Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Himig ng Pangarap - Inday Trending

Himig ng Pangarap

“Hindi ka pa ba napapagod sa kakatugtog mo? Wala ka namang inuuwing pera dito! Kung ginagamit mo na lang sana ang oras mo para maghanap ng totoong trabaho, e hindi sana ay may nakakatulong ako sa panggastos dito! Inutil na nga ang ama mo, pati ba naman ikaw ay walang pakinabang?!” pagbubunganga ni Aling Petra sa kaniyang binatang anak na si Pablo.

Bunso sa dalawang anak itong si Pablo. Ang kaniyang amang si Mang Isko ay dating nagmamaneho ng trak ngunit dahil sa isang aksidente ay nabaldado ito. Ang tanging katuwang na lamang ni Aling Petra sa mga gastusin ay ang kaniyang panganay na anak na si Milet na isang kahera sa isang maliit na grocery sa kanilang lugar. Kaya ganoon na lamang ang inis ni Aling Petra sa binatang si Pablo sa tuwing ito ay aalis upang tumugtog.

Mahilig sa musika si Pablo. Walang oras na hindi niya ata hawak ang kaniyang gitara. Kung hindi siya nag-eensayo ay gumagawa ito ng kanta. Pangarap niya na balang araw ay maging sikat siyang musikero. Ngunit tutol dito ang kanyang ina. Ang nais kasi nito ay tigilan na ni Pablo ang pagtugtog at humanap ng “totoong” trabaho.

“Huwag n’yo na po akong pigilan, ‘nay. Pagiging musikero po talaga ang nais ko. Naniniwala po ako na isang araw ay matutupad ang mga pangarap ko,” tugon ni Pablo sa kaniyang ina.

“Diyos ko naman, Pablo! Dalawang taon ka nang tugtog nang tugtog. May nangyari ba? Ni hindi ka nga nagpapanik ng pera rito sa bahay. Nanghihingi ka pa ng pamasahe!” bulalas ng ina.

“Hindi ka ba naaawa sa sarili mo? Ilang beses na bang nilangaw ang pagtugtog mo? Sinasabi ko sa’yo, Pablo, tigilan mo na ‘yan kung hindi wawarakin ko sa harap mo ang gitara mo!” dagdag pa ni Aling Petra.

Pinahupa muna niya ang galit ng kaniyang ina saka ito nagtungo sa kanyang gig. Malakas ang pakiramdam niyang sa pagkakataon na ito ay may makakapansin na ng kaniyang galing. Sa daan patungo sa pupuntahang bar ay naiisip niya ang dami ng taong manonood sa kanya. Ang mga hiyawan at palakpakan na kanyang maririnig sa tuwing matatapos ang isang awitin. Lalong nananabik si Pablo na makarating sa bar.

Ngunit hindi niya inakala na pagdating niya doon ay tatlo lamang ang taong manonood. Ang isa pa dito ay isang matandang lasing. Kahit na walang nakikinig sa kanya ay pinagpatuloy niya ang pagtugtog at pag-awit.

“Sa bagay, parang hindi naman ako nasanay. Lagi namang ganito ang nangyayari sa akin. Kung hindi walang nakikinig, mga lasing ang nasa aking harapan,” bulong niya sa sarili. “Pero, hindi ako mawawalan ng lakas ng loob. Kaya ko ‘to! Kayang-kaya ko ito!” pagpapalakas niya ng loob sa sarili.

Muli siyang tumugtog. Natapos ang gabi na halos dalawa lamang sila ng isang lalaking lasing sa loob ng bar. Nang matapos ang kanyang set ay kinausap siya ng namamahala sa nasabing bar.

“Pablo, pasensiya ka na. Utos ‘to ni boss, e!” sambit ng lalaki. “Huling tugtog mo na ‘to dito. Pasensiya ka na pero hindi na rin kasi kumikita itong bar. Ito na ang huling sahod mo,” wika nito muli sabay abot ng isang daang piso. Napatitig na lamang ang binata sa hawak niyang pera.

“Pasensiya ka na, Pablo. Pang pamasahe mo lang pauwi, eh. Mahina talaga ang kita,” sambit ng ginoo.

“Boss, baka naman pwedeng isang beses na lang bukas. Kapag wala talaga ay hindi ko na talaga ipipilit ang sarili ko!” pakiusap ni Pablo. Ngunit hindi pumayag ang lalaki at wala nang nagawa si Pablo kung hindi ang umuwi.

Pagkarating niya sa kanilang bahay ay agad siyang sinalubong ng inang kanina pa naghihintay. Galit na galit ito sa ginawang pagsuway ng anak.

“Hindi ka na talaga marunong makinig, Pablo! Hindi ba sinabi kong tigilan mo na ang musika. Wala kang silbi sa pamamahay na ito! Tulad ka ng ama mo!” halos mapatid ang litid ni Aling Petra sa pagsigaw. Sa galit ng ginang ay kinuha niya ang gitara ng kanyang anak at saka niya ito hinampas sa sahig hanggang tuluyan itong masira.

Wala nang nagawa pa si Pablo kahit pigilan niya ang kanyang ina. “Maghanap ka ng totoong trabaho, Pablo! Huwag kang nang maging pabigat dito!” sambit ng ina.

Kahit na lubusan ang nadaramang lungkot ay gumising siya ng maaga upang maghanap ng trabaho. Habang nasa isang gusali ay hindi niya sinasadyang makabunggo ang isang lasing na lalaki. Nalaglag ang mga dala-dala ng ginoo kaya tinulungan ito ni Pablo.

“Paumanhin po, ginoo” wika ni Pablo sabay abot ng mga gamit.

“Sandali, boy. Nakikilala kita. Hindi ba ikaw ‘yung tumututog sa bar. Parang ako na nga lang lagi ang tagapakinig mo,” sambit ng ginoo.

Nakilala ni Pablo ang lalaki. Ito nga ang lalakig laging lasing na naiiwan sa bar at nakikinig sa kanyang mga awitin.

“Pauimanhin po ninyo, ginoo, kung napapangitan kayo sa pagtugtog ko. Pabayaan po ninyo at hindi niyo na po ako maririnig muli kumanta sapagkat tinanggal na po ako doon,” paliwanag ni Pablo. Kinagulat ito ng lalaki.

“Ganoon ba? Hindi na rin pala ako pupunta sa bar na ‘yon kung ganon!” nadidismayang wika ng ginoo.

“Anong ibig n’yo pong sabihin?” pagtataka ng binata.

“Pumupunta lamang ako doon para makinig sa’yo. Gusto ko nga palang ipagpasalamat sa’yo ang bawat gabing nakakalimutan ko ang asawa ko. Napapayapa ng mga awitin mo ang isip ko kaya nakakatulog ako. Sa totoo lang ay hindi ko na kayang mabuhay pa dahil sa sakit na nararamdaman ko sa pagpanaw ng asawa ko. Ngunit dahil sa musika mo, nakukuha ko pang harapin ang susunod na araw,” pahayag ng ginoo.

Laking gulat ni Pablo. Hindi niya akalain na ito pala ang laging ginagawa ng lalaki kaya ito nananatili.

“Sa tingin ko kung nais mo talagang magtagumpay sa larangang napili mo ay hindi ka dapat sumuko kahit gaano kahirap. Kung gusto mo ay bibigyan kita ng trabaho. May kilala akong may-ari ng isang bar at pwede kitang ipasok doon. Magkita tayo mamayang gabi. Dalhin mo ang iyong gitara at magpamalas ka ng galing sa kanila,” paanyaya ng ginoo.

Agad umuwi si Pablo upang kumpunihin ang kanyang gitara. Ngunit bigo siya na makumpuni ito. Hindi naman sapat ang kaniyang pera para bumili ng bago. Nakita ng kaniyang ama ang pagkadismaya sa mukha ng kaniyang anak. Dahil dito ay kinausap niya ang binata.

“Anak, nakasuporta ako sa lahat ng gagawin mo. Kung mahal mo ang musika, hindi kita pipigilan sa pagtugtog mo. Buksan mo ang aparador ko at mayroon akong nakatagong regalo para sa iyo,” wika ng ama.

Binuksan ni Pablo ang aparador at nakita niya ang isang lalagyanan ng gitara. Pagbukas niya ay nagulat siyang may laman nga itong napakagandang gitara.

“Dati akong musikero, anak. Tinigilan ko ang pagbabanda sapagkat gusto ng iyong ina na magkaroon ako ng “tunay” na trabaho. Dahil sa pagmamahal ko sa kaniya ay tinalikuran ko ang musika. Ang tanging bagay na alam kong gawin noon,” wika ng ama. “Gamitin mo ang gitara na ‘yan at huwag mong hahayaang hindi matupad ang iyong pangarap, anak.”

Napaluha na lamang si Pablo. Dali-dali siyang pumunta sa tagpuan nila ng ginoo at saka siya dinala nito sa bar ng kaniyang kakilala. Nagpakitang gilas si Pablo sa pamamagitan ng pagtugtog ng gitara ng kaniyang ama at ng kantang siya mismo ang lumikha.

Humanga ang lahat ng taong nakapanood at nakapakinig sa kanya. Tila ito na ang simula ng pagtupad ng kaniyang pangarap. Natanggap siya sa bar at naging regular na musikero doon.

Hindi naglaon ay may isang producer na nakadiskubre sa kaniyang talento at doon na siya nasimulang marinig ng buong bansa. Napatunayan niya sa kaniyang ina na may mararating siya sa industriya ng musika.

Simula noon ay nagpatuloy na ang tagumpay na nakamit ni Pablo. At lahat ng ito ay dahil sa hindi siya sumuko sa kaniyang mga pangarap sa kabila ng mga pagsubok sa kaniyang buhay.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.