Tinakbuhan ng Babaerong Lalaki ang Nabuntis Niya, Binalikan Siya Nito sa Nakakakilabot na Paraan
Parehong nasa Amerika na ang mga magulang ni Ace, samantalang ang lalaki ay naiwang nakatira rito sa Pilipinas. Disi-otso anyos na rin naman kasi siya nang umalis ang mga ito sa bansa, mas nasanay siya sa pamumuhay rito kaya di na siya sumama. Bukod doon, mas malaya niya nang magagawa ang mga kalokohan niya, dati ay di siya makapag-uwi ng babae sa bahay nila sa probinsya pero ngayon, anong oras na gustuhin niya ay isang pitik lang, may makakasama na siyang matulog. Lalo pa at sa isang condo sa Maynila na siya naninirahan ngayon.
Dito na rin siya nakahanap ng trabaho, dalawang taon na siya sa pinapasukang opisina. Nanlaki ang mata ng lalaki nang mamukhaan ang kasalubong, agad siyang nagtangkang lumiko pero naabutan siya ng babae. Ah..si Anne. Ang pinakabago niyang ex. Dinispatsa niya ito isang linggo na ang nakakalipas pero habol pa rin ito nang habol. Ayos naman sana ang relationship nila eh, sunud-sunuran ito sa kanya kaya lang nang magsimula na itong magbanggit tungkol sa kasal ay natakot na siya. Wala sa isip niya ang commitment, ano siya, hilo? Ang sarap-sarap mabuhay ng malaya bakit niya itatali ang sarili niya? Isa pa, di niya naman talaga minahal ang babae. Sa lahat ng kanyang naging girlfriend ay wala naman talaga siyang minahal, isa lang ang pakay niya kaya niligawan ang mga ito- para maikama.
“Ace, wag mo naman akong iwasan,” sabi nito.
“Hindi kita iniiwasan, may..may kukunin akong files sa meeting room kaya doon ako papunta,” pagsisinungaling niya.
“Come on Ace.. kagagaling ko lang sa doctor, kinumpirma nila na buntis ako. Aren’t you happy? Magkakababy na tayo!” sabi nito at hinigpitan pa ang pagkakahawak sa braso niya.
Pinagpawisan naman ng malapot si Ace, hindi pwede. Masisira ang mga plano niya sa buhay niya kapag naging tatay na siya, habangbuhay na siyang makukulong kay Anne at di niya na magagawa ang mga nakasanayan niya.
“Baka hindi akin iyan, wag ka ngang ganyan Anne, wag mong ipaako ang bata sa akin.” matigas na sabi niya rito. Di makapaniwalang tinignan siya ng masama ng babae, kasunod noon ay binigyan siya nito ng pagkalakas-lakas na sampal dahilan upang pagtinginan sila ng ibang empleyado.
“Ang kapal ng mukha mo! Alam kong alam mong ikaw lang Ace, ikaw ang una at wala nang iba!” naiiyak nang sabi nito.
“Gumagawa ka na ng eskandalo Anne. Wag mo akong idamay sa ganyan.” sabi niya at tinalikuran ito, hawak-hawak niya ang pisngi na namumula pa sa sampal. Tama ang babae, alam niyang siya lang. Pero siyempre ay hindi niya iyon aaminin, magkamatayan na pero itatanggi niya talaga ang bata sa sinapupunan nito.
Mabilis lumipas ang mga araw at laking pasasalamat ni Ace na di na siya tinangka pang lapitan ni Anne. Hindi niya na rin nakikita pa ang babae sa opisina, pero di na siya nagtanung-tanong pa. Magrereklamo pa ba siya, eh iyon nga ang gusto niya- ang mawala na sa landas niya si Anne. Isang gabi, medyo nakainom si Ace na umuwi sa kanyang condo unit. Sa elevator palang ay parang tutumba na siya, nakakainis dahil tumanggi ang babaeng kasama niya kanina sa bar na iuwi niya ito. Mag-isa tuloy siyang matutulog sa malamig na gabi.
Hinubad lang ng lalaki ang pantalon niya at polo, naka-boxer shorts siyang humiga sa kanyang kama. Maya-maya pa ay nakarinig siya ng malambing na boses na tumatawag sa kanya.
“Ace, baby.. open your eyes..” sabi ng boses.
“Anne..” sabi niya naman, unti-unti niyang idinilat ang kanyang mga mata. Di siya nagkakamali, si Anne nga. Nakasilip ito sa bintana ng kanyang condo, titig na titig sa kanya. Ang sexy nito sa suot na pantulog na puti at parang nag-aanyaya ang mga labi na halikan niya. Sayang ang babaeng ito, kung hindi lang nag-demand ng kasal eh. Teka, wala naman sigurong masama kung titikman niya ito ulit diba? Tutal mukha namang nag aanyaya ito ngayong gabi.
“Halika rito,” sabi niya, medyo nanghihina pa dahil lasing.
“No, halika rito.. mahilig ka diba,” malanding sabi nito tapos ay sinundan pa iyon ng hagikhik. Sinubukan ni Ace na tumayo, nakaabang si Anne sa bintana at nakatitig sa kanya pero talagang lasing na ang lalaki dahil di niya namalayang nahilo na siya.
Kinabukasan, nagising si Ace sa sinag ng araw. Agad hinagilap ng mata niya si Anne, may nangyari kaya sa kanila? Anak ng teteng, parang wala dahil suot niya pa rin ang shorts niya. Di maalis sa isip niya si Anne at ang katawan nito kagabi, di siya papayag na di siya makakaisa sa babae kaya pinasya niyang puntahan ito sa bahay ng mga ito sa Quezon City, lalambingin niya ulit.. baka mapakiusapan niyang ipalaglag ang bata para ituloy nila ang relasyon.
Pagdating sa bahay nina Anne ay agad siyang kumatok sa pinto, nanlaki pa ang mata ng nanay ng babae nang makita siya.
“Ano’ng ginagawa mo rito?” matigas na tanong nito.
“Goodmorning tita, gusto ko po sanang makausap si Anne.” sabi niya, inililibot ang mata sa bahay upang mahanap ang babae. Baka kasi di niya mapigilan at sagutin niya na ang nanay nito, wala naman talaga siyang feelings para kay Anne kaya wala rin siyang malasakit sakaling masaktan niya ang ina nito.
Pero sa halip na si Anne ay ang kuya nito ang nakita niya, pasugod na ito sa kanya at huli na ang lahat para makaiwas pa si Ace, nasuntok na siya nito.
“Ano’ng problema mo pare?!” sigaw niya rito na akmang gaganti pero naistatwa siya sa sunod na sinabi nito.
“Hayop ka! Dahil sa’yo nagpakamatay si Anne!” naluluhang sabi nito.
“Ano?!” di makapaniwalang sabi niya. Bakit…? Paano…?
Ang nanay ni Anne ang sumagot sa lahat ng katanungan sa isip niya, “Dalawang linggo na, mula nang malaman niyang di mo na siya mahal at kung sinu-sino na ang kinakalantari mo. Mula noong lapitan ka niya at ayaw mong panagutan ang anak nyo, nakita na lang namin siya na nakabitin sa kanyang kwarto, nakatali ang leeg niya sa isang lumang sinturon,”
Pailing-iling si Ace, imposible! “Hindi totoo yan, nakita ko pa siya kagabi sa bintana ng condo ko-” saglit siyang napatigil at tumayo ang lahat ng balahibo sa kanyang katawan.
Noon niya naalala..
Nasa 13th floor ang condo niya.
Biglang napaluhod si Ace sa dalawa, para siyang nasisiraan ng bait na paulit-ulit humihingi ng tawad. Matigas lang siyang tinitigan ng mga ito, ang mga tulad ni Ace ay walang puso.
Umalis ang lalaki sa lugar na iyon na tulala at mula nang araw na iyon ay di na siya naging tulad ng dati. Hindi na siya nag-asawa pero di na rin siya muli pang nanloko ng kahit na sinong babae, lumipat na siya ng condominium pero nakatatak na sa puso at isip niya ang kasalanang nagawa, isang alaala na kahit saan pa siya lumipat ay di na maaalis pa.
Habangbuhay mang pagsisihan ni Ace ang kasalanan niya ay di na iyon maibabalik pa.