
Kinagagalitan ang Babae dahil sa Pagdadala Niya ng Anak sa Klase; Nakatanggap Siya ng Hindi Inaasahang Tulong
Maaga mang nagkaroon ng pamilya, hindi ito naging dahilan upang tumigil sa pangangarap si Criza. Kahit na noong mga araw na pinagbubuntis niya ang batang ngayon ay walong buwang gulang na, hindi pa rin siya tumigil sa pag-aaral.
Lumiban lang siya ng ilang buwan upang manganak at maibalik ang dating lakas. Pagkatapos noon, hinabol niya ang lahat ng mga aktibidad, proyekto, at mga leksyong hindi niya naipasa sa oras upang maipagpatuloy niya ang pag-aaral sa taong iyon sa kolehiyo.
Sandamakmak na panghuhusga at pangmamaliit man ang kaniyang natatanggap araw-araw mula sa kaniyang mga kaklase at ibang mga kabataang nakakakita sa kaniya, patuloy niyang pinaaalalahanan ang sarili ng mga katagang, “Nadapa ka ng isang beses, Criza, bumangon ka para sa pangarap at sa anak mong sa’yo lang umaasa. Hindi mo kailangan ang opinyon ng iba. Hindi mo kailangang maging malinis sa paningin nila.”
Ito ang dahilan para ganoon na lang siya magsumikap sa buhay. Kahit na wala siyang tulog kakaalaga sa anak niyang nagliligalig tuwing madaling araw, papasok pa rin siya sa eskwela ng alas siyete ng umaga kasama ang kaniyang anak. Hindi niya alintana ang puyat o kahit kulo ng sikmura dahil ang tanging gusto niya lang, makapagtapos at masampal ng tagumpay ang lahat ng nangmamaliit sa kaniya kabilang na ang kaniyang mga magulang na nagtakwil sa kaniya pati na rin ang binatang nakabuntis sa kaniya na bigla na lang siyang iniwan dahil wala na raw siyang patutunguhan.
Kaya lang, sa araw-araw na hamon ng buhay na binibigay sa kaniya, hindi niya maiwasan na umiyak at magdamdam kung minsan. Lalo na kung pati ang kaniyang anak ay hinuhusgahan ng iba.
“Ayan na naman tayo, eh! Baka akala mo bahay-ampunan ‘tong silid-aralan natin, ha? Ang hirap-hirap tuloy mag-aral! Malakas pa ang ingay ng bunganga ng anak mong mukhang ulikba kaysa sa boses ng guro natin!” sigaw sa kaniya ng isa niyang malditang kaklaseng si Joana, isang araw nang biglang umiyak ang kaniyang anak sa gitna ng kanilang talakayan sa klase.
“Pa-pasensya na kayo,” tangi niyang sagot habang pilit na pinatatahan ang anak.
“Bakit ba kasi hindi ka na lang muna tumigil sa pag-aaral? Pati tuloy kami, inaabala niyong mag-ina! Ayaw mo pang tanggapin na sira na ang buhay mo at hinding-hindi mo na maitutuwid dahil malandi ka!” inis na inis pa nitong sabi habang dinuduro-duro silang mag-ina.
“Joana!” saway ng kanilang propesor nasa harapan dahilan para ito’y tumahimik, “Criza, anak, akin na muna ‘yang bata at bumili ka ng pagkain sa kantin. Kumain ka muna roon saka ka bumalik dito. Mukhang wala na siyang nakukuhang gatas sa’yo,” mahinahong sabi nito na nagpaluha sa kaniya.
Sinunod niya nga ang utos nito at dali-daling bumalik sa naturang silid-aralan. Bago pa siya makapasok, siya’y labis na napangiti habang maluha-luha nang makitang matiyagang karga ng propesor ang anak niya habang nagtatalakay ng leksyon. Nang makita siya nito, agad na nitong binigay sa kaniya ang bata at ito’y kaniya nang pinas*so.
Pagkatapos ng kanilang klase, muli siya nitong nilapitan at siya’y nagulat nang yumakap ito sa kaniya.
“Humahanga ako sa lakas at determinasyon mo, hija, patuloy kang lumaban, ha? Pangakong aalalayan kita,” sabi nito saka siya muling niyakap na talagang nagpabuhos ng luha niya.
Siya nga ay tinulungan ng propesor na ito. Mula sa matiyaga nitong pagbabantay sa anak niya tuwing wala itong klase upang siya’y makapag-aral nang maigi, hanggang sa kaniyang pagkain, ito ang nagbibigay at sumusuporta na naging malaking tulong sa kaniya.
Ilang taon pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakapagtapos ng pag-aaral nang may mataas na karangalan na inialay niya sa kaniyang anak at sa naturang propesor.
Wala na rin siyang sinayang na panahon noon at siya’y agad nang naghanap ng trabaho. Dahil sa talino at tiyagang mayroon siya, agad siyang tinanggap ng isang kilalang kumpanya bilang isang sekretarya.
Doon na tuluyang umalwan ang buhay nila ng kaniyang anak. Nagawa niya na ring magbalik ng utang na loob sa kaniyang propesor kahit na lingid sa kagustuhan nito.
“Maging matagumpay ka lang, masaya na ako, hija, hindi mo na ako kailangan bigyan ng kung ano o bayaran,” palagi nitong sabi sa kaniya tuwing dadalawin niya ito sa paaralan.
Ilang taon pa ang lumipas, pumasok na rin siya sa mundo ng pagnenegosyo na talagang nagbigay nang mas magandang buhay sa kaniya at ang dalagang nangmamaliit sa kaniya noon, nagmamakaawa na sa kaniya ngayon na tanggapin niya bilang empleyado.
“Basta talaga may pangarap ang isang tao, kahit ilang beses siyang madapa at maliitin ng iba, maabot niya pa rin ang tagumpay,” sabi niya kay Joana bago niya ito tinanggap sa trabaho. Labis naman itong nagpasalamat at humingi ng tawad sa kaniya.