Kinilabutan ang Taxi Driver nang Magpahatid ang Misteryosong Babae, May Malaking Kasalanan Pala Siya Rito
Pagkasuot ng medyas ay chineck muna ni Jimuel ang kanyang bag, ID, wallet, cellphone, naroon lahat. Tumayo na siya at dinampot ang baon niyang pagkain na luto ng misis niya. Pang-gabi kasi ang kanyang trabaho.
“Hon, alis na ako!” sigaw niya. Nasa taas ang babae at nag-aayos ng higaan, agad itong bumaba nang marinig siya. Niyakap siya nang mahigpit at hinalikan sa labi.
“Ingat ka,” sabi nito.
“Sus ang misis ko, sandali lang akong mawawala kung makalambitin ka sa akin. Paggising mo bukas ay nandito na ako.” natatawang biro niya rito. Kinurot naman siya ng babae sa tagiliran.
“Kasi naman, gabi na eh.Delikado sa daanan.” nag aalalang sabi nito.
“Ano ka ba,kahit gaano pa ka-dilim ang daan, kaya ko namang mag-drive. Baka nakalimutan mo, bihasang taxi driver itong mister mo.”
“Kaya mo na ba? Madilim na kasi,nag-aalala ako. Tapos baka-“
“Marie, mahal ko. Kaya kong mag-drive okay? Akala mo ba sa akin, baby? Sige na, i-lock mo itong pinto pag alis ko ha. Ite-text kita mamaya. I love you.” dinampian niya ng malambing na halik sa noo ang babae bago lumabas.
Pagsakay niya sa kotse ay nakaramdam siya ng kaba at excitement. Isinuksok niya na ang susi ng sasakyan at sinimulan nang mag-maneho palabas ng subdivision nila.
Ilang minuto pa ay huminto siya dahil naka-red ang stoplight sa highway. Sakto naman na sumakay ang isang babae na nakasuot ng pang-opisina. Sinulyapan lang ito ni Jimuel sa salamin sa harapan.
“Kuya, Tomas Morato nga po,” sabi ng babae tapos ay tumanaw sa labas.
Pinaandar na ng lalaki ang sasakyan, hindi siya masyadong mapakali dahil kanina pa nakatitig ang babae sa kanya. Palipat lipat ang tingin nito,sa daanan, tapos sa kanya.
Sanhi na rin siguro ng aircon ay nilalamig si Jimuel kaya hininaan niya iyon nang kaunti. Nanginginig ang mga kamay niyang nakahawak sa manibela. Sige ang haplos niya sa rosaryong nakasabit sa unahan at pinipilit niyang mag-focus sa pagda-drive. Madilim na rin kasi at kapansin-pansing wala nang masyadong sasakyan, palibhasa ay gabi na.
“Kuya? Shortcut ba ito?P-pwede ho paki-bilisan? Magdi-dinner kasi kami ng mommy ko, medyo late na ako.” tanong ng babae sa likod. Medyo lito ang ekspresyong naka-rehistro sa mukha nito.
Hindi sumagot si Jimuel at tuloy lang sa pagmamaneho. Ni hindi niya ito nililingon.
Nagsimula nang kabahan ang babae at nagpa-panic na sa likod niya, “K-Kuya, hindi naman ito papunta sa location ko! Saan ba tayo pupunta? Ibaba mo na ako! Hinahanap na ako ng mommy ko!” naluluha nang sabi nito.
Matagal na napapikit si Jimuel bago iniliko ang sasakyan, kahit na abala ito at hindi naman talaga siya pupunta sa Tomas Morato ay bahala na. Basta maihatid niya ang babae.
Napanatag naman ang dalaga pero nagmamasid pa rin sa paligid, luhaan ang mukha.
30 minutes na tahimik sa loob ng sasakyan, nilalamig si Jimuel pero nakahinga siya ng maluwag nang sa wakas ay marating niya na ang location ng dalaga.
“M-ma’am makakababa na po kayo, naihatid ko na rin po kayo sa wakas.” hindi tumitinging sabi niya.
“Salamat. Hinihintay na kasi ako ng mommy ko,” nakangiti pero lumuluhang sabi nito.
“Ma’am patawarin nyo po ako. Sana rin po matahimik na kayo, 2 years na rin po after noong aksidente natin. Hindi na nga po ako taxi driver..Rest in peace po..” sukat pagkasabi niya noon ay bigla na lamang naglaho ang babae.
Napaiyak nalang rin si Jimuel. Paano niya nga ba makakalimutan? Ito ang unang beses na magmamaneho siya pagkatapos ng aksidente dalawang taon na ang nakalipas. Kaya nga ganoon na lamang ang pag aalala ng misis niya dahil na-trauma na siya.
Dati siyang taxi driver at ihahatid niya sana ang dalaga sa Tomas Morato, nang mabangga sila dahilan upang masawi ang pasahero niya. Hindi na ito nakapunta sa dinner raw kasama ng mommy nito dahil ni hindi na nga umabot ng buhay sa ospital ang dalaga.Hanggang sa panaginip ay hindi siya pinatatahimik ng kaluluwa nito. Habang buhay na yatang dadalhin ng kunsensya niya ang pagkamatay nito.
Kaya kahit kinikilabutan nang sumakay ito, kahit halos atakihin na siya sa puso ay nilakasan niya ang loob. Tinapos niya ang misyong hindi niya nagawa noon- inihatid niya ito.
Hiling niya lang, sana ay napatawad na siya ng babae at matahimik na ang kaluluwa nito. Palagi niya itong ipagdarasal, maging ang sarili niya, na sana ay makamove-on na siya at hindi na kainin pa ng pagsisisi.