Tulala Palagi ang Mommy ng Bata Kaya ang Kakambal Niya na Lamang ang Lagi Niyang Kausap, Isang Malungkot na Sikreto Pala ang Itinatago Nito
Isang buwan na ang nakalipas nang maaksidente ang pamilya ng batang si Kyle, anim na taong gulang. Papunta sana sila sa Baguio upang i-celebrate ang birthday ng mommy niya nang biglang mawalan ng preno ang kanilang kotse, ang natatandaan nalang niya ay bumangga sila sa isang matigas na bagay, tapos ay nawalan na siya ng malay.
Pagkatapos noon ay nag-iba na ang lahat. Kahit na nakaligtas sila ay hindi na katulad ng dati ang mommy niya. Tila ba sinisi nito ang sarili, palagi itong tulala at masungit. Buti nalang ay pumupunta sa bahay nila si yaya Meding tuwing umaga, ang malungkot lang ay umaalis rin ito ng tanghali. Magluluto lang at sisilipin siya.
“Mommy, okay lang yan. Nandito naman kami ni Kaden. Hindi naman kami nasaktan, tingnan mo nga o. Strong na ako kasi humilom na ang sugat ko, okay na tayo mommy please?” alo niya sa ina isang hapon.
Sinulyapan lang siya ng babae at muli na namang tumulo ang luha nito. Hindi rin kasi maintindihan ni Kyle, kung kailan namang nagkakaganito ang mommy niya ay saka nagkaroon ng business trip ang kanilang ama. Siguro ay kailangang bumawi sa trabaho para makabili sila ng bagong car, todo kasi ang sira ng sasakyan nila sa aksidente.
“Kyle, go to your room muna.Pahinga ka muna anak, mamaya dadalhan kitang meryenda okay?” sabi ng babae na hinaplos ang mukha niya.
“Sige po. Pareho kami ni Kaden.” sabi niya bago tumalikod. Buti nalang, kahit naging malungkot ang bahay nila ay narito naman ang kakambal niyang si Kaden. Ito ang kadikit niya noon pa man, mas matanda lang siya rito ng dalawang minuto sabi ng mommy nila.
Kahit sino ay mahihirapan talagang sabihin ang pagkakaiba dahil magkamukhang magkamukha sila, mommy at daddy lang nila ang hindi nila mabiro dahil ngiti palang ay alam na ng mga ito kung sino si Kyle at sino si Kaden.
“Sad na naman si mommy?” tanong ni Kaden sa kanya pagpasok niya ng kwarto, nilalaro nito ang dilaw na car.
“Oo eh, sabi ko nga magaling na ako. Ikaw may sugat ka pa?”
“Wala na rin. Hilom na,” pinakita pa nito ang braso na tuyo na ang galos.
“Si daddy naman kasi, aalis-alis pa. Dapat nandito tayong lahat bumabawi kay mommy para di siya sad. Birthday niya kasi kaya tayo nagpuntang Baguio diba, baka akala ni mommy siya yung may kasalanan.” sabi niya na nakilaro na rin sa kakambal.
“Hayaan mo na, kailangang umalis ni Daddy eh. Tsaka nandito naman ako diba? Di ka ba masaya? Birthday na natin bukas!” nakangiting sabi nito.
Nagulat si Kyle, sa sobra kasing daming ganap sa buhay ng bata ay halos nalimutan niya na birthday na pala nila ng kakambal niya. Sasagot pa sana siya nang mapalingon sa mommy niyang may bitbit na tray ng meryenda. Isang basong gatas, tatlong pirasong cookies.
“Mom, bakit si Kaden wala?” takang tanong niya.
“S-share nalang kayo anak. Hindi naman kayo nakakaubos ng milk diba?”
Sabagay, totoo naman iyon. Tuwing papainumin nga sila ng gatas bago matulog ay kanda-bundat silang dalawa. Okay na ito.
“Mommy birthday pala po namin ni Kaden bukas, saan tayo pupunta? Uuwi ba si daddy?” excited na tanong niya.
“Oo nga! Kahit na dito nalang nga sa bahay okay na ako eh, basta may cake at happy kana mommy,” sabi naman ni Kaden.
Napangiti ang ginang, “M-may pupuntahan tayo tomorrow,” sagot nito.
Ilang sandali pa ay lumabas na ito ng kwarto at nagpatuloy na sa paglalaro ang magkakambal. Kinabukasan ay ang agang nagising ni Kyle pero wala si Kaden sa tabi niya.
Agad siyang lumabas ng kwarto at inabutan ang inang nakaayos na,”Happy Birthday anak!”
“Thank you po mommy. Si Kaden po? Ang daya, birthday namin tinataguan ako!”
“Papaliguan na kita, magkikita tayo kasama niya sina lolo at daddy mo. Nauna na siya,” pagkasabi noon ay biglang na-excite ang bata.
Makalipas ang isang oras ay nakasakay na sila sa taxi, ang saya saya ni Kyle dahil ang lawak ng lugar na pinuntahan nila. Parang masarap magtatakbo at magpahangin. Masarap ring magpalipad ng saranggola.
Ang laki ng ngiti niya habang inaakay siya ng ina, maya maya pa ay huminto sila at niyakap siya nito. Noon niya naalala ang wish ni Kaden sa birthday nila.
“Mommy wag kang maingay sasabihin ko sayo yung wish ni Kaden. Pero secret lang natin, ang gusto niya lang ay may cake sa birthday namin. Tapos gusto niya naka-smile at happy ka lagi,” bulong niya rito.
Bigla namang bumuhos ang luha ng mommy niya at nagsalita, “Anak ko..alam kong hindi mo pa tanggap. Magiging okay rin ang lahat ha? Nandito naman si mommy, tayong dalawa. Kaya natin ito.
S-Si Kaden kasi, at si daddy mo ay pumunta na sa heaven kasama ng lolo mo noong naaksidente tayo sa Baguio. Alam kong sanggang dikit mo siya, pero it’s time to say goodbye na. Please, let go na anak.Nandito lang ako,” haplos pa ng ginang.
Litong lito ang mukha ng bata hanggang mapasulyap siya sa unahan, naroon ang lapida ng kakambal niya at ng kanyang ama.
“N-nandito po sila?” parang natauhan na sabi niya.
“Oo anak. Dalawang buwan na,” tango ng ginang.
Napaiyak si Kyle pero sa yakap ng mommy niya ay ligtas ang kanyang pakiramdam. Ang nakakausap ng bata ay imahinasyon niya lamang dahil hindi niya pa matanggap na wala na ang kakambal.
Umihip ang malamig na hangin at nakarinig na lamang si Kyle ng humahagikgik sa di kalayuan, naroon si Kaden na akay ng daddy niya.
“Bye kambal! Love namin kayo!”