Inis na Inis ang Dalaga sa Kanyang Ate Dahil sa Pangungulit Nito, Hindi Niya Alam ang Mabigat Nitong Dinadala
Dahil sa kagustuhan ni Cathy na makapag-ipon upang makapag-franchise ng isang sikat na fast food chain, bukod sa trabaho niya sa umaga ay nakakuha pa siya ng isang trabaho na ginagawa niya tuwing gabi sa loob ng kanyang kwarto.
Halos nasa dalawa hanggang tatlong oras na lamang ang itinutulog niya upang makapasok sa dalawang trabaho, kaya naman maituturing na malaking abala sa kanya ang nadadalas na pagpasok at pangungulit ng kanyang ate na si Charlene.
“Baby girl! Pinapagod mo naman ang sarili mo! Bata ka pa, mag-enjoy ka muna. Tara, kain muna tayo sa labas,” nakangiting yaya ni Charlene sa bente dos anyos niyang kapatid.
“Ate naman eh. Alam mo namang ang dami ko pang gagawin. Lima ang kailangan kong ipasang dokumento ngayon, nakaka-tatlo pa lang ako,” kunot-noong sagot ni Cathy.
“Sandali lang naman e. Matatapos mo rin ‘yan,” patuloy na pangungulit nito habang sinusubukang yakapin ang kapatid.
“Ate! Ang kulit! Tingnan mo nga, ala una na ng madaling araw. Tapos mamayang alas kwatro e babangon na ako para pumasok sa trabaho ko,” paliwanag ni Cathy.
Hindi na sinubukan pang muli ni Charlene na mangulit sa kanyang nag-iisang kapatid. Naisip niyang kulang nga ito sa pahinga kaya naman dahan-dahan na siyang umalis ng kwarto nito. Isang linggo kasing walang pasok sa opisina si Charlene dahil pinayagan siya ng kanyang boss na mag-leave ng limang araw.
Kinabukasan, ganoon na naman ang nangyari. Alas dose ng madaling araw ay muling pumasok si Charlene sa kwarto ni Cathy upang manlambing at mangulit.
“Tara na kasi, kalahating oras lang! Parati ka kasing wala dito sa bahay e. Miss na miss ka na ni ate,” panlalambing nito.
“Wala nga kasi akong oras, ate. Alam mo namang may pinag-iipunan ako. Pangako ko sa’yo, kapag sapat na ang ipon ko ay magbo-bonding tayo,” sagot ni Cathy na hindi man lang matingnan ang ate dahil tutok na tutok ito sa kanyang laptop.
“Ganoon ba? Sana nandito pa ako sa araw na mangyari iyon,” pabulong na sagot ni Charlene.
“Ha? Ang hina naman ng boses mo. Hindi ko narinig.”
“W- wala! Huwag mong intindihin. O sige, lalabas na ako. I love you, baby girl!”
Ilang gabi pang naulit ang ganitong pangyayari, ngunit kahit ni isang beses ay hindi napagbigyan ni Cathy ang kanyang ate sa kahit anong hiling nito. Nang isang madaling-araw ay mapansin niyang alas dos na ngunit hindi pa siya pinupuntahan ng kapatid niya.
Sa pagtataka, lumabas siya ng kanyang kwarto upang kausapin ang kanyang ate. Maaga rin niyang natapos ang mga kailangan niyang ipasa para sa araw na iyon kaya naman gusto niyang yayain ang kapatid na kumain.
Paglabas niya ng pinto, nabalot ng katahimikan ang buong bahay. Wala ang kanyang kapatid, pati na rin ang kanyang ama’t-ina. Agad niyang kinuha ang kanyang cellphone upang makibalita kung nasaan ang tatlo.
“San po kayo mama?”
“Anak, pasensiya ka na at hindi ka na namin nasabihan. Isinugod namin ang ate mo rito sa ospital.”
“Ha?! Bakit? Anong nangyari kay ate? Papunta na ako diyan,” sigaw niya habang nagmamadaling kunin ang susi ng kanyang sasakyan.
Nang makarating ng ospital, napaluhod na lamang si Cathy sa balitang kanyang natanggap. Huli na ang pagdating niya dahil binawian na raw ng buhay ang kanyang ate. Mayroon pala itong matinding karamdaman na inilihim na lamang niya sa kaniyang pamilya.
“Anak, wala na ang ate mo. Pero heto, pinaaabot niya ito sa iyo kung sakali raw na hindi na kayo mag-abot,” humahagulgol na sabi ng kanilang ina habang iniaabot ang isang papel.
Nang buksan niya at basahin ang liham, labis na nanlambot ang mga tuhod ng dalaga.
“Baby girl,
Pasensiya ka na ha? Alam kong nakukulitan ka na sa akin nitong mga nakaraang araw. Gusto ko lang naman kasing makasama ang mahal kong kapatid sa nalalabing mga araw ko. Pero naiintindihan kong marami kang ginagawa at kailangang unahin ang trabaho. Masaya na rin akong nayakap kita ng mahigpit tuwing pumapasok ako sa kwarto mo.
Hindi ko na sinabi sa inyo nila mama at papa kasi ayokong pag-alalahanin kayo. At isa pa, ayaw kong gamitin ninyo ang perang inipon niyo para lamang ipagamot ako. Tanggap ko nang wala pang lunas ang sakit ko kaya naman ayokong masayang ang pinaghirapan niyong pera para lamang sa akin.
Mahal na mahal kita. Iingatan mo ang sarili mo ha? At ngayong wala na ako, pati na rin si mama at papa. Palagi ko kayong babantayan mula rito sa langit.
Hanggang sa muli,
Ate”
Labis ang pagsisisi ni Cathy sa hindi niya pagpansin sa naglalambing at nangungulit na kapatid. Wala siyang kaalam-alam na ito na pala ang huling sandali ng kanyng pinakamamahal na ate. Wala na siyang nagawa kung hindi ang umiyak at magluksa na lamang kasama ng kanyang mga magulang.
Simula noon, inayos na ni Cathy ang kanyang schedule ng pagta-trabaho. Siniguro niyang may sapat pa siyang oras para sa mga mahal niya sa buhay. Nagsilbing aral sa kanya ang mga nangyari upang matutong ibalanse ang lahat ng bagay na ginagawa niya sa kanyang buhay.
Upang makabawi sa kanyang kapatid, ginawa niya ang bilin nito na ingatan ang kanilang mga magulang. Naglalaan araw-araw ng oras si Cathy upang kamustahin at makipagkwentuhan kasama ng kanyang mama at papa. Madalas din nilang ipagdasal ng sabay-sabay ang kaluluwa ng namayapa niyang ate na si Charlene.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.