Inday TrendingInday Trending
Sinubukan ng Babaeng Tanggaling ang Birthday Niya sa Facebook, Laking Panlulumo Niya sa Kinalabasan ng Eksperimento Niya

Sinubukan ng Babaeng Tanggaling ang Birthday Niya sa Facebook, Laking Panlulumo Niya sa Kinalabasan ng Eksperimento Niya

Saktong alas-dose ng madaling araw ay sunod-sunod na notifications, messages, at posts sa Facebook ang natanggap ni Shane. Noong araw na iyon kasi ang araw ng kanyang pagsilang.

“Happy birthday!” bati ng karamihang friends niya sa Facebook na sa tunay na buhay ay hindi naman niya gaanong kabatian. Nagugulat na lamang siya na binabati siya ng mga ito.

Mayroon din namang mga malalapit na kaibigang may mahababang mensahe ng pagbati sa kanyang kaarawan, ang iba pa nga ay may kalapik pang mga larawan na labis namang ikinatuwa ng dalaga.

Mayroon din namang mga taong tila ba madaling-madali at hindi man lang mabuo ang salitang “happy birthday” at napaiksi pa sa mga letrang “HBD” ang pagbati sa kanya.

Ang lahat ng ito ay hindi na bago kay Shane. Magmula nang magkaroon siya ng Facebook noong 14 years old pa lamang siya ay taon taon na rin ang mga ganitong klase ng pagbati.

Mag-isa na lamang sa bahay si Shane. Magmula nang siya ay nag bente tres anyos ay napagdesisyunan niya nang rumenta ng sarili niyang apartment malapit sa kanyang pinagtatrabahuhan kompanya sa Makati. Sa Malabon pa kasi siya nakatira kasama ng kanyang mga magulang at bunsong kapatid noon, at hirap na hirap siya sa biyahe lalo na kung umuulan at nagbabaha.

Isang umaga, nagising si Shane na may mabigat na dinadamdam. Magmula kasi nang humiwalay siya sa kanilang bahay ay hindi na niya nararanasan ang mag-celebrate ng kanyang birthday. Tanging ang mga pagbati lamang mula sa Facebook ang nagpapangiti sa kanya.

“Buti na lang at naaalala nila ako. Akala ko kasi ay nakalimutan na nila ang birthday ko e,” wika ni Shane sa matalik niyang kaibigang si Jennylyn.

“Siyempre naman, ako maaalala ko talaga. Birthday kaya ng bespren ko! Pero nako, subukan mong tanggalin ang birthday mo sa Facebook. Makikita mo agad agad kung sino ang talagang nakakatanda ng araw ng kaarawan mo,” payo ni Jennylyn sa kaibigan.

Napaisip naman ang dalaga. Kaya naman mula ng araw na iyon ay sinubukan niya ngang tanggalin ang kanyang birthday sa Facebook account niya.

Mabilis lumipas ang isang taon, at muli na namang dumating ang bisperas ng kaarawan ng dalaga. Sa totoo lang ay magkahalong kaba at pagkasabik ang nararamdaman niya dahil gusto niyang malaman kung tunay bang wala nang makakaalala sa kanya kung hindi ito ipinaaalala ng Facebook sa mga kamag-anak at kaibigan niya.

Sumapit ang alas dose. Tumunog ang cellphone ng dalaga, na agad naman niyang ikinatuwa.

“Sabi na e, mahal naman ako ng mga kamag-anak at kaibigan ko,” bulong ni Shane sa sarili habang nagmamadaling inaabot ang kanyang cellphone.

Laking gulat niya nang makitang ang tanging bumati sa kanya ay ang kaibigan niyang si Jennylyn.

“Happy birthday, Shane! I love you, friend. Sana palagi kang masaya sa buhay mo. Salamat sa magandang pagkakaibigan!” kalakip noon ay ang litrato nilang dalawa sa mga nagdaang panahon mula pa noong elementary sila.

Masaya naman si Shane dahil dito, ngunit hindi niya maikubli ang pagkadismaya dahil hindi tulad dati ay wala nang bumabati sa kanya.

“Nako, maaga pa naman. Madaling araw pa lang oh! Sige, mamaya magchecheck ulit ako at baka may mga nakaalala na sa akin,” bulong ni Shane sa sarili habang naghahanda sa pagtulog.

Sumapit ang alas singko ng hapon at tuluyan nang sumuko ang dalaga. Talagang mula kanina, ni isa ay tila walang nakaalala sa kanya. Sabado pa naman ng araw na iyon at walang pasok si Shane sa trabaho. Labis na kalungkutan at pag-iisa ang naramdaman niya, kaya’t naisipan niya na lamang mahiga at matulog sa kanyang kwarto.

Mahimbing ang tulog ni Shane, nang magising siya sa galabog ng kanyang pintuan. Naisip ni Shane na baka ito ay ang kaniyang landlady na maniningil na para sa buwan na iyon. Kaya naman nakakunot ang kanyang noong bumangon at binuksan ang pinto.

Gulat na gulat siya nang sumambulat sa kanya ang kanyang mga kamag-anak, ang kanyang mga magulang, kapatid, iilang pinsan at mga tiyuhin at tiyahin. Kasama rin nila si Jennylyn at ang ilan nilang kaibigan.

“Happy birthday, Shane!” sabay-sabay nilang sigaw.

Nagpasukan ang lahat sa bahay ng dalaga. Dala-dala nila ang iba’t ibang putahe na kanilang pagsasaluhan. Tuwang-tuwa naman si Shane sabay sabing, “Akala ko nakalimutan niyo.”

“Kami pa ba? Mahal na mahal ka kaya namin! Hindi namin kailangan ang paalala ni Facebook,” wika ng kanyang ina.

“Sabi sa’yo e! Sinabihan ko silang huwag ka munang babatiin para pagdating namin dito ay ma-surprise ka ng bonggang-bongga! Labyu, friend,” sabi naman ni Jennylyn.

Niyakap ni Shane ng mahigpit ang lahat ng mga bisita niya. Naisip niyang hindi nga niya kailangan ng mga pagbati sa Facebook, dahil ang pag-alala ng mga taong pinapahalagahan at minamahal niya ang pinakamahalaga para sa kanya.

Advertisement