Ayaw na Ayaw ng Dalagitang Ito ang Unang Araw ng Pasukan sa Paaralan; Ano ang Kaniyang Iniiwasan?

Sa tuwing sasapit ang pasukan sa paaralan, hindi sabik pumasok si Jennie. Hindi dahil sa tamad siyang mag-aral, o kaya naman ay naiinis sa mga kaklase.

Magpapakilala na naman kasi sila isa-isa sa harapan ng klase. Iyan ang ayaw gawin ni Jennie, dahil nahihiya siyang sabihin sa lahat, na ang kaniyang mga magulang ay parehong janitor sa isang ospital.

Kuwento ng kaniyang Tatay, sa ospital na iyon kung saan sila nagtatrabaho, nagkakilala sila ng kaniyang Nanay. Ibig sabihin, matagal na sila sa trabahong iyon, hindi pa lamang siya ipinapanganak.

Napapaisip tuloy si Jennie. Sabi kasi ng karamihan sa kanilang mga guro, hindi kasalanan ang maging mahirap o ipanganak nang mahirap; ang kasalanan ay iyong hindi pagkilos para makaahon sa sitwasyong kaniyang kinalalagyan.

At habang nabubuksan ang isipan ni Jennie sa kaniyang mga natututuhan sa paaralan, naisip niya na hindi dapat habambuhay na mahirap sila.

Minsan, natanong niya ang mga magulang kung ayaw ba nilang umahon sa pagiging janitor, o kung ayaw ba nilang mag-iba ng trabaho.

“Mahal namin ang trabahong ito, ‘nak. Wala naman sigurong masama sa ginagawa namin. marangal namang trabaho ito,” sabi ng kaniyang Tatay.

“Oo nga anak, hindi naman masama ang trabaho namin. Masaya kami sa ginagawa namin. Saka, wala rin naman kaming ibang alam na trabaho kundi ang paglilinis. Hindi rin naman kami nakatapos ng pag-aaral ng Tatay mo, kaya ito na ang nakasanayan naming gawin,” paliwanag naman ng kaniyang Nanay.

Advertisement

Kaya sa tuwing pasukan at tinatawag sila ng mga guro upang magpakilala sa harapan ng klase, hindi mapigilan ni Jennie na hindi magsinungaling. Sinasabi niya na ang kaniyang Tatay ay nagtatrabaho sa isang opisina, at ang Nanay naman niya ay kusinera sa isang restaurant.

Hiyang-hiya talaga siyang malaman ng lahat ang tunay na trabaho ng kaniyang mga magulang. Kaya naman sa tuwing pinatatawag ng gurong tagapayo ang kanilang mga magulang para dumalo sa pagpupulong, sinasabi na lamang niyang dahilan na masyadong abala ang mga magulang sa kani-kanilang trabaho.

Ayaw niyang makita ng kaniyang mga kaklase ang hitsura ng kaniyang Nanay. Hindi kasi ito sanay maglagay ng pulbos o kaya naman ay lipstick. Kayumanggi rin ang balat nito at kitang-kita na ang mga ugat sa mga kamay, halatang puwersado sa mga mabibigat na gawain.

Lalo na ang kaniyang Tatay na kaya lamang nagpapantalon dahil bawal ang naka-salawal sa ospital na pinapasukan nito. Ngunit kahit nasa bahay o umaalis, sanay itong naka-salawal. Nangangati ito kapag nakasuot ng pantalon.

Isang araw, nabalitaan na lamang ni Jennie sa daan habang siya ay papauwi na may nasunog na ospital daw sa kabayanan. Nagulat siya nang malamang ang tinutukoy na ospital ay ang ospital kung saan naglilingkod ang kaniyang mga magulang.

Nagdudumali siyang nagtungo sa naturang ospital upang alamin ang naging sitwasyon doon. Nanlaki ang mga mata niyang makitang naapula na ang apoy, at mga pamilyar na tao ang inilalabas ng mga awtoridad. Nakahiga sa parang stretcher at ipinapasok sa loob ng ambulansya. Ang kaniyang mga magulang!

“Nanay! Tatay! Anong nangyari sa inyo, Nay! Tay!” naiiyak na palahaw ni Jennie nang makita ang kaniyang mga magulang. Pawang duguan at nanlilimahid.

Pinigilan naman siya ng mga awtoridad.

Advertisement

“Ikaw ba ang anak nila, ineng?” tanong ng isang pulis.

Tumango-tango naman si Jennie habang umiiyak. Hindi maalis ang kaniyang paningin sa mga magulang na isinakay na sa ambulansya.

“Bayani ang mga magulang mo. Iniligtas nila ang mga pasyenteng na-trap sa loob ng nasusunog na ospital,” sabi ng pulis na humarang sa kaniya.

Inihatid naman si Jennie sa ospital na pinagdalhan sa kaniyang mga magulang upang masuri at magamot. Nakahinga nang maluwag si Jennie nang sabihin ng mga doktor na nasa maayos na kalagayan na ang mga magulang niya. Tatahiin lamang ang sugat sa ulo ng kaniyang Nanay habang gagamutin naman ang mga paso sa braso ng kaniyang Tatay.

Agad na niyakap ni Jennie ang kaniyang mga magulang nang pinayagan na silang makaalis ng ospital. Sinagot ng pamunuan ng ospital na nasunog ang bayad sa ipinangpagamot sa kaniyang mga magulang.

“Hindi ko po alam kung anong mangyayari sa akin kung napaano na kayo sa naturang aksidente. Patawarin po ninyo ako kung minsan ay ikinahihiya ko kayo, ikinahihiya ko ang trabaho ninyo,” paliwanag ni Jennie.

Kinabukasan ay nabalitaan sa kanilang buong bayan ang nangyari sa nasunog na ospital, at ang ginawang pagliligtas ng kaniyang mga magulang sa mga pasyente, doktor, at nurse na na-trap sa nasusunog na ospital.

Pinarangalan sila ng mayor at binigyan din ng pabuya.

Advertisement

Kaya sa susunod na ipakikilala ulit ni Jennie ang kaniyang mga magulang, buong pagmamalaki niyang sasabihin na sila ay janitor, at naparangalan dahil sa ginawa nilang kabayanihan!