
Imbes na Matuwa Dahil Mapapalitan na ng Bago ang Lumang Selpon ay Umiyak ang Lalaki at Nainis sa mga Kasama Nito; Ano Nga Bang Mayroon sa Lumang Selpon na Iyon?
Kulang na lang ay mawalan ng ulirat si Oliver ng makitang nagkalat sa sahig ang parts ng kaniyang lumang selpon. Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang unahing isipin.
Pupulutin ba niya ang nabasag na selpon o kanino niya kaya ito ipapa-ayos. Mapapakinabangan pa ba ang selpon niyang ito? Wala sa loob na agad nang nag-unahan sa pag-agos ang kaniyang luha.
“A-ang selpon ko,” nauutal niyang sambit.
Nanginginig ang kaniyang mga kamay habang dahan-dahang lumuhod upang isa-isang pulutin ang kaniyang selpon.
“Oliver, luma na rin naman iyang selpon mo at kailangan ng palitan. Hayaan mo’t ako na ang papalit niyan. Dapat pasalamatan mo ako sa’king ginawa,” taas noong wika ni Daniel.
Mayaman si Daniel, kumpara sa kaniyang kumakayod upang mabuhay lamang sa mundo. Ugali na talaga ng lalaking magbigay ng kung ano-anong gamit sa mga kasamahan nila sa trabaho. Barya lamang rito ang perang ginagastos sa mga binibigyan nito.
Kaso bago nito ibigay ang nais nitong ibigay ay sinisira na muna nito ang ginagamit mo at siyang kaniyang papalitan. Kaya imbes na magalit ang iba’y mas pinapasalamatan pa ang lalaki.
Malayo sa nararamdaman niya ngayon. Nagagalit siya at naiinis sa kakaibang trip ng lalaki. Kaysa suntukin ito at pat@yin sa bugbog ay humagulhol na lamang siya ng iyak.
“Ano ba ‘yan, Oliver?! Bakit ka umiiyak? Dapat nga magpasalamat ka kasi mapapalitan na ang bulok mong selpon ng latest na model ngayon. Ang drama ah!” pairap na komento ni Xyra.
“Ayaw mo bang bitawan ang bulok na selpong iyan, Oliver?” nagtatakang tanong ni Daniel.
“Hindi ko kailangan ang kahit na anong bagong selpon,” tumatangis na wika ni Oliver, habang pilit ibinabalik sa dati ang nabasag ng selpon. “Ito na lang ang mayroon ako. Ito na lang ang hawak kong bagay na nagpapaalala sa mama at papa ko.”
Agad namang nanigas ang lahat sa kaniya-kaniyang kinaatayuan dahil sa sinabi ni Oliver.
“Lahat ng alaala namin ng mama at papa ko’y naka-save sa selpon na ito. Kaya kahit bulok at nagloloko na ang selpon na ito’y hindi ko pa rin kayang palitan.
Lahat ng masasayang ala-ala naming pamilya bago pa man na aksidente ang mga magulang ko’y narito. Kaya sobrang pinapahalagaan ko ang bagay na nagpapaalala sa’kin sa kanila. Tapos binasag mo lang!” humahagulhol na wika ni Oliver.
Maigpit na niyakap ang basag na basag ng selpon. “Hindi niyo ako kayang intindihin dahil wala kayo sa posisyon ko. Sana tinanong niyo muna ako kung gusto ko bang magkaroon ng bago at kung bakit hanggang ngayon ay hindi ko pa rin ito pinapalitan. Paano ko ito ipapaayos.” Mas lalong tumindi ang pag-iyak ni Oliver sa naisip.
“I’m sorry, Oliver. Hindi ko alam ang sentimental value na meron ang selpon na iyan,” malungkot na wika ni Daniel. “Ang akala ko’y wala ka lang talagang pambiling bagong selpon, kaya pinagtitiyagaan mo ang selpon mong iyan. Patawarin mo ako, Oliver.”
“Kung pambili lang ng bagong selpon ay meron ako, Daniekl. Nagtatrabaho ako’t sumasahod. Hindi man ako kasing yaman mo ay kaya kong bilhin ang luhong gusto ko.
Pero hindi ko kayang bilhin ang ala-alang nasa loob ng selpon na ito,” malungkot na wika ni Oliver. “Kung kaya ko lang, matagal ko na sanang pinalitan ang selpon ko.”
“I’m sorry, Oliver,” wika ni Daniel.
“Hindi masamang magbigay, Daniel. Pero sana naman huwag kang basta-basta manira ng gamit. Lalo na’t hindi mo alam kung gaano kahalaga iyon sa kanila.
Kasi kahit kailan ay walang katumbas na presyo ang masasayang ala-alang nasira mo. Salamat na lang sa bagong selpon na ibibigay mo,” ani Oliver saka umalis sa harapan ni Daniel at sa iba pa nilang kasama sa trabaho.
Dahil sa konsensya ni Daniel sa nagawa ay siya na mismo ang nag-offer kay Oliver na ipaayos ang nasirang selpon. Na ibalik ang mga naka-save na video, audio at mga images ngunit hindi na naayos pang muli ang selpon na nabasag nito.
“Pasensiya ka na, Oliver ah. Nasanay ako sa gawain kong naninira ng gamit ng iba, saka papalitan ko na lang ng bago. Hindi ko naisip na darating ang araw na may iiyak sa harapan ko dahil may mahalaga silang iniingatan. Tama kang dapat baguhin ko na ang nakasanayan kong iyon. Pasensiya ka na talaga at salamat kasi napatawad mo ako,” wika ni Daniel.
“Salamat rin, Daniel sa bagong selpon at salamat rin kasi naibalik ko ang mga kailangan ko sa selpon na iyon. Wala naman akong ibang gusto kung ‘di ang mga files lang sa loob ng selpon kong nasira. Ngayong narito na ulit sila sa bagong selpon ay okay na ako. Pero sana na huwag mo nang uulitin ang kalokohan mong iyon,” natatawang wika na lamang ni Oliver.
“Pangako, pare. Hinding-hindi na,” ani Daniel.
Hindi naman talaga ang materyal na bagay ang mahalaga. Walang halaga ang makakapalit sa mga alaalang parang panaginip na lamang kung iyong iisipin.