Mangiyakngiyak na Niyakap at Pinasalamatan ng Isang Guro ang Kaniyang mga Estudyante; Ito Pala ang Dahilan

“Surprise!” sabay-sabay na sigaw ng Grade-8 Narra, sa kapapasok lamang nilang guro na si Ma’am Marites Cruz.

Agad namang kumalat sa paligid ang confetti na sabay-sabay isinabog ng estudyante. Lahat ng nasa loob ay masayang nakangiti. Ang dalawa naman niyang estudyante na si Lara at Roy ay lumapit sa kaniyang gawi na may dalang bilog na cake na sa ibabaw ay isang kandila.

“Happy Birthday Ma’am Marites,” sabay-sabay na bati ng mga ito.

Walang mahagilap na sasabihin si Marites sa pagsisikap ng kaniyang mga estudyanteng surpresahin siya.

“Salamat,” mangiyak-ngiyak na tugon ni Marites. “Kayo ah, mga pasaway kayo. Muntik na akong magtampo kanina kasi parang wala man lang kayong pakialam sa kaarawan ko. Ni isa man lang sa inyo walang bumati sa’kin.”

Agad namang nagtawanan ang mga estudyante sa kaniyang sinabi.

“Pasensiya na po kayo ma’am. Siyempre kasama iyon sa palabas namin. Para mas epektibo ang gagawin naming sorpresa sa inyo,” ani Roy na agad namang sinang-ayunan ng lahat.

“Ma’am may munting handog nga po pala kaming inihanda para sa inyo,” panimula ng class president na si Wilma. “Bilang pasasalamat sa pagtitiyaga niyo sa kakulitan namin. Bilang pag-iintindi sa’min at lahat-lahat. Nagpapasalamat kami, Ma’am Marites na ikaw ang naging guro namin,” ani Wilma.

Advertisement

“Salamat ma’am sa pagsisikap upang maturuan kami nang maigi. Salamat kasi kahit nakakaasar na kami ay hindi mo kami sinukuan. Alam namin na minsan ay napapagod kayo. Pero hindi nangyaring humarap kayo sa’min na nakasimangot.

Palagi niyong sinisikap na isuot ang ngiti d’yan sa labi niyo, kahit ang totoo’y pagod na pagod na kayo sa kakagawa ng mga dapat niyong gawin.” Segunda ni Lara.

“Hindi mo pinaramdam sa’min ma’am, na nakakapagod na kaming turuan at intindihin. Sa lahat ng bagay ay nand’yan kayo upang suportahan kami. Sa bawat school activities ay nand’yan ka upang mag-tiwala sa’min.

Mas proud pa nga kayo sa kakayahan namin kaysa sa’ming mga sarili. Salamat Ma’am Marites, kasi palagi kang nand’yan,” nakangiting pasasalamat naman ni Ivan ang class treasurer.

“Maraming-maraming salamat, Ma’am Marites. Mahal na mahal ka naming lahat. Happy birthday at sana maging masaya ka sa iyong kaarawan,” sabay-sabay na wika ng lahat.

Hindi napigilan ni Marites ang hindi maiyak sa madamdaming mensahe ng kaniyang mga estudyante.

“Ang sabi mumunting handog lang. Bakit tila napakalaki naman ng mga ibig sabihin ng mga sinabi ninyo,” aniya sabay punas ng luha sa mga mata. “Ayokong umiyak kasi kaarawan ko ngayon e.”

Agad namang nagtawanan ang lahat sa kaniyang sinabi. “Okay lang ‘yan ma’am. Tears of joy naman iyang mga luha na iyan,” nakatawang wika ni Roy.

Advertisement

Tumango-tangong pinunasan ni Marites ang kaniyang mga luha. “Thank you. Wala akong masabi basta salamat sa inyong lahat. Sa effort ninyong i-sorpresa ako, sa simpleng pahanda ninyo at lalong-lalo na ang very touching message na ipinarinig niyo sa’kin.

Overwhelming at nakakatameme ang lahat ng ito,” aniya saka marahang tumikhim upang alisin ang bara sa lalamunan. “Mahal ko rin kayong lahat na parang mga anak ko na, kahit wala pa naman akong asawa’t mga anak ay pakiramdam ko, napakarami ko ng anak dahil sa inyo.

Hindi ako perpektong guro at hindi rin araw-araw ay masigla’t masaya ang nangyayari sa buhay ko. Madalas ay napapagod ako dahil sa mga nakaka-puyat na gawain bilang isang guro. Pero sinisikap ko ang lahat ng makakaya ko upang gampanan ang pagiging guro ninyo.

Pasensya na kung minsan ay nasisinghalan at napapagalitan ko kayo, gaya nga ng sinabi ko kanina’y hindi ako perpekto. Pero mahal na mahal ko kayo alam niyo ‘yan. Nandito lang ako palagi upang suportahan kayo. Salamat at happy birthday to me,” mahabang wika ni Marites.

Matapos niyang yakapin ang lahat ng kaniyang estudyante ay agad na nilang pinagsaluhan ang mga inihanda nitong pagkain para sa kaniyang kaarawan.

Halos lahat naman ng trabaho ay mahirap. Maging nurse o doktor ay hindi madaling trabaho. Ang bawat propisyon ay may kaniya-kaniyang obligasyong dapat tuparin.

Ang guro naman ay sila ang magiging pangalawang magulang ng kaniyang mga estudyante at siya ring gagabay sa mga ito sa tamang landas patungo sa mabuting edukasyon.

May mga panahon ring hindi maganda ang gising nila. Tao lang rin sila at napapagod. Gaya ng mga magulang ay napapagalitan rin nila ang kanilang mga estudyante at napapangaralan minsan.

Advertisement

Kaya huwag agad natin silang husgahan at tignan sa masamang paraan. Hindi natin alam kung ano ang mga isinasakripisyo nila para matuto lamang tayo.