

“Mama, hindi pwede. Asawa’t anak lang ng empleyado ang pupwedeng isama. Hayaan niyo na kami, mama, kaya na namin ‘to. Palagi na lang kayong nakikialam sa desisyon naming mag-asawa,” pabalang niyang sagot na ikinatungo nito.

“Sige, mag-ingat na lang kayo,” mahinahon nitong tugon saka agad nang lumisan sa kanilang silid.

Sa puder ng padre de pamilyang si Jose naninirahan ang kaniyang ina. Siya na lang kasi ang tanging anak nitong nandito sa Pilipinas dahilan para kahit ayaw niya itong kasama sa bahay dahil nga siya’y may sarili ng pamilya, wala siyang magawa kung hindi ang kupkupin ito.

Labis niya pang ikinaiinis sa ugali ng kaniyang ina ang masyado nitong pakikialam sa mga desisyon nilang pamilya, lalo na kapag tungkol sa kanilang dalawang taong anak. Sa tuwing aalis na lang kasi sila, lagi nitong gustong ipaiwan ang kanilang anak dahil baka raw mapabayaan nila. Sa loob-loob niya, “Wala ba akong kwentang magulang para pabayaan ang anak ko?” kaya niya ito palaging nasasagot nang pabalang sa tuwing sila ay aalis.

Aminado naman siyang hindi siya perpektong ama, lalo na’t kakaumpisa niya pa lamang sa responsibilidad na ito. Ngunit para sa kaniya, hindi ito kongretong dahilan para makisawsaw ito sa kanilang mag-asawa.

Nang araw na ‘yon, sa sobrang inis niya sa ina, agad niyang pinagmadaling magbihis ang kaniyang mag-ina para sila’y makaalis na. Pagkatapos magbihis ng mga ito, ni hindi na siya nagpaalam sa inang naglalaba ng kanilang mga damit sa bakuran.

Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na nga silang nakarating sa resort na pagdarausan ng isang selebrasyon sa kanilang kumpanya. Sumalubong sa kaniya ang mga kaibigan niya sa trabaho at siya’y agad na pinainom ng alak kasabay ng kaniyang asawa.

Kung kani-kanino na rin napunta ang kaniyang anak. Ito kasi ang pinakabatang bata na nakasama sa outing na ‘yon dahilan kaya halos lahat ng kaniyang mga katrabaho, nais itong mabuhat at malaro.

Wala naman itong problema sa kaniya at sa kaniyang asawa kaya hinahayaan nila na kung sino-sino ang nag-aalaga rito habang silang dalawa ay nag-iinom at nakikipagkwentuhan sa kaniyang mga boss.

Ngunit mayamaya, bigla siyang nagtaka nang tanungin sa kaniya ng isa niyang katrabaho kung nasaan ang kaniyang anak.

“Ay, hindi ko alam. Hindi ba’t karga mo kanina?” kalmado niyang tanong dito.

“Ano ka ba, Jose? Lasing ka na yata, eh! Kakaabot ko lang ulit sa’yo! Sabi ko kukuhanan ko lang siya ng cake doon kaya pinahawak ko sa’yo!” sigaw nito sa kaniya na labis niyang ikinaalarma.

“Diyos ko!” natataranta niyang sambit saka agad na hinanap ang anak niya sa mga batang naliligo sa pool.

“Hindi pa ‘yon marunong lumangoy, Jose!” sigaw ng natataranta niya ring asawa.

Halos hindi na niya makontrol ang isip dahil sa tatlong malalaking pool na naroon, wala ang kaniyang anak.

“Jose! Si John, karga ng isang matanda roon sa may pasukan ng resort! Ayaw ibigay sa akin!” sigaw ng isa niyang katrabaho dahilan para siya’y mapahangos.

At nang makita niyang ang kaniyang ina ang may karga nito, ganoon na lang siya labis na napabuntong hininga.

“Mama, naman! Pinakaba mo ako!” sigaw niya rito.

“Kasalanan ko bang makita na palabas na rito ang anak mo? Mabuti na lang at nandito ako’t naghihintay. Hindi kasi talaga mapanatag ang loob ko. Alam kong may masamang mangyayari sa apo ko,” tugon nito habang hinehele ang anak niyang tulog na.

Doon siya labis na nakaramdam ng kahihiyan. Napagtanto niyang siguro nga, hindi niya pa talaga saulado kung paano alagaan at bantayan ang anak niyang ito.

“Kung wala si mama, baka nawala na si John,” bulong ng kaniyang asawa na naging rason para yakapin niya ito nang mahigpit at humingi ng tawad.

Nakita ito ng kaniyang boss at agad na pinapasok ang kaniyang ina na labis na ikinatuwa nito. Sa paraang ‘yon, nagawa na niyang makisaya sa kaniyang mga katrabaho, sigurado pa siyang nasa mabuting kamay ang kaniyang anak.

Advertisement