Nagpaalam ang Mag-aaral sa Istriktong Propesora na Hindi Siya Makadadalo sa Klase at Makakukuha ng Pagsusulit Dahil Walang Magbabantay sa Anak Niya; Babagsak na Ba Siya sa Asignatura Nito?
“Prof. Ogeno, magandang umaga po sa inyo…”
Napahinto sa kaniyang pagta-type sa laptop si Prof. Sylvia Ogeno dahil sa hindi inaasahang pagtungo sa kaniya ng isa sa mga mag-aaral niya, na sa totoo lamang ay hindi niya matandaan ang pangalan.
Sa dami ng klaseng hawak niya, at sa bawat klase ay maraming mga mag-aaral, talagang mabibilang sa kamay ang mga matatandaan niya. Ngunit nakatitiyak siyang mag-aaral niya sa asignatura niya ang lumapit sa kaniya dahil natatandaan niya ang mukha nito.
“Come in. Pasok… anong atin? Hindi oras ng konsultasyon ko sa inyo,” seryosong wika ni Prof. Ogeno. Kilala si Prof. Ogeno sa kaniyang kredibilidad na seryoso subalit magaling na guro. Istrikto subalit maunawain.
Kiming pumasok ang mag-aaral. Naupo sa upuang nakaharap sa propesora.
“Ma’am, magpapaalam lang po ako sa inyo na baka hindi po ako makakuha ng maikling pagsusulit sa inyo bukas.”
“Bakit? May mabigat bang dahilan? Alam mong dalawa lang ang rasong kinikilala ko, at balido sa pagliban: kapag naospital, at kapag namat*yan ka. May sakit ka ba? O namat*yan?”
“H-Hindi po Ma’am. K-Kuwan po kasi, solo parent po kasi ako. Eh… hindi na po kasi pumayag yung pinag-iiwanan ko sa anak ko na alagaan pa siya kasi wala na po akong ibabayad sa kaniya. Kaya baka hindi po ako makapasok bukas. Wala pong… wala pong magbabantay sa anak ko,” nahihiyang paliwanag ng mag-aaral.
Inalis ni Prof. Ogeno ang kaniyang makapal na salamin. Tiningnan at sinuri niyang mabuti ang mukha ng mag-aaral. Mukha naman itong sinsero sa kaniyang mga sinasabi.
Sa tagal na niyang nagtuturo, alam na niyang mangilatis ng tao, lalo na sa isang mag-aaral na nagsisinungaling. Psychology ang natapos niyang kurso sa kolehiyo, at kumukuha pa nito sa pagka-masterado.
“Iyan lang ang pinoproblema mo? Hindi naman problema iyan. Dalhin mo ang anak mo rito. Dalhin mo sa klase,” ani Prof Ogeno.
“Po?”
“You heard it right. Dalhin mo ang anak mo sa klase.”
“Eh, baka po mag-ingay lang siya. Baka umiyak po.”
“Eh ganoon talaga, bata iyan eh. Ilang taon na ba?”
“3 taong gulang po. Sa ngayon po inaalagaan ng kapitbahay namin dahil wala siyang trabaho, pero bukas po ay may pasok na siya.”
“Sige, dalhin mo ang mga gamit na kailangan ng anak mo. Dalhin mo bukas rito. Ako na ang bahalang magsabi sa security guard para payagan kang papasukin. Ang mahalaga ay makakuha ka ng pagsusulit.”
Tumango-tango naman ang mag-aaral at lumabas na ito ng kaniyang silid.
Kinabukasan, bitbit nga ng naturang mag-aaral, na Leslie ang pangalan, ang kaniyang cute na cute na anak.
Matapos ipaliwanag ng propesor ang panuntunan niya sa kaniyang maikling pagsusulit, nilapitan niya si Leslie.
“Hindi ka makakapag-exam kung hawak mo ang anak mo. Akin na siya. Ako na’ng bahala sa kaniya,” wika ng propesor.
Napamaang naman ang lahat sa kaniya. Hindi sila makapaniwala sa sinasabi ng kanilang istriktong propesor, na minsan ay isinusumpa na nila sa kasungitan.
“Sigurado po ba kayo?” tanong ni Leslie sa kanilang guro.
“Oo nga. ‘Di ba ako nga nagsabing dalhin mo siya rito? Ako nang bahala sa kaniya.”
At kinarga na nga ni Prof. Ogeno ang tatlong taong gulang na anak ni Leslie. Nalugod naman ang mga mag-aaral sa kanilang guro. Habang nag-eeksamin ang lahat ay mataman naman niyang kinarga at hinele-hele ang anak ni Leslie.
Nang umingit ito, kinuha niya ang bote ng gatas nito at ipinadede sa sanggol upang hindi ito mag-ingay at makagambala sa kaniyang mga mag-aaral.
“Eyes on your papers. I can still see you from here. Hindi ibig sabihin na may inaalagaan akong cute na baby, hindi ko kayo binabantayan,” aniya sa klase. Nagkatawanan naman ang lahat.
Nakita ng mga mag-aaral ang malambot na bahagi ng kanilang istrikto, suplada, at seryosong propesora.
Matapos ang pagkuha ng eksamin, lubos ang pasasalamat ni Leslie sa kanilang propesora.
“Ma’am, maraming-maraming salamat po talaga sa kabutihan ninyo. Hindi po ako makapaniwala na gagawin ninyo sa akin iyan.”
“Wala iyon. Alam mo, sanay akong mag-alaga sa mga maliliit kong apo. Nami-miss ko na nga sila. Salamat din kasi naranasan ko ulit na kumarga ng sanggol, magpatulog, at magpadighay,” nakangiting pasasalamat ni Prof. Ogeno na namimiss na ang mga apong nasa ibang bansa, kasama ng kaniyang mga anak.
Simula noon ay lalong iginalang ng kaniyang mga mag-aaral si Prof. Ogeno. Nakita nila ang mapagmalasakit nitong puso.
Hindi nakapagtataka na sa binyag ng anak ni Leslie, isa sa mga ninang si Prof. Ogenio.