Takang Taka ang mga Empleyado sa Araw-araw na Pagpunta ng Bata sa Tindahan ng Cellphone; Bumilib Sila nang Malaman Kung Ano ang Ginagawa Nito

Pagod na pagod ang guwardiyang si Jojo sa maghapong pagtayo. Marami rami rin kasi ang bumisita sa tindahan ng cellphone kung saan siya nagtatrabaho.

Ngunit kahit pagod, natutuwa naman siya dahil unti-unti nang nakakabangon ang tindahan na halos bumagsak na nang magkaroon ng pandemya. 

“Kuya Jojo, merienda muna tayo!” narinig niyang tawag ni Merlie, isa sa mga sales lady sa loob.

“Naku, ayokong iwanan ang pwesto ko, baka malintikan ako kapag naabutan ni Ma’am,” umiiling na tanggi niya.

“Naku, Kuya Jojo, tara na rito, wala naman nang kustomer!” pagpipilit ni Neri, isa rin sa mga sales lady.

Nag-isip siya saglit bago nagpatianod sa pang-iimbita ng mga katrabaho.

Agad siyang inabutan ni Merlie ng isang stick ng barbecue, habang nagsalin naman ng softdrinks si Neri sa isang plastik na baso.Maya maya pa ay masaya na silang nagtatawanan habang pinagsasaluhan ang payak na merienda.

Natigil ang kanilang kwentuhan nang pumasok ang isang bata. Pamilyar ito sa kaniya dahil halos araw araw itong bumisita sa tindahan nila.

Advertisement

Papasok ito, saglit na magkakalikot ng mga tindang cellphone, may isusulat na kung ano sa dala nitong notebook, at saka aalis. Iyon ang kadalasang ginagawa ng bata.

Kadalasan ay sumasabay ito sa dami ng tao kaya naman hindi siya nagkakaroon ng tiyansa na usisain ito.

“Nandito na naman ‘yung bata,” narinig niyang bulong ni Merlie kaya napalingon siya sa dalaga.

“Napansin niyo rin pala? Ano kayang ginagawa niya?” nagtatakang anas niya sa mga kasama.

Kagaya ng dati ay lumapit ang bata sa mga cellphone. Tutok na tutok ang mata nito sa kung ano ginagawa sa cellphone.

Nagpasyang tumayo si Merlie upang i-estima ito na parang isang kustomer.

“‘Toy, gusto mo bang bumili ng cellphone?” nakangiting usisa nito sa bata.

Gulat na napaangat ang tingin nito.

Advertisement

“H-hala, hindi po! W-wala naman po akong pambili!” utal-utal na wika ng bata. Sa mata nito ay may takot na nakarehistro na para bang nahuli nila itong gumagawa ng kabulastugan.

“Pinaglalaruan mo ba ang mga cellphone? Hindi kasi pwede ‘yun, dahil baka masira ang mga cellphone,” magaang paliwanag naman ni Neri na sumali na rin sa usapan.

“Wala ka naman planong kunin ang mga cellphone, kung hindi ka bibili, hindi ba?” pabirong sabat naman ni Jojo.

Mas lalong nanlaki ang mata ng bata nang sumali siya sa usapan ng mga ito. Marahil ay nakita nito ang baril na nakasukbit sa kaniyang baywang.

Hindi nila inaasahan ang sunod na sinabi ng bata.

“Naku, naku, hindi po ako masamang tao!” itinaas nito ang hawak na notebook at papel. 

“Ako po si Toto. Nakatira po ako riyan sa kabilang kanto. Gumagawa lang po ako ng assignment!”

Napanganga ang tatlong empleyado.

Advertisement

Si Jojo ang unang nakabawi. “Assignment? Bakit hindi mo gawin ‘yan sa bahay? Bakit nandito ka?”

Bumatay ang lungkot sa mukha ng musmos. “Wala po kasi akong pambili ng cellphone. Kahit nga po pambili ng internet, wala.”

May awa na nadama si Jojo para sa bata. Sa murang edad kasi ay namulat na ito sa kasalatan sa buhay.

“Bakit ‘di ka na lang magpabili sa magulang mo?” kuryosong tanong ni Merlie.

“Si Lola na lang po ang nag-aalaga sa akin. Ayoko naman pong magpabili kay Lola, kasi, hahataw na naman sa trabaho ‘yun. Ayokong magkasakit siya dahil wala naman kaming pambili ng gamot,” sagot ng bata.

Awang-awa ang tatlo sa bata. Kahit bata pa ito ay alam na alam na nito ang problema na kinakaharap.

“Kaya nga po gustong gusto kong makapagtapos, eh. Pangarap ko po ‘yun. Kasi sabi ni Lola, makakaahon daw kami sa hirap kapag nagtagumpay ako,” dagdag pa nito.

“Anong grade ka na ba, Toto?” muli ay usisa ni Merlie.

Advertisement

“Grade 1 na po. Matagal pa nga po, eh!” napapakamot ng ulong tugon nito.

“Kaya mo ‘yan! Ang sipag sipag mo, eh! Sigurado ako na magtatagumpay ka, Toto!” nakangiting wika naman ni Jojo.

“Siya, siya. Dito ka na lagi gumawa ng assignment mo, ha? ‘Wag kang mahihiya sa amin, ha?” sa huli ay desisyon ni Neri.

Nagliwanag ang mga mata ng paslit. “Talaga po? Maraming salamat po! Lagi nga po akong kinakabahan kasi parang masungit kayo. Mabuti na lang po mababait po pala kayo rito,” humahagikhik  na pag-amin ng bata, na tila komportable na agad sa presensya nila.

“Naku, inuto mo pa kami!”

Nagkatawanan sila.

Mabilis na lumipas ang mga araw at halos araw-araw ngang bumibisita ang batang si Toto sa tindahan. Aliw na aliw naman si Jojo at ang dalawang babae dahil sadyang makulit at bibo ang bata.

Lubhang napalapit ang loob nila sa bata at bilib na bilib sila sa dedikasyon nito kaya naman isang sorpresa ang naisip nilang ibigay dito sa araw ng pagtatapos nito sa grade 1.

Advertisement

“Hala! Ano po ito, Kuya Jojo? Bakit may regalo ako, hindi naman Pasko?” namimilog ang matang utas ng bata nang iabot niya rito ang regalo.

“Galing ‘yan sa amin nila Ate Merlie at Ate Neri mo. Premyo mo ‘yan dahil isa kang mabait at masipag na bata,” nakangiting sagot niya sa bata.

“Dali, buksan mo na!” sabik na udyok ng dalawang babae.

Nang buksan nito ang regalo ay tuwang tuwa itong nagtatalon.

“May cellphone na ako! May cellphone na ako!” Sa mukha nito ay nakalarawan ang labis na ligaya.

“Maraming salamat po sa inyo, mga ate at kuya! Ang bait bait niyo po talaga sa akin!” ngiting ngiting bulalas ng bata.

“Para mas matutukan mo ang pag-aaral. Minsan kasi, ang daming tao masyado. Ngayon, pwede ka nang sa bahay lang, para mas makapag-aral ka nang mabuti,” paliwanag ni Neri. 

“Bibigyan ka namin ng load, kaya hindi mo na kailangang pumunta dito. Para rin hindi na nag-aalala ang Lola mo sa pag-alis alis mo ng bahay. Ok ba ‘yun?” tanong niya sa bata.

Advertisement

Sunod sunod na tumango ang bata. Kitang kita sa mukha nito labis na pasasalamat.

“Pero bibisitahin mo pa rin kami dito, ha? Mamimiss ka namin,” malungkot na pahayag ni Merlie.

Sa kanilang tatlo kasi, si Merlie ang pinaka-napalapit sa bata. Madalas pa nga nito turuan si Toto kapag mayroon itong hindi naiintindihan sa mga pinapagawa ng guro.

“Oo naman po! May merienda po kaya dito lagi! Mamimiss ko po ‘yun!” biro ng bata.

Malakas silang nagkatawanan.

Tuwang tuwang minasdan ni Jojo ang batang si Toto na puno ng pangarap. Sigurado siya na kapag nagtagumpay ito ay magiging inspirasyon ito sa milyong milyong taong salat, ngunit pilit na ginagawa ang lahat makamit lang ang minimithi.