Inday TrendingInday Trending
Ang Sulat na Nakapagpabago sa Lahat

Ang Sulat na Nakapagpabago sa Lahat

Nang nawalan na ng trabaho ang ama ni Ika ay nahirapan na silang humanap ng paraan kung saan kukuha ng pang-araw-araw na gastusin.

“Anak, baka pwede ka munang umutang ng pangkain natin?” malungkot na sabi ng ina sa anak.

“Hindi na mama, may natira pa akong singkwenta dito. Pwede para sa dalawang sardinas. Isa para ngayon, isa para mamaya. Tiis lang tayo ma, makakahanap din ako ng trabaho,” sagot naman ng anak habang kinukuha ang singkwenta pesos sa kanyang wallet.

“Salamat, Brandon. Hindi na kasi tatanggapin sa trabaho ang magulang mo kasi senior na kami,” nagpipigil ng iyak na sabi ng ina nito. Agad naman na niyakap ng anak ang kanyang mga magulang dahil sa hirap na kanilang nararamdaman.

Pagkatapos ay lumabas na ito ng kanilang bahay para bumili ng sardinas. Pagkabili ay agad na rin siyang umuwi para ihanda ang kanilang kakainin pero bago pa man siya makapasok ng kanilang tahanan ay tinamaan muna siya ng isang palutang-lutang na papel galing sa kawalan. Agad niya itong pinulot at dito ay naglakihan ang kanyang mga mata ng malaman na ang sulat na kanyang natanggap ay isang flyer mula sa isang urgent hiring na kompanya.

“Ma! Pa! Tingnan niyo ito, urgent hiring daw sila ng factory worker. Sigurado ako malaki magpasahod ang mga ito,” sabi ni Brandon habang pinapakita ang papel sa kanyang mga magulang.

“Oo nga ‘no? Mukhang palasyo ang lugar kaya malaki ang pasahod. ‘Wag ka mag-alala anak, bukas ay ihahatid kita dito para matanggap ka agad sa trabaho,” sagot naman ng ama nito. Agad naman siyang natigilan nang makita ang anak na umiiling bilang pagtutol sa plano nito.

“Pa, tingnan mo yan oh. 24/7. Ibig sabihin niyan, kahit gabi o kaya madaling araw ay bukas sila. Kaya kumain na tayo dahil mag-aapply ng trabaho ang anak niyong gwapo,” nakangiting sabi ng binata.

Dahil dito ay agad na siyang nagbihis ng pang-alis at kumain para makapag-apply agad ng trabaho sa nasabing kompanya.

Ilang oras ang lumipas nang makita at makapasok ito sa kompanyang kanyang pag-aapplyan. Dala-dala ang kanyang resume at ang pag-asang matanggap, lumapit si Brandon sa front desk.

“Sir, last month pa po itong flyer na ito. May nahanap na po kaming company driver,” sabi ng babaeng kausap ni Brandon.

Hay, Diyos ko, akala ko nama’y ito na ang hinihintay kong pagpapala Mo sa aking pamilya. Pero naniniwala akong hindi Mo kami pababayaan.

Habang nanlulumong naglalakad pauwi sa kanilang bahay, nakarinig ito ng isang lalaking napakalakas ng pagkakasigaw na tila may kaaway.

“LUMAYAS KA RITO! Hindi ko kailangan ng tutulog-tulog sa trabaho! Paano kung maaksidente tayo dahil sa pagtulog mo habang nagmamaneho?! Hindi ako nagkulang sa pagbibigay ng sapat na oras sa’yo para makapagpahinga ka,” galit na sabi ng lalaki habang pilit na pinapalayas ang isa nitong trabahador. Agad na tumakbo ang lalaki palabas ng kompanya dahil sa kahihiyan kaya natigilan si Brandon sa paglalakad.

“Sayang naman at may lakad ako mamaya, mabait pa naman ‘yon kaya nga lang sobrang antukin at tatamad-tamad sa trabaho,” sabi ng lalaki sa sarili habang inaayos ang gusot na damit.

“Sir, excuse me po. Driver po ba ang hanap niyo? May dumaan po dito kanina para mag-apply kaso nga lang hindi ko po alam kung nandito pa siya ngayon,” singit naman ng babae sa lalaki na boss pala ng kompanya. Dahil dito ay nagmadaling bumalik si Brandon sa front desk nang marinig na muling naghahanap ng driver ang boss nito.

“Sir! Ako po yung tinutukoy niya, sana po ay tanggapin ninyo ako bilang driver niyo. May lisensya po ako at ibang dokumento, handa po akong paglingkuran kayo,” hinihingal na sabi ng binata pagkarating nito sa harap ng boss.

Natawa naman ang boss at ang babae dahil nahalata nila pareho na desidido ang binata na magkaroon ng trabaho.

“Mukhang sobrang kailangan mo ng trabaho ah. Magpasama ka kay Agnes na kunin yung isang uniform sa locker. Agnes, bihisan mo na itong batang ito at may lakad pa ako mamaya. Samahan mo na rin ng isang baso ng malamig na tubig at mukhang hiningal ito sa pagtakbo,” utos ng boss sa dalawa. Agad naman siyang sinunod ng babae habang si Brandon naman ay nagpasalamat muna bago sumunod kay Agnes. Dahil dito ay agad na nagkaroon ng trabaho si Brandon bilang driver ng kanyang boss. Unang gabi pa lamang ng binata kaya gusto ng boss na ihatid siya nito pauwi sa kanyang bahay.

“Sir, bahay niyo ‘yan? Grabe sobrang laki po ng bahay niyo. Sir, naghahanap po kayo ng hardinero? Nakalagay kasi Wanted Gardener e,” sabi ng binata sa kanyang boss ng makarating sila sa bahay nito.

“Oo, bahay ko ‘yan at oo naghahanap ako ng hardinero kasi yung dating hardinero ko ay nagretiro na dala ng katandaan. Diyan sa likod bahay ko pinatitira ang mga retirado kong empleyado,” sagot naman ng boss nito. Pababa na sana ito ng kotse ng muli siyang tanungin ng binata.

“Sir, pwede po mag-apply bilang hardinero niyo? ‘Wag niyo na po akong bayaran. Kahit kapalit nun ay ang pagtira rin ng magulang ko sa isang bahay niyo. Matatanda na rin po kasi sila kaya kailangan ko rin po na tingnan-tingnan sila para makasigurado na maayos pa ang kanilang kalagayan,” paki-usap ng binata.

Pumayag naman ang boss sa kanyang kahilingan at ipinahiram ang isang truck para masundo na nito ang kanyang mga magulang at mabitbit ang ilang gamit para sa sa bago nilang tirahan.

Naging napakabuting empleyado ni Brandon sa kanyang boss, kaya’t lahat naman ng kahilingan niya’y naisasakatuparan nito.

Dahil sa trabaho ni Brandon ay nakahanap pa ito ng tirahan para sa kanyang magulang. Napapakain na rin niya ang mga ito tatlong beses sa isang araw at kung minsan ay hinahatiran pa sila ng pagkain na galing sa boss ng binata. Sa kabila ng hirap ng buhay, sa pananalig niya sa Diyos na sinamahan niya ng sipag at dedikasyon ay nakamit niya ang kanyang hinahangad na tagumpay.

Advertisement