Pinagtulungang Sabunutan at Sampalin ng Tatlong Babae ang Dalaga na Bagong Pasok sa Opisina, Nasupalpal Sila nang Malaman kung Sino Ito
May bagong empleyado sa opisina ni Mr. Morales at iyon ay walang iba kundi si Carlota. Maganda, matangkad, seksi ang dalaga kaya pinagpipiyestahan ito ng mapanuring mga mata ng mga kalalakihan sa kumpanya.
“Witwiw! Kay gandang babae at kay kinis!” wika ng isa sa mga lalaking empleyado.
“May dyowa na kaya iyan, p’re?” sabad naman ng isa pa.
Kung kinahuhumalingan ng mga lalaki ang dalaga ay kinamumuhian naman siya ng mga kababaihan.
“Alam niyo mula nang dumating ang babaeng iyan ay sa kanya na umiikot ang mundo ng mga lalaki dito sa opisina!” inis na sabi ni Mabel.
“Oo nga. Iyong crush ko na si Raffy na taga-Accounting Department ay patay na patay sa kanya. Nakakabuwiset!” gatol ni Gladys.
“At alam niyo ba ang tsismis, ke bago-bago ng babeng iyan ay nagagawa nang sumipsip kay boss,” wika ni Iza.
“Totoo ba? Ang kapal naman ng mukha niya at marunong nang sumipsip ha!”
“Nakita daw siya ni Susan na palaging pumapasok sa kuwarto ni Mr. Morales kahit wala naman itong iniuutos sa kanya.”
Sa puntong iyon ay pinag-isipan na agad ng masama ng mga babae ang dalaga.
“Pumasok lang yata dito ang babaeng iyan para manlandi, e! Di na nakuntento sa mga lalaki dito at pati si boss ay kinakalantari!” galit na sabi ni Mabel.
Isang araw habang abalang nagtatrabaho ang lahat ay dumating si Mr. Morales at dumaan sa kanilang harapan. Masigla nilang binati ang kanilang boss at tumugon naman ito sa kanila. Maraming nakapansin na sinenyasan nito si Carlota at dumiretso na ang lalaki sa silid tanggapan nito. Mayamaya ay tumayo sa puwesto ang dalaga at pumasok sa kuwarto ni Mr. Morales.
Hindi nakatiis ang mga babaeng empleyado na pagtsismisan na naman ang dalaga.
“Si Carlotang sipsip, pumasok na naman sa kuwarto ni boss,” sabi ni Iza.
“Hula ko may milagro nang ginagawa ang dalawang iyan! Sabad ni Gladys.
“Ang nakakainis, trabaho tayo ng trabahoo dito tapos siya, nakikipaglandian lang kay Mr. Morales! Hindi makatarungan!”
“Sumosobra na ang Carlotang iyan, kailangang gumawa na tayo ng paraan para mapaalis dito ang bruhang iyan!” inis na wika ni Mabel.
Nakabuo ng plano si Mabel kung paano gagawing miserable ang buhay ng kanilang bagong kasama para kusa itong umalis sa kumpanya.
Nang sumunod na araw, habang nagpa-file ng mga dokumento ang dalaga ay sinadyang tapunan ng kape ni Mabel ang ginagawa nito. Sinubukan nitong inisin ang dalaga. Nagulat naman si Carlota sa ginawa ng katrabaho.
“Oops, sorry, ha! Dumulas kasi sa kamay ko, e!” tila nang-iinis na sabi ng babae.
“O-okay lang. Kaso pinagagawa kasi ito ni sir, sayang at natapunan. Uulitin ko na lang,” mahinahong wika ni Carlota.
Mayamaya ay inutusan ni Iza ang dalaga na buhatin ang isang kahong naglalaman ng iba’t ibang papeles para dalhin iyon sa basement. Kunwari naman siyang sinabayan ni Gladys pababa sa basement nang bigla siyang patirin ng babae. Napadausdos sa hagdan ang dalaga at sumadsad sa semento ang puwitan nito.
“Aray!” daing ni Carlota.
Palihim na natuwa si Gladys sa ginawa niya sa dalaga.
“Naku, pasensiya na, hindi ko sinasadya, Carlota! Bakit kasi ang lampa-lampa mo?” pang-aasar pa nito.
“A-yos lang ako. Kasalanana ko rin, hndi ko nakita ang dinaraanan ko,” anito habang hinihimas ang puwitan.
Sa ginawa nila kay Carlota ay hindi pa rin nakuntento ang grupo ni Mabel. Dahil parang hindi ito tinablan sa ginawa nila ay napagdesisyunan nilang isagawa ang susunod na plano para mapaalis ang dalaga.
Isang umaga ay naghihihiyaw si Gladys at may hinahanap na kung ano.
“Diyos ko, nawawala ang wallet ko!” sigaw ng babae.
“Bakit anong nangyari? Tanong ni Mabel.
“May kumuha ng wallet sa bag ko!”
“Ako rin, nawawala ang wallet ko, may nagnakaw!” sabad ni Iza.
Naalarma ang mga empleyado sa nakawang nangyari kaya nagtipon-tipon ang mga ito.
“Ano ba kayo, tayo-tayo na nga lang ang nandito, nagnanakawan pa tayo!” sabi ni Mabel.
“Para magkaalaman ay halughugin ang lahat ng bag para malaman kung sino ang kumuha,” suhestiyon ni Gladys.
Para malaman kung sino ang posibleng kumuha ay hinalungkat ni Mabel ang mga bag ng mga empleyado.
Ngunit laking gulat niya ng makita ang nawawalang wallet sa bag ni Carlota.
“Walanghiya ka, naging mabait pa naman kami sa iyo tapos pagnanakawan mo lang pala kami!” galit na wika ni Gladys.
Nang buksan ng babae ang wallet ay nabigla siya nang wala na doon ang kanyang tatlong libong piso.
Sa galit ay sinugod ni Gladys ang dalaga at pinagsasabunutan hanggang sa magsawa ito.
“Buwiset ka, kundi pa kita nahuli ay patuloy mo kaming lolokohin!” gatong pa ni Iza.
“Tama na, wala akong kasalanan, bitiwan mo ako!” pakiusap ng dalaga.
“Dapat lang iyan sa mga magnanakaw na gaya mo!”
Wala nang nagawa si Carlota nang pagtulungan siya ng tatlong babae. Walang awa siyang sinabutunan at pinagpapalo ng mga ito hanggang sa magkasugat-sugat ang kanyang katawan.
Hindi nila namalayan na dumating na si Mr. Morales at kitang-kita nito kung paano sabunutan, sampalin at kutyain ng mga empleyado niya ang dalaga.
“Anong kaguluhan ito?” sabi ng matandang lalaki.
Agad na nagsumbong ang tatlo sa kanilang boss.
“Boss, magnanakaw ang babaeng iyan. Kinuha niya ang wallet namin ni Iza.”
“Tigilan niyo siya, huwag niyo siyang saktan! Hindi magnanakaw ang anak ko!” sigaw ng lalaki.
Bigla silang napatigil sa pananakit sa dalaga. Laking gulat ng lahat nang malaman ang lihim sa likod ng pagkatao ni Carlota.
“A-anak niyo s-siya?” manghang tanong ni Mabel.
“Oo, anak ko si Carlota. Dito ko siya pinagtrabaho para sa kanyang on the job training. Hindi ko siya ipinakilala sa inyo agad bilang aking anak dahil gusto kong huwag niyo siyang bigyan ng special treatment.
Nasupalpal ng husto ang tatlong babae. Ang inakala nilang malandi at sipsip na empleyado ay siya palang anak ng may-ari ng kumpanya.
Halos lumuhod ang tatlo sa pagmamakaawa kay Mr. Morales at kay Carlota. Inamin din ng mga ito ang ginawang paglalagay ng kanilang mga wallet sa bag nito para mapagbintangan itong magnanakaw at mapalayas sa opisina dahil sa inakala nilang malandi at sipsip ito.
“Hindi ko akalaing magagwa niyo iyon sa akin. Hinusghan niyo agad ako? Sana ay nagtanong muna kayo sa akin bago niyo ako hinusgahan,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Carlota
“Patawarin niyo po kami, sir, ma’am. Ang akala po namin…” pakiusap ni Gladys.
“Kaya marami ang nasasawi sa maling akala, e,” pailing-iling na wika ng lalaki
“Sorry po, hindi na po kami uulit!” wika pa ni Iza.
Talagang hindi na kayo makakaulit dahil sesante na kayong tatlo. Wala na kayong trabaho!” galit na sabi ni Mr. Morales.
“Parang awa niyo na po, ayaw po naming mawalan ng trabaho,” pakiusap ni Mabel.
“Sana ay naisip niyo iyan bago niyo sinaktan ang anak ko. Makakaalis na kayo! Hindi ko kailangan sa aking kumpanya ang mga taong mapanghusga sa kapwa,” pahabol pa ng lalaki.
Lulugo-lugong lumabas ng opisina ang tatlong babae. Hindi nila inakala na ang ginawa nilang panghuhusga kay Carlota ay ang magiging dahilan pala ng pagkakatanggal nila sa trabaho.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!