Madalas Mapagalitan ang Bata Dahil sa Hilig Nito sa Pagbabasa ng Libro, Hindi Nila Alam na Ito Pala ang Mag-aahon sa Kanila sa Kahirapan
“Kirby! Ano ba naman itong mga libro mo?!” sigaw na naman ng ina isang umaga nang madatnan niyang nakakalat ang sangkatutak na aklat sa kanilang bahay.
“Ah, eh… Binasa ko lang po, mama. Hindi po kasi ako makatulog,” paliwanag ni Kirby, ang pitong taong gulang na anak ni Alice.
“Ginastos mo na naman ang kakaunti nating pera sa pambili ng mga ito, ano?!” tanong ng ina.
“Pasensiya na po, sampung piso lang naman po ang isa niyan sa junk shop,” sagot ng bata.
“Sumasagot ka pa! Sampung piso lang?! Sige nga, saan ka kukuha ng sampu?” aniya.
Sanay na sanay na halos si Kirby sa araw-araw na pagbubulyaw ng kanyang ina. Namana niya kasi ang hilig sa pagbabasa mula sa kanyang yumaong ama. Noong nabubuhay pa ang ama niyang si Manuelito, sagana ang bahay nila sa lahat ng bagay. Lalong-lalo na ang mga paborito niyang libro. Ngunit nang sumakabilang buhay na ito, nagsimula na ring maghikahos sila sa buhay ng kanyang ina kasama ang dalawa pa niyang nakatatandang kapatid.
Tindera ng gulay sa umaga, at labandera naman sa gabi ang masipag na inang si Alice. Ngunit dala ng labis na pagkapagod sa dalawa niyang trabaho para lamang matustusan ang pangangailangan ng tatlong anak, madalas ay mag-init ang ulo nito. Lalong-lalo na kapag dadatnan niyang marumi at makalat ang kanilang bahay.
Madalas din niyang mapagdiskitahan ang bunsong si Kirby. Ito lang kasi ang tanging nagmana sa kanyang yumaong asawa sa hilig nito sa pagbabasa. Ang totoo’y kahit tatlong taon na ang lumipas, hindi pa rin matanggap ni Alice na iniwan na siyang mag-isa ng kanyang asawa. Kaya naman sa tuwing nakikita niya ang bunsong parehong-pareho ang gawi sa kanyang asawa, labis lalong kumikirot ang kanyang puso.
Isang araw, pauwi mula sa eskwela si Kirby nang madaan siya sa isang garage sale ng isang butihing kapitbahay.
“Kirby! Hijo! Mabuti’t napadaan ka. Kaibigan ko ang papa mo noong nabubuhay pa siya, at alam ko na ikaw lamang ang nahilig rin sa mga libro. Heto, kunin mo. Ilan dyan ay paboritong basahin ng papa mo,” nakangiting sabi ni Mang Jaime.
“Wow, ang dami! Maraming salamat po.”
Agad iniuwi ni Kirby ang halos nasa anim na pirasong libro na hindi na nga magkasya sa sarili niyang mga kamay. Tuwang-tuwa ito dahil noon pa niya nais magkaroon ng mga ganoong aklat. Ngunit nang makauwi siya’y sinalubong siya ng nanay niyang nanlilisik ang mga mata.
“Kinuha mo ba iyong P100.00 dito sa ibabaw ng mesa?!”
“Po? Hindi po, mama.”
“Anong hindi? Magsisinungaling ka?! Ayan oh! Saan galing ang pinambili mo niyang mga libro mo?”
“Bigay lang po ito sa akin ni Mang Jaime, mama.”
Hindi nakumbinsi si Alice, kaya naman bilang parusa ay pinagpupunit niya ang mga pahina ng mga bagong aklat ni Kirby. Wala nang nagawa ang bata kundi umiyak na lamang dahil siya na naman ang napagbintangan at napag-initan ng kanyang ina. Ngunit dahil agad na umalis ang kanyang ina matapos nitong pagpupunitin ang mga pahina, ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya upang mapagtagpi-tagpi ang lahat ng iyon.
Nang matapos ay agad niyang itinago ang mga libro sa lugar na hindi kailanman gagalawin ng kanyang ina, ang lumang aparador ng kanyang papa. Mula noon, sa tuwing umaalis ang nanay niya’y saka na lamang siya nagbabasa nang nagbabasa.
Lumipas ang tatlong taon, at isa si Kirby sa mga natatanging estudyante na napili ng isang TV game show na sumali sa kanilang palaro. Isang milyong piso ang maaaring mapanalunan dito, ang tanging gagawin lamang ay sumagot sa mga trivia questions na ibibigay nila.
Mula sa dalawampung estudyanteng kalahok, mabilis na nakausad hanggang sa huling round si Kirby. Maging siya ay nagugulat sa mga nalalaman niya. Matapos ang ilan pang tanungan, siya mag-isa na lamang ang natira. At isang tanong ang ibinigay sa kanya upang makamit ang isang milyong piso.
“Congratulations, Kirby! Ikaw pa lamang ang batang nakaabot sa ganitong stage,” wika ng TV host.
“Okay, ang tanong para sa isang milyong piso. Good luck!”
“Sino ang may akda ng librong pinamagatang The Little Prince na kinikilalang ‘best book of the 20th century in France’?”
Binigyan ng 30 segundo si Kirby upang pag-isipan ang kanyang sagot. Ngunit wala pang dalawang segundo ay nagsalita na ito,
“Antoine de Saint-Exupéry po.”
At bigla nang tumugtog ng napakalakas ang sound system sa TV studio. Naglaglagan na rin ang confetti mula sa itaas, at naghiyawan ang mga tao. Ang kanyang ina na kasama niya sa studio ay lumuluha na rin sa labis na kaligayahan.
“Tama! Congratulations, Kirby! Maiuuwi mo na ang isang milyong piso! Pero gusto ko lamang malaman, sa murang edad mo, paano mo nalaman ang kasagutan sa tanong na iyan?” tanong ng TV host.
“Isa po ang librong iyan sa mga aklat na ibinigay sa akin ng aming butihing kapitbahay. Maraming-maraming salamat po, Mang Jaime,” nakangiting sagot ng bata.
Lalong bumuhos ang luha ng inang si Alice nang maalala niyang pinagpupunit niya pa ang librong iyon, hindi niya akalaing naitabi at naipagtagpi-tagpi pa iyon ng kanyang anak.
“Anak, patawarin mo ako. Dahil sa sakit na naramdaman ko sa pagkawala ng papa mo, sa iyo ko naibuhos dahil parehong-pareho kayo ng hilig. Patawarin mo ako, anak,” umiiyak na sabi ni Alice.
Hindi na nagsalita pa si Kirby at niyakap ang kanyang ina. Naiuwi nila ang grand prize na isang milyong piso, at naging napakalaking tulong noon upang guminhawa ang kanilang pamumuhay.