Abot Langit ang Galit ng Binata sa Kaniyang Ina Dahil sa Pagkakawalay Niya sa Kaniyang Ama; Nagsisi Siya nang Malaman ang Katotohanan
Bata pa lang si Ryan ay sinisisi niya na ang kaniyang ina na si Carmela sa pag-iwan sa kanila ng kaniyang ama kaya naman hindi naging maayos ang relasyon nilang mag-ina. Parati niyang binabalewala ang kaniyang ina at kung tratuhin niya ito ay para bang alalay nila sa bahay. Kahit na ganoon ay pilit siyang inuunawa ni Carmela. Walang sawa niyang inaalagaan at minamahal ang kaniyang anak.
Isang araw, pag-uwi ni Ryan mula sa eskwela ay sinalubong siya ng kaniyang ina. Gaya ng dati ay hindi niya ito binati pag-uwi. Nakuha lang ang atensiyon niya nang banggatin ni Carmela na may mga naghahanap sa kaniya sa telepono.
“Anak, kanina pa may dalawang babae na tawag nang tawag dito sa bahay natin at hinahanap ka. ‘Yung Carol, iyak nang iyak kasi babaero ka raw. ‘Yung Pia naman, galit na galit kasi manloloko ka raw. Sino ba sila? Totoo ba ang mga binibintang nila sa’yo?” tanong ni Carmela.
“Dalawa silang girlfriend ko,” sagot ni Ryan.
“Anak, hindi tama ‘yan!” pagkontra ni Carmela.
“Bakit?! Kayong mga babae lang ba ang pwedeng magloko? Hindi ba, ikaw rin, niloko mo si Papa kaya niya tayo iniwan? Hindi mo alam ‘yung pakiramdam na kinukutya ng ibang mga tao na wala akong ama. ‘Yung pakiramdam na habang lahat ng kaklase ko, ka-bonding ‘yung mga ama nila tapos ako wala. Nang dahil sa’yo nawalan ako ng ama!” paninisi ni Ryan.
Hindi nakapagsalita sa gulat si Carmela kaya muling nagsalita si Ryan.
“Yung totoo, sino ba talaga ang tatay ko? Si Papa ba o si Ninong Lito? Bakit niya ako iniwan?!” bulyaw ni Ryan sa ina.
Maya-maya ay may biglang sumuntok kay Ryan.
“Huwag kang bastos sa Mama mo!” ang sabi ng kaniyang Ninong Lito.
Narinig nito ang pambabast*s ni Ryan sa kaniyang ina nung siya ay dumaan sa kanilang bahay kaya hindi ito nakapagpigil na saktan ang inaanak.
Isinalaysay ni Lito ang totoong mga nangyari noon at pinabulaanan ang mga bintang ni Ryan sa ina. Sinabi niya sa kaniyang inaanak na ang ama nitong si Ruel ang nagkaroon ng ibang babae at piniling sumama rito. Hindi raw siya naisama ng ama sapagkat ayaw ng babae nitong si Minda na mag-alaga ng anak ng iba. At kaya rin umano siya madalas sa bahay nila noon ay upang tumulong na pag-ayusin ang relasyon ng kaniyang mga magulang ngunit siya ay nabigo.
Hindi ito pinaniwalaan ni Ryan kaya naman isinama siya ng kaniyang Ninong sa bahay na tinutuluyan ng kaniyang ama na si Ruel at kinakasama nitong si Minda upang malinawan.
Doon lamang naniwala si Ryan sa mga sinabi ng kaniyang Ninong.
“Ayusin mo ang trato mo sa Mama Carmela mo. Kahit hindi ka niya tunay na anak ay inalagaan at pinalaki ka niya,” bilin ni Ruel kay Ryan.
Ikinagulat ito ni Ryan. Bigla siyang naguluhan kaya ipinaliwanag ni Ruel sa kaniyang anak ang katotohanan na siya ay anak nito sa pagkabinata. Iniwan siya umano ng kaniyang ina sapagkat mga bata pa lamang sila noon at hindi pa ito handang maging ina.
Sinubukan niya raw itong habulin dahil hindi niya rin kayang alagaang mag-isa ang kanilang anak ngunit hindi niya na ito mahanap. Dahil daw dun ay naghanap siya ng babaeng tatanggap sa kanilang mag-ama at dun niya nakilala si Carmela. Nang nakita raw niyang handa itong akuin ang kaniyang anak bilang sarili niyang anak ay nadala siya sa sitwasyon at agad niya itong pinakasalan.
“Ginamit mo lang si Mama?” tanong ni Ryan.
“Sinubukan ko naman siyang mahalin at gumawa ng buong pamilya kasama kayo, kaso wala talaga eh. Sana mapatawad niyo pa ako,” ang sabi ni Ruel.
“All these years si Mama ang sinisi at inaway ko. ‘Yun pala kayo ng totoong nanay ko ang nagkamali. Pinabayaan niyo ko. Wala kayong kuwentang mga magulang!” galit na pagkakasabi ni Ryan bago iwan ang ama.
Pagkauwi ni Ryan sa bahay ay agad siyang humingi ng kapatawaran sa kaniyang kinilalang ina na si Carmela. Labis din ang pasasalamat niya rito dahil kahit hindi siya kaano-ano nito ay kinilala at inalagaan siya bilang tunay nitong anak.
Mula noon ay inayos na ni Ryan ang pakikitungo sa kaniyang kinalakhang ina. Nang siya ay makapagtapos ay agad siyang bumawi sa pag-aalaga at pag-aasikaso rito. Nagsikap din siya upang bigyan ito ng maalwang buhay. Hindi niya ito iniwan at pinabayaan hanggang sa pagtanda nito kahit na nagkaroon na siya ng sarili niyang pamilya. Laking pasasalamat naman ni Carmela dahil hindi siya nagkamali sa pagkupkop sa batang itinuring na niyang sariling anak.