
Nag Zumba ang Ginang na ito Upang Maibalik ang Alindog, Doon niya pala Makikita ang Kabit ng Asawa
“O, mama, saan po kayo magpupunta? Alas singko pa lang po ng umaga, ha?” pang-uusisa ni Agnes sa kaniyang ina, isang umaga nang makita niya itong nag-aayos ng sarili pagkagising niya.
“D’yan lang ako sa pupunta sa parke, sasali ako sa zumba roon,” sagot ni Perla habang abala sa pag-aayos ng kaniyang kilay dahilan upang matawa ang kaniyang anak.
“Aba, ano ‘yan, mama, balik alindog challenge?” patawa-tawang tanong nito saka lumapit sa kaniya at nilagyan siya ng blush on.
“Ganoon na nga! Iyang tatay mo kasi pakiramdam ko, may ibang babae na naman! Hindi na naman nauwi, o, tatlong araw na! Kaya dapat, bago ko siya mahuli sa sariling mata ko, maisampal ko sa mukha niya ang karisma ko!” galit na galit niyang sambit dahilan upang mapatigil ang kaniyang anak.
“Naku, mama, ilang beses ka nang niloko ni papa, balik ka pa nang balik sa kaniya! Marupok ka, girl?” wika nito na ikinagalit niya dahilan upang mahampas niya ang braso nito.
“Hoy, ayus-ayusin mo pananalita mo sa akin, ha? Baka masampal kita! Kumilos ka na at baka mahuli ka na naman sa klaseng haliparot ka!” sigaw niya rito habang umiiwas ito sa kaniyang mga hampas.
“Mana lang sa’yo, mama,” sarkastikong sagot pa nito habang tumatawa.
“Hindi ka titigil, Agnes?” seryosong tanong niya dahilan para kumaripas ito ng takbo palabas ng kaniyang silid.
Sa loob ng halos labing walongpung taong pagsasama, makailang beses na naloko ng asawa ang ginang na si Perla. Ito ang dahilan upang sa tagal ng panahon na iyon, iisa lamang ang anak niya sa naturang asawa. Gustuhin man niyang masundan ang nag-iisang anak nilang babae upang may makasama naman ito kapag sila’y nawala, ayaw ng kaniyang asawa, palaging dahilan nito, “Wala na nga tayong pera, eh, magdadagdag pa tayo ng palamunin?” na labis niyang dinamdam.
Bukod pa roon, madalas niya pang marinig sa usap-usapan sa kanilang lugar na may kabit daw ang asawa niya dahilan upang palagi niya itong komprontahin at awayin ngunit laging sinasabi nito, “Sila ba ang asawa mo? Bakit sa kanila ka maniniwala?”
Sa tuwing napatutunayan niyang may babae ang ito, agad siyang nakikipaghiwalay at kapag bumalik naman ito at nangakong hindi na muling gagawin ang kasalanang iyon para sa kaniya at sa anak nilang dalaga, agad niya itong patatawarin at makikipagbalikan.
Ito ang dahilan upang masanay na ang kaniyang anak sa madalas nilang paghihiwalay. Sa katunayan, ito na nga ang nagsasabi sa kaniya na tigilan na ang pagpapakatanga sa lalaking iyon dahil hindi niya kailangan ng ganoong klaseng ama.
Noong araw na ‘yon, pagkarating niyang parke, agad siyang sinali ng binayaran niyang dance instruction doon sa grupo ng mga kababaihang masayang nagsasayaw doon.
Umagaw ng pansin niya ang babaeng nakatabi niya, dahil bukod sa gandang mayroon ito sa kabila ng edad, ang galing pa nitong gumiling dahilan upang siya’y magpaturo rito at makipagkaibigan habang sila’y nagsasayaw.
Ngunit maya maya, pagkatapos ng kanilang zumba, kitang-kita niya kung paano yakapin ng kaniyang asawa ang naturang ginang na iyon dahilan para labis siyang manghina at mapaupo sa lupa.
“Tumayo ka, mama, hindi tayo nagpapatalo, hindi ba?” sambit ng kaniyang anak na labis niyang ikinagulat dahil alam niyang nasa eskwelahan na ito, “Papa, kamusta naman ang pangbababae mo? Bakit naman hindi ka pumili ng mas bata? Mayaman ba ‘yang amoy lupang ‘yan? Pahingi namang pangbaon!” sigaw pa nito dahilan upang mapatigil ang kaniyang asawa at sumimangot ang naturang ginang dahil halos lahat ng mga tao roon, nakatitig na sa kanila.
“Mabuti na lang talaga namana ko sa’yo ang kakapalan ng mukha mo, papa, ano? Pahingi na ako ng pera, dali! Paiyak na ‘yang kasama mo, eh!” dagdag pa ng kaniyang anak dahilan upang patago siyang mapatawa, kitang-kita niya kasi ang reaksyon ng kaniyang asawa na para bang nais nang lumubog sa lupa.
Hindi pa nasiyahan ang kaniyang anak at tinuro pa siya, “Ayan ang legal na asawa, ako ang anak at iyon ang kabit na pumapak ng kojic!” dahilan upang patagong maghagikgikan ang mga tao roon at tumakbo palayo ang naturang ginang habang ang asawa niya nama’y napapikit na lamang sa kahihiyan.
Pagkatapos noon, agad na siyang hinila pauwi ng kaniyang anak. Niyakap siya nito saka sinabing, “Hindi natin siya kailangan, mama, ha? Tayong dalawa, laban sa mundo!” dahilan upang labis siyang mapaiyak.