Inis na Inis ang Lalaki sa Ina na Maya’t mayang Nagtetext; Sa Huli ay Nagsisi Siya sa Pang-iignora Dito

“Anak, i-save mo ang numero ko, ha. Naku, mabuti ito at nakabili na ako ng cellphone, kahit paano ay mapapanatag na ako dahil makakausap kita kahit wala ka rito sa bahay,” natutuwang wika ni Aling Lita sa anak niyang si Brix.

Agad naman siyang tumalima sa hiling na ina.

“‘Ma, ‘wag mong abusuhin ang paggamit ng cellphone, ha? Tumawag ka lang kapag may emergency. Kapag hindi, text lang,” paalala niya sa ina.

“Oo, ‘nak,” pag-sang ayon nito, bago kinalikot ang bagong cellphone.

Masyado itong mahigpit sa kaniya dahil muntik na siyang masawi mula sa aksidente noong bata pa siya. Simula noon, grabe na kung mag-alala ang ina sa kaniya. Pakiramdam nito ay lagi siyang mapapahamak.

Kaya naman kahit nasa kolehiyo na siya, tila grade 1 pa rin siya kung ituring nito.

Lihim na napangiti si Brix. Alam niya kasi na ngayong may cellphone na ang ina, kahit paano ay mababawasan na ang paghihigpit nito, at magkakaroon na siya ng kalayaan.

Subalit taliwas sa iniisip niya ang nangyari. Paano ba nama’y halos oras oras siya kung makatanggap ng mensahe mula sa ina.

Advertisement

“Kumain ka ba, anak?”

“Anong ulam mo?”

“Pauwi ka na ba?”

“Bakit hindi ka sumasagot?”

Inis na inignora niya ang mga mensahe ng ina.

Ngunit mukhang lalo lamang itong nag-alala dahil sunod sunod na mensahe ang natanggap niya mula dito.

“Anak, ayos ka lang ba?”

“May nangyari ba sa’yo?”

Advertisement

Alam niya ang ugali ng ina. Hindi ito titigil hangga’t hindi ito nakakatanggap ng sagot sa kaniya kaya naman kahit iritable ay nagtipa siya ng mensahe para dito.

“’Ma, ayos lang ako. ‘Wag po kayong text nang text dahil nakakaabala sa klase,” sagot niya.

“Ok, anak. Mag-iingat ka. I love you.” Iyon ang nabasa niyang sagot ng kaniyang ina.

Napapitlag siya nang marinig na may nagsalita sa kaniyang likuran.

“Naks! I love you raw sabi ni Mama!” pambubuska ng kaibigan niyang si Robin.

Natawa naman ang mga kaklase nilang nakarinig ng sinabi nito.

Nabansagan tuloy siyang “mama’s boy”, bagay na mas lalo niyang ikinainis. 

“Mama, ‘wag naman po masyado ang pagtetext niyo sa akin kapag nasa school ako,” isang araw ay naiinis na kompronta niya sa ina.

Advertisement

Natawa naman ito.

“Ganun ba? Sorry, anak. Alam mo naman na nag-aalala ako sa’yo, hindi ba? Kung pwede nga lang na dito ka lang sa bahay,” katwiran ng ina. 

“Alam ko naman po ‘yun, Mama. At salamat po sa pag-aalala niyo. Pero malaki na po ako. Hindi na po ako bata, at kaya ko na ang sarili ko,” nauubos ang pasensiyang paliwanag niya sa ina.

May lungkot na bumalatay sa mukha ng ina ngunit inignora niya iyon. 

“Oo, anak, naiintindihan ko. Pangako, hindi na kita kukulitin,” wika nito bago matamlay na ipinagpatuloy ang pagkain.

Tinupad naman ng ina ang pangako nito. Nagpapadala lamang ito ng mensahe upang ipaalala sa kaniya na kumain sa tamang oras, bagay na ikinatuwa niya.

Isang hapon matapos ang klase ay nagkayayaan silang magkaklase na uminom ng alak. Selebrasyon daw nila para sa pagtatapos ng isang semestre.

“Brix, sama ka ha?” agad na baling sa kaniya ng mga kaibigan.

Advertisement

Agad siyang umiling. “Hindi, mga ‘tol. Mag-aalala si Mama ‘pag gabi na ako nakauwi.”

Natawa ang mga ito. “Para saan pa ang cellphone? Mag-text ka sa Mama mo. Sabihin mo na medyo late ka makakauwi dahil lalabas ang buong klase. Maiintindihan niya naman ‘yun,” udyok ng isa sa mga kaibigan.

Sa pamimilit ng mga ito ay wala siyang nagawa kundi ang magpatianod.

Sa kaniyang pagkagulat ay pumayag ang kaniyang ina nang magpaalam siya.

“Ok, mag-ingat ka, at ’wag ka masyadong magpagabi.” Iyon lang ang sagot ng ina. 

Hindi maiwasang matuwa ni Brix. Mukhang unti-unti ay ibinibigay na ng ina ang kaniyang kalayaan.

Masaya silang nag-iinuman nang marinig niya ang pagtunog ng cellphone. Nang mapatingin siya sa oras ay nagulat siya na pasado alas diyes na pala. Hindi niya namalayan ang bilis ng oras.

Nakita niya ang tatlong mensahe mula sa ina.

Advertisement

“Anak, umuwi ka na. Hindi maganda ang pakiramdam ko, parang may mangyayaring hindi maganda.”

“Nasaan ka na?”

“Alas diyes na!”

Nag-eenjoy man at ayaw pang umuwi ay nagpaalam siya sa mga kasama.

“Pare, walang nauwi ng alas diyes mula sa inuman! Mamaya ka na umuwi!” muli ay udyok ng mga ito.

Muli niyang narinig ang pagtunog ng kaniyang cellphone. May bagong mensahe mula sa ina.

“Brix, umuwi ka na ngayon din!”

“Bakit hindi ka sumasagot?”

Advertisement

Naiinis siya sa ina. Akala niya ay nagbago na ito. Ngunit tila bata pa rin kung ituring siya nito!

Inignora niya ang mga mensahe ng ina at ipinagpatuloy ang pakikipagkwentuhan sa mga kaklase.

Mag-aalas dose na nang muling tumunog ang kaniyang cellphone. Mas lalo siyang nairita nang makita na tumatawag ang kaniyang ina.

Imbes na sagutin nang tawag nito ay walang pagdadalawang-isip niya na in-off ang kaniyang cellphone.

Halos ala-una na nang mapagdesiyunan nilang maghiwa-hiwalay. Alam niyang magagalit ang kaniyang ina sa pag-uwi niya ngunit alam niya na kailangan niyang manindigan dito.

Subalit nawala ang kalasingan niya nang imbes na ang galit na ina ang sumalubong sa kaniya ay mga pulis ang naabutan niya sa bahay.

Nakita pa niya ang pag-alis ng isang ambulansiya kaya naman dumoble ang kaba niya. Pilit niyang itinago ang panginginig ng kaniyang kamay.

“Ano hong nangyari? Dito ho ako nakatira,” kinakabahang usisa niya sa pulis.

Advertisement

“Nilooban ang bahay niyo. Halos nalimas lahat ng mga alahas at pera,” maagap na pagbabalita ng pulis.

“A-ang Mama ko po? Nasaan ang M-mama ko?” utal utal na tanong niya.

“Wala na ang Mama mo. Marahil ay nahuli niya sa akto ang magnanakaw kaya siya sinaktan. Masyadong marami ang dugo na nawala sa nanay mo, hindi na siya umabot pa sa ospital nang buhay.”

Nanlambot ang tuhod ni Brix sa narinig. Hinihiling niya sa mga sandaling iyon na masamang panaginip lang ang lahat.

“Hindi nga namin alam bakit hindi nakahingi ng tulong ang nanay mo. Hawak hawak niya naman ang cellphone niya nang malagutan siya ng hininga,” dagdag pa ng pulis.

“Mga anong oras po nangyari ito?” nanginginig na muling tanong niya sa pulis.

“Mga bandang alas dose hanggang alas dose y media.”

Noon na tuluyang sumambulat ang luha ni Brix. Naalala niya ang pagtawag sa kaniya ng ina na hindi niya binigyang atensyon.

Advertisement

Tila tuksong sumagi pa sa isip niya ang paalala niya noon sa ina.

“Tumawag ka lang kapag may emergency.”

Labis labis ang pagluluksa ni Brix. Sinisisi niya ang sarili sa pagkawala ng ina. Marahil ay kung sinagot niya ang tawag nito ay nailigtas niya pa ito sa kapahamakan.

Nang mailibing ang kaniyang ina ay doon lang tuluyang napagtanto ni Brix na nag-iisa na siya. Wala na ang ina na oras oras ipinapaalala sa kaniya na huwag siyang magpagutom at parati siyang mag-iingat.

Umiiyak na binalikan niya ang mga mensahe ng ina. Lalo siyang napaiyak nang makita niyang ni hindi niya nga nabuksan at nabasa ang iilan sa mga mensahe nito dahil madalas niya hindi pansinin ang mga iyon.

Tila piniga ang kaniyang puso. Napakalaki ng naging pagkukulang niya sa ina. Hindi man lang siya nagkaroong ng tiyansang bumawi rito.

Hanggang sa isang mensahe ang umagaw sa atensyon niya. Iyon ang kahuli-hulihang mensahe ng kaniyang ina. 

“Brix, anak. ‘Wag na ‘wag mong sisisihin ang sarili mo. Mahal na mahal kita, at lagi kitang gagabayan.”

Advertisement

Napahagulhol na lang si Brix. Hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng kaniyang ina ay siya pa rin ang iniisip nito.

Subalit lumuha man siya ng dugo ay hindi niya na kailanman maibabalik ang buhay ng ina. Tunay nga na nasa huli ang pagsisisi.