Nahuli ng Babae na May Ginagawang Milagro ang Nobyo Niya at Kapatid; Masaklap Pala ang Dahilan Kung Bakit Iyon Naganap

Sa party na inorganisa ng isa sa mga kaibigan ay nagkita ang dating magkasintahan na sina Julia at Gerald. Mailap ang babae sa lalaki na halos ayaw itong tingnan. Masakit pa rin kasi kay Julia ang nangyari sa kanila, ngunit hindi niya ito naiwasan nang lapitan siya nito at kausapin.

“Kahit kaunting minuto lang, Julia. Pakinggan mo naman ako,” pagsusumamo ng dating nobyo.

“Tigilan mo ako, Gerald. Pinangtitinginan na tayo ng mga tao rito. Kung hindi ka nahihiya, ako ang bigyan mo ng kahihiyan,” matapang niyang sagot.

“Kapiraso lang ng panahon mo ang hinihingi ko, Julia. Kahit hindi na tayo mag-usap pagkatapos nito,” pagpupumilit ng lalaki.

Ngunit sadyang matigas si Julia.

“Kahit gabinlid ng panahon ko’y hindi ko maipagkakaloob sa iyo kaya umalis ka na sa harap ko…umalis ka na! Hindi ko kailangan ang mga paliwanag mo,” nanggigigil niyang sabi bago tuluyang tumalikod at iniwan ang kausap.

“Julia, please…”

Walang nagawa si Gerald nang lisanin siya ng babae. Sinisisi pa rin niya ang sarili kung bakit ni anino niya ay ayaw na nitong makita. Nanlulumo siyang natigilan sa sinabi sa kanya ni Julia na nagpangilid ng luha niya.

Advertisement

Parang mabubuwal sa tindi ng kabiguang tumalikod na rin si Gerald at naglakad palayo sa lugar na iyon. Tulad ni Julia ay hindi na rin niya nagawang magpaalam sa kaibigan nilang nag-imbita sa kanila roon.

“Hanggang kailan, Julia…hanggang kailan ako maghihintay sa pagpapatawad mo?” lugmok na tanong ni Gerald sa isip.

Sa malayo ay lihim na pinagmamasdan ni Julia ang lalaki.

“Kaligayahan ko ang makitang naghihirap ang kalooban mo, Gerald,” wika ng babae.

Pero tama nga ba ang ginawa ni Julia kay Gerald? Bakit sa kanyang pag-iisa ay lumuluha pa rin siya? Bakit kahit ilang buwan na ang nakakalipas mula nang maghiwalay sila ay may kirot pa rin sa puso niya?

“Hindi porket umiiyak ako’y nakakaramdam pa rin ako ng pagmamahal sa iyo, Gerald, dahil poot ang nararamdaman ko ngayon sa iyo. Ito ay mananatiling poot…poot dahil sa kawalanghiyaan mo,” gigil na sambit niya sa sarili.

Patuloy siyang lumuha at muling inalala ang nakaraan. Bumalik sa gunita niya ang araw na sinagot niya si Gerald.

“Yes, sinasagot na kita,” sabi niya sa kasintahan.

Advertisement

Tuwang-tuwa naman ang lalaki nang ibigay niya rito ang matamis niyang oo.

“Thank you, thank you, my labs. Hindi mo pagsisisihan itong araw na sinagot mo ako. Ang tangi kong maipapangako ay ang walang hanggan na pagmamahal ko sa iyo at walang ibang makakapalit sa iyo sa puso ko habang ako’y nabubuhay,” tugon ni Gerald na hindi na napigil ang sarili na yakapin siya’t hagkan sa labi.

“Dapat lang, dahil kapag hindi mo ‘yan tinupad, uuwi kang may pasak na bulak sa ilong,” natatawa niyang sabi saka kinurot sa tagiliran ang lalaki.

Ngunit ang pangakong iyon ay agad na napako. Hindi inasahan ni Julia na mangingialam ang tadhana sa maganda nilang samahan bilang magkasintahan, nang isang hapon ay bigla siyang nagimbal sa katotohanang bumungad sa kanya nang pumasok siya sa kuwarto ng nakababata niyang kapatid na si Thea.

“Huh! Diyos ko, hindi!” gulat niyang sambit nang madatnang nagnini*g ang kanyang nobyo at ang kapatid niya sa kama nito.

Nagulantang din ang dalawa nang makita siya.

“J-Julia, m-magpapaliwanag ako,” wika ni Gerald na napabalikwas nang bangon at nagmamadaling umalis sa ibabaw ng kapatid.

“Mga walang hiya kayo! Sa sarili ko pang pamamahay niyo pa ginagawa ang kababuyan ninyo? Hay*p ka, Gerald pati kapatid ko’y pinatos mo! At ikaw naman, Thea, sa dinami-rami ng lalaki na pwede mong kalantariin ay boyfriend ko pa? Mga p*tangna ninyo!” galit na galit niyang sabi.

Advertisement

Litong hinabol siya noon ni Gerald at nagpaliwanag.

“Pakinggan mo naman ako, Julia…wala akong kasalanan.”

“Umalis ka na, Gerald! Sinungaling ka! Nangako ka pa sa akin na ako lang ang mamahalin mo iyon pala ay dalawa kami ng malandi kong kapatid ang tinutuhog mo!” tugon niya na hindi na napigilang mapa-iyak sa sobrang sama ng loob.

Halos araw-araw at gabi-gabi siyang lumuluha noon dahil sa natuklasan niya sa dalawa.

“Bakit ang kapatid ko pa? Bakit siya pa, Gerald? Bakit?” paulit-ulit niyang tanong.

At doon nagsimulang kamuhian niya ang lalaki at ang kanyang kapatid.

“Hinding hindi ko kayo mapapatawad lalung-lalo ka na Gerald. Habang buhay kitang kamumuhian,” sambit niya sa sarili.

Dahil sa nangyari ay nawala ang lahat ng pagtitiwala niya kay Thea. Napalitan iyon ng poot at galit.

Advertisement

“Bakit ayaw mo akong bigyan ng pagkakataong magpaliwanag, Ate Julia?” nagsusumamo nitong tanong.

“Pwede ba tigilan mo ako! Matulog ka na…hindi ko kailangan ang paliwanag mo, traydor!” sagot niya.

Hanggang sa magpasiya na siyang lumayo. Balak niya na umalis na sa bahay na ipinundar niya at iwan na doon ang malantod niyang kapatid.

“Kailangan kong lumayo. Aalis na ako rito, kailangan kong makalimot,” aniya.

Nailagay na niyang lahat ng gamit sa maleta. Handa na niyang takasan ang malungkot niyang nakaraan. Paalis na siya nang may marinig na malakas na kalabog sa loob ng kuwarto ng kapatid niya.

“Huh? Sa kuwarto ni Thea nanggaling ang kalabog na iyon.”

Hindi na niya sana papansinin ito at wala na siyang pakialam kung ano man ang mangyari rito ngunit hindi niya natiis na hindi ito puntahan. Tinalo siya ng kanyang damdamin at nang pumasok siya sa kuwarto nito ay laking gulat niya sa nasaksihan.

“T-Thea? Anong nangyayari sa iyo?” nag-aalala niyang tanong nang madatnang pawis na pawis ito na nakahandusay sa sahig at tila nahihirapan.

Advertisement

“Ate, ate…”

“A-ano ba talagang nangyayari ha, Thea? Bakit nangangatal ka?”

“T-tulungan mo ako ate…k-kailangan ko ng gamot k-kahit isang turok lang,” sagot nito sa kanya.

At doon niya natuklasan ang lihim ng kanyang kapatid. Nagimbal siya nang malaman niyang sugapa pala sa bawal na gamot si Thea.

“Diyos ko, kailan pa ito, Thea? Bakit mo ‘yan ginagawa? Bakit ka nagkaganyan?” sunud-sunod niyang tanong.

Pero hindi siya nito pinansin at patuloy na nagmamakaawa sa kanya.

“M-maawa ka naman sa akin, ate…h-hirap na hirap na ako,” anito na hay*k na hay*k nang makagamit ng gamot.

Ginawa niya kung ano ang tama para sa kapatid . Isinuko niya sa mga awtoridad si Thea para dalhin ito sa rehab.

Advertisement

“Huwag! Bitiwan ninyo ako! Mga Dem*nyo kayo!” hiyaw nito habang sapilitang isinasama ng mga pulis.

“Parang baliw na ang kapatid ko. Kahahabagan ba kita, Thea gayong napakalaki ng pagkakasala mo sa akin?” tanong ni Julia sa isip habang pinagmamasdan ang kapatid na ipinapasok na sa sasakyan.

Pero kahit gaano pa kalaki ang kasalanan nito sa kanya ay hindi pa rin niya ito natiis dahil nag-iisa niya itong kapatid at dalawa na lamang sila na magkasama mula nang pumanaw ang kanilang mga magulang. Tinulungan niya ito para gumaling at para bumalik sa matino nitong pag-iisip. ‘Di nagtagal, dahil sa kagustuhan din na maging maayos ang buhay ay pinilit ni Thea na gumaling hanggang sa tuluyan na nitong nakalimutan ang bisyo. Isang araw, nang dalawin niya ito sa pagamutan ay mas nagimbal siya sa ipinagtapat nito sa kanya.

“Wala talagang kasalanan si Kuya Gerald. Bangag ako noon at nasa kapangyarihan ako ng bawal na gamot nang akitin ko siya noong pumunta siya sa bahay at wala ka. Hindi naman lingid sa iyo na matagal ko na rin siyang iniibig pero ikaw ang pinili niya. Ayaw niyang gawin ang gusto ko kaya tinakot ko siyang magpapakamat*y ako kapag…kapag…” pagtatapat ni Thea na hindi naituloy ang sasabihin dahil pinigilan na niya ito sa pagsasalita.

“Ssshh, tama na, tama na.”

Niyakap niya ang kapatid habang umiiyak ito’t paulit-ulit na humihingi ng tawad sa kanya.

“Patawarin mo ako, ate. Walang kasalanan si Kuya Gerald. Natakot lang siya sa banta kong pagpapakamat*y. Wala kaming relasyon, ikaw talaga ang mahal niya. Patawad din kung perhuwisyo ang idinulot ko sa iyo sa paggamit ko ng bawal na gamot. Ang akala ko kasi ay makakatulong iyon upang hindi ko maramdaman ang pagod at stress sa pag-aaral. Pinagisisihan ko na ang paggamit niyon,” hagulgol nito.

Maliwanag na kay Julia ang lahat kaya nauunawaan na niya ang kapatid, pero magagawa pa ba niyang patawarin si Gerald?

Advertisement

Ilang beses niyang pinag-isipan ang gagawin hanggang sa nakapagdesisyon na siya. Pinatawad niya ang kapatid na si Thea at ang dating kasintahan na si Gerald. Wala na rin naman siyang magagawa, nangyari na ang nangyari, pero hindi na rin siya nakipagbalikan pa kay Gerald. Kahit pa ang may kasalanan ay ang kapatid niya dahil sa pananakot nito ay hindi pa rin dahilan upang patulan ito ng lalaki. Kahit saang anggulo tingnan ay karupukan pa rin ang nanaig kay Gerald kaya mula sa araw na iyon ay handa na talaga niya itong kalimutan at magsisimula ulit silang magkapatid na buuin ang kanilang nasirang relasyon at mga pangarap.

Samantala, tanggap na rin ni Gerald ang naging pasiya niya at tuluyan nang lumayo para sa ikatatahimik nilang tatlo. Ang mahalaga ay pagpapatawad pa rin ang nanaig sa huli at ang paghihirap sa kalooban niya ay napalitan na ng kapanatagan.

Balang araw ay makakatagpo rin sila pare-pareho ng panibagong pag-ibig na tuluyang magpapahilom sa kanilang mga sugat.