Nahulog ang Loob ng Binata sa Kanyang Misteryosang Kaklase, May Naiiba Palang Lihim ang Hinahangaan Niyang Dalaga
Si Calix ay isang mag-aaral sa kolehiyo na nagmahal sa isang dalaga na nagngangalang Jeziel Sarmiento. Napaka-misteryosa nito dahil napakatahimik at hindi ito masyadong nakikihalubilo sa iba. Hindi naman niya inakala na magkakasama pala sila sa iisang klase, kaya sa hindi inaasahang pagkakataon, sila ay nagkakilala ng lubusan ngunit sadyang mailap ito sa kanya at maging sa iba nilang mga kaklase.
“Hi, Jeziel, may gagawin ka ba mamaya? Treat sana kita ng meryenda,” yaya ng binata.
“Naku, pasensya ka na Calix marami pa akong tatapusing homeworks sa library, e! Next time na lang,” anito.
Kahit palagi itong umiiwas ay lalong nahulog ang loob ni Calix sa dalaga.
Patapos na ang ikalawang semestre noon. Kung kaya’t hindi mapigilan ni Calix na gumawa ng paraan upang ipagtapat na kay Jeziel ang kanyang nararamdaman. Gumawa siya ng sulat at inipit ito sa notebook na nasa mesa ng dalaga habang break time ng mga estudyante.
“Sana naman ay mabasa niya ito,” sabi ng binata sa kanyang isip.
Pag-uwi sa bahay, hindi mapakali si Calix dahil nag-aalala siya sa kung ano’ng mangyayari matapos basahin ni Jeziel ang sulat. Nang sumunod na araw ay hindi na siya nito pinapansin o kinakausap. Ganito ng ganito ang pangyayari sa tatlong araw matapos niyang ibigay ang sulat. Sa sobrang lungkot na tila ba gumuho na ang mundo ng binata, hindi na siya nakapagpigil na lapitan at kausapin si Jeziel. Ngunit bago pa man siya makapagsalita ay may iniabot ito sa kanya na isang maliit na papel sabay alis na wala man lang siyang narinig na anumang salita mula dito. Nang buklatin niya ang papel, isa pala itong imbitasyon sa isang piging na gaganapin sa bahay ng dalaga.
Kinaumagahan ay pumunta siya sa piging. May kalayuan at liblib pala ang lugar nitong si Jeziel. Pagkarating niya doon ay agad na may sumalubong sa kanya na isang karwahe. Lulan ng sasakyang ito ang dalaga. Iniabot nito ang kanyang kamay kay Calix upang pasakayin sa magara nitong karwahe.
“Kay gandang karwahe naman nito, Jeziel! Pag-aari niyo ba ito?” tanong ng binata.
“Oo. Pag-aari ito ng aming pamilya. Ginagamit namin ito sa mga espesyal na okasyon,” sagot ng dalaga.
Pagkarating nila sa isang malaking hardin, napansin ni Calix na tila siya lamang ang naiiba sa kanilang lahat dahil ang lahat ng taong naroon ay pawang mga dugong bughaw. Ang kulay ng mga buhok ng mga bisitang naroon ay ginto. Lahat sila ay mapuputi at anyong mayayaman.
“Aba, mukhaang mayayaman ang mga tao dito. Ako lang yata ang galing sa mahirap na pamilya. Ang gagara ng ayos at mga kasuotan ng mga bisita nina Jeziel. Maging ang lugar ay parang paraiso sa ganda,” bulong ng binata sa isip.
Hindi naman naramdaman ni Calix na siya ay naiiba sa mga taong naroroon sapagkat ang mga ito ay mababait at may maayos na pakisama sa kaniya. Kahit pasulyap-sulyap lamang siya kay Jeziel, ang araw na iyon ay maituturing niyang pinakamasaya dahil nakasama niya at nakilala ang pamilya ng babaeng pinakatatangi niya.
“Sana palaging ganito, Jeziel,” aniya.
“A-anong palaging ganito?” takang tanong ng dalaga.
“Palaging ganito na maayos ang lahat. Iyong masaya lang, masaya lang tayong dalawa.”
Hindi nakasagot ang dalaga sa kanyang tinuran. Napansin niya na bigla itong nalungkot.
“O, bakit tila nalungkot ka naman?”
Umiling lang si Jeziel.
“Hindi ako malungkot. Hindi rin lang ako makapaniwala na nangyayari ang ganito,” anito.
Mayamaya ay biglang nawala ang lahat at tila ba naglaho na parang bula ang mga tao sa paligid maging si Jeziel. Nagising na lamang si Calix sa isang kuwarto na tila ba pamilyar sa kanyang paningin. Nakita rin niya ang kanyang ina na tuwang-tuwa at nagpapasalamat dahil nagising na ang pinakamamahal nitong anak.
“Dyusko, salamat naman at nagising ka na, anak!” maluha-luhang sabi ng babae.
“A-ano pong nangyari, bakit po kayo umiiyak inay?” nagtataka niyang tanong at parang naguguluhan sa nangyayari.
Ikinuwento naman ng ina ang lahat ng nangyari sa kanya sa loob ng dalawang linggo.
“Alam mo ba, anak dalawang linggo ka nang wala sa iyong sarili. Wala ka ring nakikilala sa amin ng tatay mo, mga kapatid o mga kamag-anak natin. Palagi kang tulala. Pagkatapos ay ilang araw ka ring hindi magising sa iyong pagtulog. Natakot nga ako na baka hindi ka na humihinga, e,” bunyag ng ina.
“P-paano pong nangyari iyon?” naguguluhan pa rin niyang tanong sa ina.
Nagsimula raw ito matapos siyang matagpuan ng isang lalaki na nakahandusay sa gitna ng kalsada sa isang di-kilalang lugar. Mula noon ay palagi na siyang hindi mapagkausap at nakatingin sa kung saan.
“Kaya natutuwa ako anak at nagising ka na. Nga pala may isang batang lalaki na hindi taga-rito ang nag-abot sa akin nitong sulat kanina. Para sa iyo raw ito, iabot ko raw sa iyo oras na magising ka,” wika ng ina.
Iniabot ng ina ang sulat kay Calix. Binuksan niya ito at binasa. Laking gulat niya sa nilalaman ng sulat.
Sa maikling panahon na nakilala kita ay naging masaya rin ako. Pasensya na kung minsan ay hindi kita pinapansin o iniiwasan kita dahil magkaiba tayo, Calix. Magkaiba ang mundong ating ginagalawan. Ngunit kahit ganoon ay pinahahalagahan ko ang bawat araw na nakasama kita. Ayokong mapahamak ka kaya ako na ang gumawa ng paraan para ikaw ay makabalik sa iyong mundo at patuloy na mabuhay. Dahil kagaya ninyong mga tao, kami man na mga ENGKANTO ay marunong ding magmahal.
Jeziel
Hindi makapaniwala si Calix sa ipinagtapat ni Jeziel. Saka pa lamang sumagi sa kanyang isip na ang dalagang kanyang hinangaan ay hindi pala isang mortal kundi isang elemento, isang ENGKANTO. Para sa kanya, magkaiba man ang mundong ginagalawan nila nito ay mananatili pa rin sa kanyang puso at isip ang mga alaala ni Jeziel habang siya ay nabubuhay. Umaasa pa rin si Calix na muli silang pagtatagpuin ng pagkakataon at kapag nangyari iyon ay wala na siyang pakialam kung naiiba man ito, ang mas mahalaga ay ang nararamdaman niya para rito.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!