Inday TrendingInday Trending
Nang Mapabayaan ni Nanay at Tatay

Nang Mapabayaan ni Nanay at Tatay

Simpleng buhay lamang ang gusto ni Carlo mula sa kaniyang magulang subalit ang lahat ng simpleng mga pangarap ng binatilyo na magkaroon ng masayang pamilya ay ipinagkait sa kaniya dahil nalulong ang kaniyang ama’t ina sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

“Mama, papa? Kailan po kayo titigil diyan? Ano po bang magandang nadudulot sa inyo ng paggamit niyan? Eh, kaya nga po ‘yan tinawag na ipinagbabawal na gamot dahil bawal po ‘yan, ‘di ba?” tanong ng isang kinse anyos na bata. “Alam mo, Carlo, huwag ka na lang mangialam kasi baka matamaan ka lang sa akin,” sagot naman ng mayabang nitong ama.

Hindi naman na pinansin ng binata ang sinabi ng ama at tumuloy na lamang sa labas para makalanghap ng sariwang hangin.

Pagkalabas ni Carlo ay halos lumuwa ang kaniyang mga mata nang makitang may ilang grupo ng pulis ang papunta sa kanilang tahanan. Imbes na sabihin agad sa kaniyang bumabatak pang mga magulang na may pulis sa labas ay itinuro pa nito sa pulis kung nasaan ang kaniyang mga magulang.

Pagkarating ng kanilang pamilya sa presinto ay isinisi lahat ng ama ang nangyari sa kaniyang nag-iisang anak.

“Kasalanan mo ito, Carlo! Kung sana sinabi mo na may mga pulis na parating, eh, ‘di sana nakaalis na agad tayo sa bahay. Kaso anong ginawa mo? Naging makasarili ka. Porke’t natapos ka na ay ilalaglag mo na kami sa mga pulis! Wala kang kwentang anak!” galit na sigaw ng ama ni Carlo.

Halos madurog ang puso ng binata sa sinabi ng ama. Hindi niya lubos akalain na magagawa nitong magsinungaling upang matakasan lamang ang kasong isasampa sa kaniya.

“Chief, handa po akong magpa-drug test ngayon. Sinisiguro ko po na hindi po ako gumagamit. Sa katunayan nga po, eh, pinipilit ko sila na itigil na ang bisyo dahil nawawalan na sila ng oras sa akin,” naiiyak na sabi ni Carlo sa hepe ng pulis.

“Lahat kayo ay magu-undergo sa isang drug test para mapatunayan kung sino ang gumagamit at sinong hindi,” sagot naman ng hepe.

“Nakahanda na po ako,” sabi pa ni Carlo sa pulis. Desidido siyang linisin ang kaniyang pangalan.

Lumipas ang halos kalahating oras bago matapos ang drug test at dito napatunayan na nagsasabi nga ng totoo si Carlo. Pagkatapos ng pagpapakawala ng mga pulis kay Carlo ay tinanong nila ito kung saan siya tutuloy.

“Hindi ko po alam. Baka po sa kalsada na lang muna ako. Kukunin ko na lang po ‘yung mga gamit ko sa bahay kasi may pasok pa po ako bukas,” malungkot na sagot ng binata.

“Hijo, sa amin ka na muna tumuloy. Sakto at tapos na rin ang shift ko kaya puwede kitang samahan na kunin ang gamit mo,” sabi ng isang nagmamalasakit na pulis.

“Tama ‘yan, sumama ka sa kaniya. Kung makikita mo ang pader namin puro mukha lang niya ang makikita mo dahil dito sa istasyon namin ay siya ang pinakamabait at pinakamagaling na pulis,” singit pa ng isang pulis.

Dahil dito ay pumasok muli ang binata para silipin ang pader at laking gulat nito na puro mukha nga ng pulis ang nakadikit.

“Sige po. Tara na po para hindi tayo gabihin,” nakangiting sabi ni Carlo sa pulis.

“Tara, ano palang pangalan mo?” tanong ng masayahing pulis.

“Carlo po. Kayo po, sir,” sagot naman ng binata.

“Gandang pangalan, ah. Ako naman Mateo ang pangalan ko. Huwag mo na akong tawaging sir o kaya naman chief kasi sa bahay ka na rin naman tutuloy,” sabi ng pulis.

Nang makarating si Carlo sa bahay ni Mateo ay laking gulat niya nang salubungin siya ng yakap ng hindi kilalang babae.

“Sino po kayo?” nahihiyang tanong ni Carlo sa babae.

“Asawa ako ni Mateo. Ako si Christine. Kumusta ka, hijo?” nakangiting sabi ng babae.

“Ok lang naman po ako. Maaari po bang makituloy po muna ako sa inyo? Wala na po kasi akong pamilya,” sabi naman ng binata.

“Hindi ‘yan totoo. Nandito kami ni Mateo para gabayan ka. Tutulungan ka namin na makabangon muli mula sa malakas na pagkakabagsak mo sa lupa,” sabi ni Christine sabay muling yakap sa binata.

Simula noon ay lalong ginalingan ni Carlo sa eskwela bilang pasasalamat sa kaniyang bagong mga kasama sa buhay. Nakahanap din siya ng isang pansamantalang trabaho kung saan ang kaniyang sahod ay ibinibigay niya ng buo sa mga kumupkop sa kaniya.

Dahil sa pagkakalulong sa dr*ga ng magulang ni Carlo ay nawalan na siya ng pag-asa sa buhay subalit nang makilala niya sina Mateo at Christine ay muling nagbago ang pananaw niya sa salitang magulang. Sa dalawang mabubuting loob na ito ay naramdaman ni Carlo ang pagmamahal na matagal na niyang hinihiling sa tunay na ama at ina.

Ipinangako ni Carlo sa kaniyang sarili na sa oras na makatapos siya ng pag-aaral ay ibubuhos niya ang lahat sa pagbabalik sa lahat ng kabutihang ginawa ng mag-asawa sa kaniya. Hinding-hindi rin niya hahayaang mapariwara ang sarili niyang buhay nang dahil sa ipinagbabawal na gamot.

Advertisement