Dahil Walang Trabaho ang Mister ay Ipinagpalit Ito ng Misis sa Mayamang Binata; Napakalaking Eskandalo nang Magkaalaman Sila
Pitong taon nang nagsasama ang mag asawang Claire at Mac. Mayroon silang dalawang anak, ang panganay ay limang taong gulang habang tatlong taong gulang naman ang bunso nila. Sa dating opisina sila nagkakilala pero dahil walang mag aalaga sa mga anak nila ay naisip ni Mac na magbigay na muna sa misis niya, mas malaki kasi ang opportunity para rito. Mas magaling ito sa sales kaysa sa kanya.
Makalipas ang panahon ay tinabangan na si Claire sa mister niya, hindi niya naisip na kaya ito walang trabaho ay para sa mga anak niya. Bumaba ang tingin niya rito, palamunin na lamang at pabigat sa kanya ang naiisip niya tuwing nakikita ang asawa. Palagi niya rin itong hinahanapan ng mali, ewan niya ba- basta asar na asar siya sa lalaki.
“Ma, may PTA meeting kami sa Lunes. Kakausapin raw ng teacher ang mga magulang tungkol sa project na pagpapapintura ng eskwelahan,” sabi ng lalaki isang gabing kumakain silang lahat ng hapunan.
“O bakit sinasabi mo pa sa akin yan? Nasa akin ba ang bibig mo at hindi ka makakapag-meeting nang wala ako? Ah alam kona, pera. Wala ka palang pamasahe, o,” padabog niyang inilapag ang wallet sa harapan ng asawa. Napalingon naman ang lalaki sa dalawang anak na nagmamasid lamang sa kanila, kahit bata pa ang mga ito ay alam niyang nakakaunawa na ang mga bata sa mga nangyayari.
Pabulong niyang pinagsabihan ang misis, “Ma, wag mo naman akong ganyanin sa harap ng mga anak natin..” napapahiyang sabi niya.
“Wag anuhin? Totoo naman diba? Kumuha ka na ng pamasahe mo dyan, bente pesos lang paarte-arte ka pa,” sabi ni Claire kaya lalong nanliit ang asawa niya. Ganoon siya palagi, ipinamumukha niyang binubuhay niya lamang ito. Wala ito kahit singkong duling sa bulsa, kapag may kailangan ang mga bata ay wala siyang kusa, kailangan pang makiusap sa kanya at makatikim ng masasakit na salita bago siya maglabas ng pera.
Sadyang mahal lang talaga siya ni Mac at iniisip ng lalaki na pagod siya sa trabaho kaya siya nagkakaganoon. Ang hindi nito alam, may ibang lalaki na siyang pinagkakaabalahan..si Drew. Gwapo si Drew, binata at bagong ka-opisina niya, konting ligaw lang ay bumigay agad si Claire sa lalaki- nagsasawa na kasi siya sa walang kwentang asawa niya.
Sa totoo lang ay ito ang ka-text niya ngayon kaya di siya maabala, kahit pa kumakain sila ng hapunan ay nakatutok siya sa cellphone. Ito rin ang dahilan kung bakit ayaw niyang kinukulit siya ng asawa niya.
“O sige na, tapos na ako. Sa kwarto na muna ako ha, goodnight mga anak. Pagod si Mommy eh,” sabi niya at dire-diretso na sa kwarto nila, tatawag raw kasi si Drew. Si Mac naman ang nagpakain sa mga bata at naghugas ng pinggan, maya-maya ay lilinisan niya na ang mga ito at ihahanda sa pagtulog. Baka i-hele niya pa ang bunso dahil di ito nakakatulog mag-isa. Pag aakyat siya sa kwarto ay tulog na ang misis niya, pagod kasi siguro.
“Kailan mo ba kasi ako isasama sa condo mo? Ayoko na dito, di ko na kayang tagalan si Mac,” paglalambing niya kay Drew. Natawa naman ang lalaki sa kabilang linya.
“Paano kita isasama sa condo alam mo namang malapit lang yun sa office, baka may makakita. Alam ng mga tao doon na may asawa ka diba? Darating din tayo dyan. Oo nga pala baby, ang galing mo kanina ha,” nakangising sabi nito.
“Ano kaba! Nahihiya tuloy ako,” sabi niya na humagikgik pa. Tapos ay itinuloy niya ang pagsasalita, “Bahala ka, basta one day isu-surprise kita dyan sa condo mo. Magsusuot ako ng sexy tapos kakatok nalang ako bigla,”
“Huy, wag, baka may makakita.” tila kinabahan naman ito sa sinabi niya, lalong na-excite si Claire. Plano niyang gawin iyon sa Linggo, parang walang makakitang office mate dahil wala silang pasok. Magpapaalam nalang siya kay Mac na may business trip siya, wala namang alam ang lalaki sa mga ginagawa niya sa opisina.
Mabilis sumapit ang araw ng Linggo at handang-handa si Claire, pagka-iksi-iksi ng suot niyang palda at labas pa ang cleavage sa dibdib nya nang umakyat siya sa elevator ng condo ni Drew. Palingon-lingon pa siya dahil sa malapit lang siya inihatid ni Mac, baka naroon pa ang lalaki. Hindi nito maaaring malaman na doon siya pupunta, mamaya maisipan pang sundan siya. Parang minamalas naman dahil may dalawa pa siyang ka-opisina na nakitang nagde-date sa malapit na restaurant.
Nakahinga lamang siya nang maluwag nang bumukas na ang elevator, naroon na siya sa floor ng condo ni Drew. Buti na lang, nadulas ito minsan at nasabi kung ano ang door number nito. Marahan siyang kumatok doon, walang sumasagot. Kumatok siya ulit at nakarinig na siya ng ilang yabag, inihanda na ni Claire ang sarili niya. Ibinaba niya pa lalo ang makipot na blusa at iniangat ang pwet nya, nakapikit pa siya na parang nang aakit nang bumukas ang pinto.
“Hi Drew, I miss you.. sabi ko naman sa’yo isu-surprise kita diba?” malanding sabi niya.
“Sino ka?” napadilat si Claire at nanlaki ang mata niya nang makita ang isang babaeng matalim ang tingin sa kanya, sa likod nito ay naroon ang dalawang bata.
“Ikaw ang sino? Girlfriend ako ni Drew! Ano’ng ginagawa mo sa condo niya?” mataray na sabi niya.
Doon biglang lumabas ang namumutlang si Drew sa likod, hindi makapagsalita ang lalaki dahil nilingon ito ng babae na may kasamang mga bata.
“C-Claire..” sabi lang nito.
“Baby! Sino ba ang babaeng ito? Katulong mo? Pagsabihan mo ha, or ako mismo ang maglulugar sa kanya,” sabi niya sa lalaki pero lalo itong namutla.
Noon sumigaw ang babae sa harap niya, “Ako ang misis niya gaga!”
Hindi pa man din nakakabawi sa pagkagulat si Claire ay nahila na ng babae ang buhok niya, sinubukang pigilan ni Drew ito pero kinalmot lang ito ng babae, “Wag kang makikialam dito o iiwan ka namin ng mga anak mo hayop kang manloloko ka!”
Kinaladkad siya ng babae sa elevator at hanggang sa lobby kung saan maraming tao ay hila hila nito ang buhok niya. “Malandi ka! Ito ang dapat sayo, napapahiya!” sigaw nito.
Pinagtinginan siya ng mga tao, walang mukhang maiharap si Claire dahil nakita niya na naroon na rin ang mga ka-opisina niya. Hindi niya alam kung kailan matatapos ito, hindi rin siya makalaban dahil bukod sa pagkabigla dahil niloloko lang pala siya ni Drew, halos hubo’t hubad na rin siya dahil punit-punit na ang kapiraso niyang damit na pinaghihila ng babae. Nakahinga lang siya nang maluwag nang may mga bisig na nagtayo sa kanya, hindi niya namalayang tumigil na ang babae. Binalot siya ng jacket, buong akala niya ay si Drew ang tumulong sa kanya, pero ganoon nalang ang panlalaki ng mata niya nang makilala kung sino iyon.
Si Mac!
“Sa bahay na tayo mag usap,” malumanay na sabi nito. Sa halip na galit ay lungkot ang nasa mga mata nito na halos maiyak na. Naiwan niya pala ang jacket niya na bitbit ng lalaki kanina kaya naisipan nitong balikan siya at iabot iyon. Tatawag palang ito sa kanya nang makita ang komosyon, may kung anong tumawag sa lalaki upang silipin kung ano ang pinagkakaguluhan ng mga tao.
Pag-uwi sa bahay ay inamin na ni Claire ang lahat ng kasalanan niya, tahimik namang nakikinig ang lalaki. Tulala ito, hindi malaman kung ano ang ire-react sa sobrang sakit ng ginawa niya. Dahil sa pagkapahiya ay si Claire na mismo ang nagdesisyon na makipaghiwalay sa asawa, hindi siya nararapat para sa lalaki.
Ngayon ay sa ibang kumpanya na nagtatrabaho si Claire. Taon na rin ang lumipas, ang huling balita niya kay Mac ay nasa Amerika na raw kasama ang kanilang mga anak at nakapag-asawa na rin.
Magsisi man si Claire ay huli na. Siya ang pumili na sirain ang perpektong buhay niya na sana noon. Kung nakuntento lang sana siya sa mag-aama, buo pa sana ang pamilya nila ngayon.