Inihiwalay ng mga Magulang sa Nobyo ang Dalaga para Ipakasal sa Binatang Hindi Niya Kilala; Luha ang Bumuhos sa Simbahan

Inihiwalay ng mga Magulang sa Nobyo ang Dalaga para Ipakasal sa Binatang Hindi Niya Kilala; Luha ang Bumuhos sa Simbahan

InspiringLoveStories

“Tama na ang kaiiyak at pagkukulong mo sa kwarto mo, Elisse! Oras na para ikasal ka! Tumatanda na kami, wala ka pang naibibigay na apo sa amin!” sigaw ng kaniyang ina nang makita siya nitong nakatulala na naman sa kaniyang bintana.

Tiningnan niya lang ito saka dahan-dahan nang kumilos upang sundin ang kagustuhan nito. Lingid man sa kagustuhan niya ang pinag-uutos ng kaniyang mga magulang na ikasal sa isang binatang hindi niya naman kilala, wala na siyang ibang magawa kung hindi ang sumunod sa lahat ng sinasabi ng mga ito. 

Alam niyang hindi pa siya tuluyang nakakausad mula sa ginawa ng kaniyang mga magulang sa relasyon nila ng minamahal niyang binatang si Justin, isang buwan lamang ang nakararaan.

Pwersahan kasi siyang inilayo ng mga ito sa kaniyang nobyo dahil lamang sa estado ng buhay nito na hindi pantay sa yamang mayroon sila. Gusto ng mga ito na ikasal siya sa isang binatang mayaman na lalong makapagpapalago ng kanilang mga ari-arian. 

Sa katunayan, hindi niya pa rin mawaglit sa isipan ang eksenang nangyari noong araw na inilayo siya ng mga ito sa binata. Noong una’y ayaw niyang pumayag sa kagustuhan ng mga ito. Labis niyang pinaglaban ang binata upang huwag siyang ilayo rito. Kaya lang, nang simulan na itong suntukin ng ilan sa kanilang mga tauhan, doon na siya kusang sumama sa kaniyang mga magulang.

“Pasensya ka na, Justin, mahal ko. Mas pipiliin kong malayo sa’yo kaysa tuluyan kang mawala sa mundong ito nang dahil lang sa akin,” huli niyang sabi rito habang siya’y hila-hila ng kaniyang ina papasok ng kanilang magarang sasakyan.

Simula noon, wala na siyang ibang ginawa kung hindi ang tumulala sa kaniyang bintana at alalahanin ang mga masasayang karanasan niya kasama ang minamahal. 

Ilang beses man siyang sabihan ng kaniyang mga magulang tungkol sa nalalapit niyang kasal sa isang binatang hindi niya kilala, tumatango-tango na lang siya dahil tila nawalan na siya ng gana sa buhay.  

Pagkatapos na pagkatapos niyang maligo, agad na siyang bumaba sa sala ng kanilang bahay kung nasaan ang mga kinuhang make-up artist ng kaniyang ina para siya’y ayusan. 

“Madam, ngumiti ka naman! Kahit anong ganda ng make-up ko sa’yo kung nakasambakol naman ang mukha mo, hindi ka pa rin gaganda!” pabirong sabi ng binabaeng naglalagay ng make-up sa kaniya. “Hindi ka ba sisimangot at malulungkot kapag ikakasal ka sa isang binatang ni hindi mo alam ang pangalan?” pangbabara niya rito na ikinatigil nito. 

“Bakit naman po kayo pumayag, madam?” pang-uusisa pa nito. 

“May magagawa ba ako?” tanong niya rito saka muling umiyak dahilan para ito’y mataranta at siya’y punasan ng luha. 

“Pasensya na po, madam, nagtanong pa ako,” sabi nito habang siya’y tinutulungang mahimasmasan. 

Mayamaya lang, tuluyan na siyang naayusan. Dumating na rin ang kaniyang mga magulang na galing sa simbahan upang siguraduhin ang ganda ng disenyo roon. “Ano pang hinihintay mo? Sumakay ka na sa kotse,” utos nito na agad niya namang sinunod.

“Mahal, ikakasal na ako. Pasensya ka na, ha? Hindi kita naipaglaban hanggang dulo,” sambit niya sa hangin habang nakatingin sa bintana ng sasakyang patungong simbahan. 

Pagkadating niya roon, agad na siyang pinapwesto sa tapat ng simbahan. Habang naghihintay ng hudyat ng wedding organizer na kinuha ng kaniyang ina, malalim siyang huminga at lumuha.

“Ikakasal lang ako pero hindi ka mamawala sa puso’t isip ko,” bulong niya habang iniisip ang bintana.

Pagkatapos niyang sabihin ang mga katagang iyon, bumukas na ang pintuan ng simbahan. Sobrang ganda ng disenyo sa loob nito ngunit sa lahat ng iyon, ang nakatayong lalaki sa altar ang pinakapumukaw sa atensyon niya.

“Te-teka, si Justin ba ‘yon, mama?” tanong niya sa ina nang lumapit na ito sa kaniya kasama ang kaniyang ama. 

“Oo, anak,” nakangiti nitong sabi na ikinapanlambot niya, “Hindi siya sumuko sa’yo at talagang pinaglaban ka niya sa amin. Doon ko naalala kung paano rin ako pinaglaban ng tatay mo noon sa mga magulang ko. Napagtanto kong hindi mo kailangan ng mayamang lalaki dahil katulad ko, kailangan mo ng mapagmahal na lalaking makakatuwang sa buhay,” paliwanag nito na labis niyang ikinaiyak.

Nagsimula na ring magpalakpakan at mag-iyakan ang mga taong nakasaksi at nakarinig ng kanilang usapan. Muli niyang tinanaw ang binatang humagulgol din sa tapat ng altar.

Walang mapaglagyan ang sayang naramdaman niya noong araw na ‘yon. Lalo pa, nang muli niyang mayakap at mahagkan ang lalaking nagparamdam sa kaniya ng tunay na pagmamahal.

“Pangako, habambuhay kitang aalagaan at mamahalin, Elisse,” bulong nito sa kaniya pagkatapos ng misa.

More Stories