Inday TrendingInday Trending
Nagpanggap ang Babaeng Bulag na Masahista, Pero Napasigaw Siya dahil Napakagwapo ng Customer Niya

Nagpanggap ang Babaeng Bulag na Masahista, Pero Napasigaw Siya dahil Napakagwapo ng Customer Niya

Maingat na isinara ni Jessa ang maliit na bag na pinaglalagyan ng gamit ng kanyang anak, kumpleto iyon- pampalit na damit, towel, gatas dahil dumedede pa rin ito sa edad na tatlong taon, at mga laruan. Tapos noon ay nagbihis na rin siya ng ternong uniporme na pampasok. Pagkalabas niya sa kwarto ay naabutan niya ang anak na naglalaro ng train na regalo ng ninang nito noong Pasko. Ay, ang gwapo talaga ng baby niya. Hindi niya nga lang kamukha..

“Mommy! Train!” sabi nito at ibinida pa sa kanya na nagawa nitong pagdugtungin ang dalawang laruang tren.

“Very good! Dadalhin natin yan kina lola ha? Behave ka doon ha, Kaden?” sabi niya rito, tumango naman ang bata at ngumiti, lumabas tuloy ang dimples nito at lalong sumingkit ang mga mata. Tiyak ni Jessa, sa ama ng bata nakuha iyon. Hindi naman kasi singkit ang mga mata niya, bilugan iyon na may mahahabang pilik, wala rin siyang dimples.

Natatandaan niya, apat na taon na ang nakalilipas nang mayaya siya ng mga kaklase sa kolehiyo na pumunta sa isang birthday party. Medyo masama ang loob niya noong gabing iyon dahil naghiwalay ang kanyang mga magulang kaya sumama agad siya. Masyado siyang naging mabait, masunurin pero naghiwalay pa rin ang mga ito kaya naman nang makarating siya sa party ay sinubukan niyang maging malaya. Uminom siya ng alak, sumayaw hanggang mapagod siya. At dahil di naman siya sanay sa ganoon ay agad siyang nalasing, mabuti nalang at may isang gwapo..singkit.. at mabait na binata ang tumulong sa kanya na makapaglakad hanggang makasakay siya ng taxi.

Ang mga magaling niyang kaibigan ay sumama na sa kani-kanilang boyfriend kaya mag isa siyang naiwan, bago naman umandar ang taxi ay tila nagdalawang isip ang binata kung pababayaan siya. Kalaunan ay nagdesisyon itong samahan na lamang siya. May distansya ito sa kanya at di siya tinangkang hawakan, samantalang nakatitig lang naman si Samantha dito. Ang gwapo, may dimples pa.

“Ayoko pang umuwi, kwentuhan muna tayo,” sabi niya rito, ang lungkot lungkot niya kasi talaga.

“Okay lang naman miss,” sagot naman nito. Dinala siya nito sa isang park at doon sila nagkwentuhan. Ang alam ni Jessa, payapa ang pakiramdam niya sa piling ng lalaki. Masaya itong kausap, hindi sinamantala ang kalasingan niya kahit pa nahahalata niyang nagpipigil lamang itong halikan siya. Kung mataas ang kontrol nito sa sarili, siya hindi. Kaya nang medyo matahimik silang dalawa ay siya na ang naglapit ng labi niya sa labi nito.

Hindi niya na maalala paano siya nakarating sa condo nito, nang mahimasmasan siya ay agad siyang umalis doon habang tulog pa ang lalaki. Sandali niya munang minasdan ang gwapo nitong mukha at ang balat nito sa dibdib bago siya tuluyang lumabas. Ahh… ni hindi niya alam ang pangalan ng estranghero.

Nagising naman si Jessa sa pagbabalik-tanaw nang kalabitin siya ng tatlong taong gulang na anak, “Mommy alis na po tayo,” sabi nito, titig na titig sa kanya at nagtataka ang ekspresyon. Marahil ay nag-iisip ito kung bakit tulala ang Mommy niya.

“A-ahh. Halika na Kaden..wait. Anak, mahal kita ha?” masuyong sabi niya rito at hinalikan ito sa noo. Totoo iyon, kahit pa estranghero ang ama nito at natigil siya sa pag aaral nang malamang buntis siya sa bata ay di sumagi sa isip niyang ipalaglag ito. Mahal niya ito, binago ni Kaden ang buhay niya. Nagkaroon siya ng dahilan para magsumikap kahit pa broken na ang kanilang pamilya.

“I love you Mommy,” sabi ulit nito. Lumabas na ang mag ina sa apartment, dadalhin niya si Kaden sa kanyang nanay dahil ito ang nag-aalaga rito tuwing papasok siya sa trabaho. Malapit lang naman ang bahay ng kanyang ina sa kanila. Buti na lang talaga, kahit di siya nakatapos sa kolehiyo ay tinanggap siya ng isang massage parlor bilang empleyado. Pero hindi naman siya nagmamasahe, isa siyang receptionist doon. Taga-lista at tagatanggap ng bayad ng mga customer, hindi rin malaswa ang massage parlor na pinagtatrabahuhan niya. Ang mga masahista roon ay pawang mga bulag at may kapansanan.

“Good morning, Kuya Roland,” sabi niya sa isang bulag na empleyado, nakaupo ito sa kanilang waiting area katabi ang isa ring masahistang bulag.

“Good morning Jessa, wala pang customer eh. Palibhasa, Lunes.” sabi naman nito. Normal na sa kanila iyon, wala talagang nagpapamasahe dahil may pasok ang mga nag-oopisina. Kadalasan ay nakatunganga lamang sila maghapon kaya naman dalawang masahista lang ang pumasok ngayong araw, nag day-off ang iba. Tatlong customer lang kasi ang tumawag upang magpa-schedule ng masahe, bihira ang nagwa-walk in.

Maya-maya pa ay dumating si Jo, ang kanyang kapalitan na receptionist. Ito rin ang naka-assign na umasiste sa mga bulag na empleyado lalo pa at kailangan nilang mag-CR, sa mall kasi naka-pwesto ang kanilang massage parlor kaya kailangan pang maglakad ng mga ito ng ilang distansya.

“Jo, pwede bang samahan mo akong mag-CR? Parang may LBM ako,” sabi ni Kuya Roland.

“Ako rin, sasabay na. Naiihi rin ako,” sabi naman ni Leni, ang isa pang masahista. Kinapa nito ang baston at tumayo na ang dalawa, nakahawak sa balikat ni Roland si Leni habang alalay naman ang mga ito ni Jo.

“Jessa, dito ka muna ha. Matatagalan kami kasi sira ang CR dito. Aakyat pa kami sa 4th floor,” sabi nito. Tumango naman si Jessa at nakangiti, inaayos niya ang pagkakasalansan ng mga langis.

“Jessa, isa pa pala. Baka dumating si Mr. Soriano, suki iyon dito. Sabihin mo ay nag-CR lang ang masahista, maaga yun kung dumating eh.” sabi ulit nito, muling tumango si Jessa.

“Jessa, last na,” natatawang sabi ni Jo, taeng-tae na kasi si Kuya Roland.

“Ano na naman?” sabi ni Jessa, ang daming bilin ni Jo.

“Paki-ayos na muna yung massage bed sa room 2, hindi ko pa naayos ang sapin eh. Doon ang gustong pwesto ni Mr. Soriano dahil malamig ang aircon, usually dumidiretso na sya roon.” sabi nito at umalis na.

Hindi na nakasagot pa si Jessa, napapailing na lang na pinuntahan niya ang sinasabi nito. Pinalitan niya ang mga scented candle at inayos ang sapin. Inamoy niya pa ang langis na nasa mesa, ang bango! Siguro mahal ang bayad ni Mr. Soriano dahil mamahalin ang langis na iyon eh. Nakatalikod siya sa kama at inayos ang salansan ng mga disenyo sa mesa sa gilid at muntik pa siyang mapasigaw nang may lalaking nakatalikod nang naghuhubad.

Natakpan niya ang bibig, dire-diretsong dumapa ang lalaki sa kama at bumuntong hininga.

Magsasalita sana si Jessa para sabihin rito ang ibinilin ni Jo pero nagsalita na ang lalaki, “Start na tayo, malaki ang tip na ibibigay ko. Hard please, ang sakit ng katawan ko eh. Sobrang stressed sa trabaho.” sabi ng baritonong boses nito.

Hindi alam ni Jessa pero parang narinig niya na ang boses na iyon. At infairness! Ang gwapo ni Mr. Soriano, ang ine-expect niya ay isang kagalang-galang na matandang lalaki. Kagalang-galang rin naman ito pero di ito matanda, bata pa ito at parang ang bangu-bango. Natulala pa nga siya nang mamasdan ang muscle nito sa likod dahil umunat ito nang bahagya.

Ang lalaki ay si Aaron, kagagaling niya lang sa Amerika para sa isang business meeting. May jetlag pa siya at ito ang nakasanayan niyang gawin tuwing masama ang kanyang pakiramdam, magpa-masahe. Paborito niya ang massage parlor na ito dahil mababait ang empleyado, pakiramdam niya ay nakakatulong siya sa mga may kapansanan. Bukod doon, disente ang mga ito at hindi nag-aalok ng extra service tulad sa iba. Lalaki ang palaging nagmamasahe sa kanya at medyo nagulat pa siya kanina nang makitang babae ang nakaabang sa loob, ayos na iyon, disente rin naman siguro ito.

“Miss, makaka-start ka kaya ngayon?” biro niya rito habang nakadapa, ilang minuto na rin kasi ang nakalipas ay di pa rin kumikilos ang babae.

Maya-maya pa ay dumampi na ang malambot nitong kamay sa kanyang likod at hinagod iyon, “Harder,” sabi niya. Bakit parang di sanay? Ah, baka bago. Imposible namang naiilang ito sa katawan niya, bulag nga ito diba? Para kasing ka-edad niya lang ang babae base sa pangangatawan nito.

Samantalang kinakabahan naman si Jessa, ano ba itong napasok niya? Mukhang paninindigan niyang maging bulag hanggang mamaya. Sesenyasan niya na lang sina Kuya Roland pag dumating ito para magpalit sila ng pwesto. Hihingi rin siya ng tawad dahil isinuot niya ang shades nito. Kinalabit niya ang lalaki upang tumihaya ito, ayaw niyang magsalita kasi feeling niya ay pipiyok siya sa sobrang kaba.

Tumihaya naman ang lalaki, una siyang napatingin sa abs nito. May konti pang patubong buhok roon, ay, ang bastos niya! Imamasahe niya sana ang braso nito nang mapasulyap siya sa dibdib ng lalaki.

Susmaryosep.

Hinding-hindi niya malilimutan ang balat na iyon.

Grabe ang kabog ng dibdib niya, lalo pa nang dumako sa mukha nito ang kanyang paningin. Nakapikit ito, walang kaalam alam sa kanyang iniisip..

Ang ama ni Kaden!

Ito ang estrangherong pinag-alayan niya ng sarili noon.

“Diyos ko po!” nasabi niya. Napabalikwas tuloy ang lalaki at napatingin sa kanya, hindi siya masyadong nakilala nito dahil malaki ang shades ni Kuya Roland. Buti nalang, saktong bumukas ang pinto ng kwarto at iniluwa noon si Jo at Kuya Roland.

“Jessa? Nagmamasahe ka na rin ngayon? Nagbulag bulagan para kay Mr.Soriano?” biro ni Jo, nalimutan na nakaharap pa ang lalaki. Nais lamunin ng hiya si Jessa, tinanggal niya ang salamin at tumakbo palabas.

Nag-CR siya, siguro ay mga isang oras. Hindi niya kayang harapin ang lalaki, paano kung natatandaan siya nito? At paano niya ipapaliwanag ang pagpapanggap niya kanina, baka akala ay manyakis siya!

Kalmado na si Jessa na bumalik sa massage parlor, wala na siguro ito doon. Pero ganoon na lamang ang pagkagimbal niya nang makita niya itong prenteng nakaupo sa waiting area, nakangisi pa sa kanya.

“So..after 4 years huh?”

Bumuntong hininga si Jessa at sinubukang magtaray, pero pumipiyok talaga siya pag nagpapanggap. Natawa naman si Aaron, nakipagkamay ito sa babae at nangakong di na ito aasarin, ang cute lang kasi talaga nito kanina dahil para itong daga na nahuling nagnanakaw ng pagkain. Nangako rin siya na di na babanggitin pa ang nangyari sa kanila dati para hindi na ito mahiya pa.

Mula noon ay palagi niya nang pinupuntahan si Jessa, nag eenjoy kasi siyang kausap ang babae. Kahit pa sabihin niyang pagkakaibigan lang ang hangad niya ay alam niya sa sariling higit pa roon ang gusto ng puso niya. Lalo siyang nahulog kay Jessa, nararamdaman niya namang ganoon rin ang babae kaya di na siya nagpatumpik-tumpik pa, nagtapat na siya rito ng pag ibig niya isang gabing kumakain sila sa labas.

“Hindi mo kasi naiintindihan, may kailangan ka kasing malaman eh.” sabi ni Jessa, parang kinakabahan ito. Napakunot naman ang noo ni Aaron.

“Tell me, ano naman ang pwedeng humadlang sa panliligaw ko sayo? Nasa tamang edad na tayo, pero maghihintay ako kung hindi kapa ready sa relationship,” sabi ni Aaron.

“M-may anak na ako.” sabi ni Jessa, natulala naman ang lalaki. Para iyong bomba na sumabog sa ulo niya, paano na? Nang magtagal ang ilang minuto na walang reaksyon si Aaron ay napahiya si Jessa at nagpasyang tumayo na, “I’m sorry,” sabi nito at umalis na sa lugar na iyon.

Iyak nang iyak si Jessa, base naman kasi sa itsura ng lalaki ay mukhang hindi ito handa sa ganoon. Paano pa kaya pag nalaman nitong ito ang ama ng anak niya? Lintik na pag ibig.. nananahimik ang buhay nila ni Kaden ay babalik ito tapos iiwan rin pala siya.

Nagpasya si Jessa na huwag na munang pumasok sa trabaho kinabukasan, magre-resign na siguro siya para di na rin magkaroon ng pagkakataon na magkita sila ni Aaron. Nag aalmusal sila ni Kaden nang may kumatok sa kanyang pintuan, ah, baka Meralco. Nagtakip siya ng twalya sa harapan dahil wala pa siyang bra at dire-diretsong binuksan ang pintuan.

Pero hindi Meralco ang naroon, kundi si Aaron.

May dala itong bulaklak, chocolate at.. mga laruan? Sari sari iyon, may pambabae.. may panlalaki..

“H-Hi. Hindi ko kasi alam kung babae siya o lalaki kaya bumili na ako ng pareho,” nahihiyang sabi nito. Ano’ng trip ito?

“Ano’ng kailangan mo? Hindi ko kailangan ng awa Aaron, hindi mo na dapat gawin yan.” sabi niya. Totoo naman eh, hindi siya nanghihingi ng limos dito.

“Hindi naman ito awa. Nagulat lang talaga ako Jessa, bigla iyon eh. Hindi naman halata sa iyo eh, at hindi naman natin napag usapan..” sabi nito.

“Sabi mo, hindi na tayo magbabanggit ng kaganapan 4 years ago.” sagot naman ng babae. Tumango si Aaron, tama nga naman ito.

“Kaya natulala ako noon, kasi nag isip ako. Tinimbang ko ang nararamdaman ko, at doon ko na-realize na..may anak ka, so what? Mahal pa rin kita, at mamahalin ko rin siya. Ihahanda ko na ang sarili ko na maging tatay niya at ituring siyang akin kahit pa di ko siya ka-dugo. Pangako yan Jessa, basta bigyan mo ako ng chance.” sabi ni Aaron at akmang luluhod pa.

Doon sumilip ang tatlong taong gulang na si Kaden na medyo nainip na dahil ang tagal bumalik ng mommy niya sa kusina.

“Mommy? Sino siya? Uy, parehas kami dimples mommy!” sabi nito.

Medyo kumunot ang noo ni Aaron, bakit parang kamukha niya ang bata? Teka, tatlong taon na ito.. siyam na buwan ipinagbuntis..apat na taon na ang nakalipas nang may mangyari sa kanila..

Nanlaki ang mata niya, doon siya napasulyap kay Jessa. Lumuluha na ang babae habang tumatango sa kanya upang kumpirmahin ang iniisip niya. Niyakap niya ito nang mahigpit at pinaghahalikan niya ang batang bagamat nagulat ay napatawa na rin dahil nakikiliti sa patubong bigote niya.

“Huy! Baka magka-rashes iyan!” natatawang sabi Jessa.

“Sorry anak.. tuwang tuwa lang ang daddy..” bulong niya.

Napatalon sa tuwa si Kaden nang marinig ang salitang ‘daddy’. Apaw na apaw rin naman ang kaligayahan sa puso ni Jessa, akala niya kasi ay mag isa niya na lamang palalakihin si Kaden pero may plano palang mas maganda ang Diyos para sa kanilang mag ina. Kinailangan lamang nilang maghintay dahil baka hindi pa handa ang lahat noon.

Makalipas ang isang taon ay nagpakasal ang dalawa at muling nagbuntis si Jessa sa ikalawa nilang anak.

Advertisement