Inday TrendingInday Trending
Sinubukan ng Lalaki na Makipagbalikan sa Nobyang Ipinagpalit Niya Dati, Pagbibigyan Kaya Siya ng Sinaktang Dalaga?

Sinubukan ng Lalaki na Makipagbalikan sa Nobyang Ipinagpalit Niya Dati, Pagbibigyan Kaya Siya ng Sinaktang Dalaga?

Tatlong taon nang magkasintahan si Josh at Kristine. Noong mga unang taon ay napakasaya ng kanilang pagsasama, ngunit makalipas lamang ang dalawang taon ay nakaramdam na ng panlalamig si Kristine.

“Besh, bakit ganoon si Josh? Noon kapag nag-aaway kami e hindi siya matutulog hangga’t hindi kami nagkaka-ayos. Ngayon e pakiramdam ko ay mas gusto niya pang magka-away kami para may rason siyang umalis kahit madaling-araw na,” reklamo ni Kristine sa kaibigang si Marie.

“Kasi naman girl! Todo bigay ka agad diyan sa jowa mo. Hindi sa pang-aano ha? Pero tingnan mo ang sarili mo ngayon. Halos napabayaan mo na ng sobra ang sarili mo. At kung hindi pa kayo magka-away e hindi ka magpapakita sa’kin,” sagot naman nito.

Magmula kasi ng magdesisyon ang dalawa na magsama sa iisang bahay ay nawalan na ng oras si Kristine sa kanyang sarili, pati na rin sa kanyang mga kaibigan. Malaking timbang na ang nadagdag sa dating seksing dalaga at halatang hindi na ito nakakapag-ayos ng sarili.

Hindi nga nagkamali ng hinala si Kristine. Sa pag-alis-alis ng kanyang nobyo sa tuwing sila ay nag-aaway ay nakahanap na pala ito ng libangan. Halos madurog ang puso niya nang malamang may kalaguyo ang kanyang nobyo, nakadagdag pa sa sakit ng makitang maganda at ubod ng seksi ng babaeng ipinalit sa kanya.

Imbis na hiwalayan, kinompronta lamang ni Kristine ang binata sa pag-asang humingi ito ng tawad at mangakong magbabago. Ngunit imbis na ganoon ay si Josh pa ang may lakas ng loob na makipaghiwalay.

“Oo na! May babae ako! Kasi, ayoko na sa’yo. Tumingin ka nga sa salamin, Kristine. Hindi ka ba nauumay? Dati, ang ganda-ganda mo. Ngayon, mukha ka nang balyena!” panlalait ni Josh sa kaawa-awang babae.

Nagmakaawa pang muli si Kristine na balikan siya nito, ngunit hindi na nagpatinag si Josh at tuluyang umalis ng bahay at iniwan ang kawawang dalaga.

Mabuti na lamang at agad dumating si Marie upang pahimasmasin ang iyak nang iyak na kaibigan.

“Tama na ‘yan. T*ngina niya, g*go siya! Mabuti nga’t ngayon niya ipinakita ang tunay niyang kulay, ngayong wala pa kayong pamilya. Hayaan mo, maghihiganti tayo,” anito.

“Ang sakit sakit, Marie! Ibinigay ko naman ang lahat. Ang sakit! At isa pa, sigurado akong wala nang papatol sa’kin. Tama si Josh, tingnan mo ang hitsura ko. Nakakadiri!” sigaw ni Kristine habang nakatitig sa salamin.

“G*ga! Tumaba ka lang. Pero akong bahala. Maniwala ka, matapos lang ang ilang buwan ay nakaluhod na magmamakaawa ‘yang g*gong ‘yan na makipagbalikan sa’yo,” kampanteng sagot ni Marie habang inihahain ang matindi niyang plano.

Kinabukasan, agad dinala ni Marie ang kaibigan sa isang kilalang gym.

“O eto. Dito tayo magsisimula. Ibabalik natin ang alindog na tila hinigop ng hinayupak mong ex,” nakatawang sabi ni Marie.

Sa tulong niya, araw-araw na walang palyang nagtutungo ang dalaga doon. Dahilan upang agad ding makita ang malaking bawas sa kanyang timbang. Hindi nagtagal ay lumabas nang muli ang mala-modelong katawan ni Kristine.

Bukod sa pagpapapayat, siniguro rin ni Marie na abala si Kristine sa ibang mga bagay upang hindi nito maisip ang kanyang ex. Sinamahan niya itong um-attend ng mga klaseng gustong gawin ni Kristine noon pero hindi niya magawa dahil kay Josh.

Natuto siyang magmaneho ng sasakyan, magbake ng mga cake, magsayaw ng ballet, at kung ano-ano pang bagay na nakakapagpasaya sa kanya. Dahil dito, unti-unti ngang nakalimot si Kristine sa sakit na naidulot sa kanya ni Josh.

Bakas sa mukha ng dalaga ang saya, kaya naman hindi maiwasang makapukaw siya ng atensyon ng ilang mga kalalakihan. Marami na ang sumubok manligaw sa kanya ngunit ang lagi lang niyang sinasabi ay, “sorry ha? Hindi pa ako handang magmahal muli e.”

Masayang-masaya naman si Marie dahil naging tagumpay ang kanyang plano. Ngunit isang araw ay laking gulat niya nang biglang makita si Kristine na naglalakad sa isang mall na kasama ang isang lalaki. Nanlaki ang kanyang mata nang makitang si Josh ang kasama nito.

Hindi nakapagtimpi si Kristine at nilapitan ang dalawa. Hinila niya si Kristine upang kausapin.

“Hoy! Anong kat*ngahan ‘to?! Ngayong ayos na ayos ka na, babalik ka na naman sa kanya?!” bulong ng gigil na gigil na si Marie.

“Ano ka ba? Hindi ako t*nga, ‘no! Huwag kang ngang praning. Magbasa ka kasi ng mga text ko sa’yo. O sige na, mauna na ako. Basta, MAGBASA KA!” bulong ni Kristine habang nakangiti at biglang alis kasama si Josh.

Nagmadali si Marie na kunin ang kanyang cellphone, at agad binasa ang sangkatutak na texts ng kaibigan.

“Besh! Nagtext si Josh. Nagmamakaawa ngang balikan ko siya!”

“Huy! Magreply ka!”

“Hay nako. Busy ka ba?”

“Magkikita kami! May malupit akong plano!”

“Besh!!! Magkasama na kami. Tulo ang laway ni g*go! Hahaha!”

Agad namang nagtaka si Marie sa sinasabing plano ng dalaga. Kinakabahan pa siya sa takot na baka mauto na naman ng tusong lalaki ang kanyang kaibigan.

“Anong plano? Kristine, umayos ka ah? ‘Yang puso mo na kakaayos pa lang natin, baka ipa-warak mo agad,” reply niya sa kaibigan.

Makalipas ang ilang oras, napagdesisyunan na ni Marie na umuwi sa kanyang bahay. Pagbukas niya ng pinto ay nakita niyang nakaupo sa sofa si Kristine habang nanonood ng telebisyon at kumakain na tila walang nangyari.

“Hoy! Bruha ka! Kanina ka pa ba dito? Hindi mo man lang ako nireplyan,” wika ni Marie.

“Oo. Halika dito, bilis! Panoorin mo ito,” sagot ni Kristine.

Iniabot ni Kristine ang kanyang cellphone at ipinapanood ang isang video kay Marie.

“Ang sabi ko kasi sa kanya, babalikan ko lamang siya kapag lumuhod siya sa gitna ng mall ng nakahubad habang isinisigaw ang katagang ‘hinding-hindi na ako magloloko, ako na lang ulit please’. E agad siyang pumayag. Ayan,” kwento ni Kristine habang pinanonood ni Marie ang video.

Nang matapos ang video, sabay malakas na naghagalpakan sa pagtawa ang dalawa.

“Baliw ka talaga! Ang galing mo ha?” natatawang sabi ni Marie.

Ginawa nga ni Josh ang sinabi ni Kristine. Ngunit sa kalagitnaan ng pagsigaw nito ay dumating ang kasalukuyang nobya ni Josh. Nang makita ng babae kung ano ang ginagawa at pinagsisisigaw ng nobyo niya sa publiko, agad niya itong nilapitan at pinaulanan ng sampal at mura. Isinumbong pala ni Kristine ang paglalanding ginagawa sa kanya ni Josh kaya naman agad sumugod ang nobya nito.

“Siyempre! Sabi ko naman sa’yo, natuto na ako. Hindi na ako kagaya ng dati. At lahat ng iyon ay dahil sa’yo, bes!” sagot ni Kristine na maluha-luhang niyakap ang kaibigan.

“Sus. Ikaw pa ba? Basta ha? Pangako natin sa isa’t-isa na hindi na tayo magpapaloko sa mga lalaki,” anito.

Magmula noon ay ginawa nga ng dalawa ang kanilang mga pangako sa isa’t-isa. Sa tuwing may manliligaw ang isa, sinusuring mabuti at kinikilala ng isa ang lalaki bago niya ito sagutin.

Hindi nagtagal at sabay nilang nahanap ang tunay na pag-ibig. Sa tuwing sila ay magkasama, naaalala na lamang nila ang mga masasakit na nakaraan. Imbis na iyakan, ay tinatawanan na lamang nila ang mga ito na nagsilbing aral upang marating nila ang masayang yugto ng kanilang mga buhay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement