Sa Kaniyang Kaarawan, Hiniling Niya sa Kaniyang Ama na Maging Kakaiba ang Pagdiriwang Nito; Paano Nga Ba Niya Ito Ipagdiriwang?
“Anak, anong gusto mong gawin sa kaarawan mo? 21 ka na. Binata ka na. Gusto mo ba ng party? Out of town or out of the country? O bagong gadget. Sabihin mo lang sa akin anak at ibibigay ko sa iyo.”
“Dad, huwag na lang po. I want something unique. I want something extraordinary on my birthday. Sana po pumayag kayo kapag sinabi ko,” ani Marty sa kaniyang ama, na isang Chief Operating Officer sa isang malaking kompanya. Galing sila sa pamimingwit ng isda na interes nilang mag-ama.
“Name it, Marty. I will give you everything that you would like to have on your birthday,” sabi nito.
“Dad, puwede po ba cash na lang? Pera na lang po ang ibigay ninyo sa akin,” pakiusap ni Marty.
“Alright. Walang problema. Pero anong bibilhin mo sa pera, matanong ko lang?” usisa ng kaniyang daddy.
Napangiti naman si Marty sa kaniyang daddy.
“Huwag kang mag-alala, Dad. Hindi ko kayo ipapahiya ni Mommy na nasa langit na. I will make sure that you and Mom will be proud of me.”
“May tiwala naman ako sa iyo, anak. Alam kong alam mo naman ang ginagawa mo. Sige. Ibibigay ko sa iyo ang perang nais mo.”
Tuwang-tuwa si Marty.
Ano nga bang bibilhin niya?
Anong gagawin niya sa pera?
Magnenegosyo ba siya?
O maglalakbay?
Ililibre ang barkada?
Staycation sa hotel? O magsusugal?
Kinabukasan, naglakad siya patungo sa isang eskinita na lagi niyang nadaraanan. Naroon pa ang isang may katandaang lalaki, kasama ang kaniyang maliliit na anak na naglalaro-laro at kumakain ng cotton candy.
Ang ama naman ay tila pagod na pagod na nakadukmo.
“Kuya Dencio, musta ka na?”
“Uy… heto… kauuwi lang namin mula sa pangangalakal. Bakit ka bumalik dito?” nag-angat ng mukha ang lalaki.
“Gusto ko lang kayong kumustahin, lalo na sina Jec-jec at Puring. Kumusta kayo?” nakangiting bati ni Marty sa dalawang maliliit na anak nito, na abala sa pagngata ng cotton candy.
“Awa ng Diyos ay may nakalakal nang kaunti. May pangkain na kami mamayang hapunan,” naiiyak na sabi ni Dencio.
Ayon sa kuwento ni Dencio, iniwan na sila ng kaniyang kinakasama, na ina ng kaniyang mga anak. Sumama na umano ito sa ibang lalaki.
Nagkataon pa na nasira umano ng bagyo ang kanilang barong-barong, at ipinagbawal ng lokal na pamahalaan na bumalik pa sila roon—sa ilalim ng tulay.
Kaya ilang linggo nang pagala-gala sina Mang Dencio at ang mga anak sa mga kalsada. Wala silang permanenteng matutuluyan. Tanging pangangalakal ng basura ang ikinabubuhay niya.
Noong isang araw,
Noong isang araw, kinausap ni Marty si Mang Dencio dahil nga sa kalunos-lunos na kalagayan nito. At ngayon nga ay muli siyang nagbalik.
“Bilib ako sa ‘yo kuya, kasi nairaraos mo po ang mga anak mo,” ani Marty.
“Ang importante, kahit mahirap ang buhay basta huwag tayong gumawa nang masama,” sagot naman ni Mang Dencio.
“Minsan nga natutulog kami doon sa tapat ng bahay na may waiting shed sa harapan, pinapagalitan kami. Baka raw may mawala, magnanakaw raw kami,” kuwento pa niya. “Hindi ko naman magagawang magnakaw. Kahit kami mukhang busabos. Lalo na’t kaharap ko ang mga anak ko.
“Huwag ho kayong mawawalan ng pag-asa, Kuya Dencio,” wika ni Marty.
“Masaya ako sa buhay ko ngayon, kahit papaano nawawala ang pagod ko kapag kasama ko mga anak ko.”
Nakwento nito na ilang beses na pala silang nais kunin ng DSWD ngunit ayaw niyang sumama.
“Kahit na ganito ang kalagayan ko, kaya ko namang alagaan ang mga anak ko. Makaipon lang talaga ako ng panghulog doon sa nakita kong paupahang maliit, para hindi na kami pagala-gala, matatapos din ang problema namin sa pagiging lagalag.”
“Halika. Samahan mo ako Mang Dencio doon sa sinasabi mong paupahan.”
At nagtungo na nga sila sa maliit na paupahang bahay na sinasabi ni Mang Dencio. Ayon sa may-ari, 2,000 piso kada buwan daw ang bayad dito, bukod pa sa bayad sa kuryente at tubig. Hindi ito makuha-kuha ni Mang Dencio dahil nga sa kakapusan sa pera.
Kaya laking-gulat ni Mang Dencio nang ibigay ni Marty ang kaniyang sorpresa sa mag-aama.
“Ako na ang magbabayad sa paunang upa, at babayaran ko na rin ang upa ninyo sa buong isang taon, Mang Dencio. At heto, tanggapin ninyo ito,” at iniabot ni Marty ang isang makapal na sobreng puti, na naglalaman ng 10,000 piso. “Maliit na halaga po, pero makakatulong na rin para may panggastos kayo ng mga bata.”
Halos maiyak sa galak si Mang Dencio. Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari. Sinabi ni Marty na kaarawan niya ngayon, at nais niyang ipagdiwang ito sa pamamagitan ng kakaibang paraan: ang pagtulong sa kapwa, na may basbas naman ng kaniyang daddy.
“Paano ako makababawi sa iyo?” naiiyak na tanong ni Mang Dencio.
“Basta ang mahalaga, panindigan mo yung sinabi mo po na hindi ka gagawa nang masama, maging mas mabuting tao ka pa. Sa mga anak mo po, ipakita mo sa kanila, turuan mo silang maging mas mabuting tao para kapag lumaki sila, magiging mabuting tao rin sila,” bilin ni Marty.
Tumango-tango naman si Mang Dencio.
“Nangangako ako, hindi ko sasayangin ang pagkakataong ito.”
Umuwing nakangiti at masaya si Marty sa kanilang mansyon. Marami siyang ikukuwento sa kaniyang daddy. Tiyak na matutuwa at ipagmamalaki siya nito.
Makalipas ang ilang buwan, kinumusta ni Marty ang mag-aama. Nagtitinda na ngayon si Mang Dencio ng mga meryenda dahil ginamit niyang pamuhunan ang ibinigay ni Marty sa kaniya. Tuwang-tuwa si Marty dahil hindi nauwi sa wala ang tulong na ibinigay niya.