Inday TrendingInday Trending
Hinusgahan ang Dalagang ito nang Minsan Niyang Isiwalat ang Isang Katiwalian, Ito ang Naging Daan sa Masagana Niyang Buhay

Hinusgahan ang Dalagang ito nang Minsan Niyang Isiwalat ang Isang Katiwalian, Ito ang Naging Daan sa Masagana Niyang Buhay

“Sunshine, sigurado ka ba sa binitawan mong salita sa interbyu kahapon? Bakit hindi ka muna nag-isip bago mo sinabi sa harap ng kamera ‘yon, ha? Hindi mo ba alam na maaaring maraming magalit sa iyo?” inis na tanong ni Kisses sa kaniyang kaibigan, isang gabi matapos itong interbyuhin ng isang mang-uulat.

“Sigurado ako, Kisses, kitang-kita ko kung paano nagpalitan ng pera ang mga hurado at ang nanay noong nanalong binata. Alam kong maraming magagalit sa akin, lalo na’t sikat ‘yon at maraming tagahanga, pero hindi ko masikmura ang katiwaliang iyon,” paliwanag ni Sunshine sa kaibigan dahilan upang mapailing ito.

“Diyos ko, sana tinanggap mo na lang na hindi ka nanalo! Ano nang gagawin mo ngayon, ha? Maraming tao na ang galit sa’yo, hindi pa man nagsisimula ang career mo sa pag-aartista!” galit na tugon nito.

“Tanggap ko namang talo ako, eh, ang hindi ko matanggap, ang ginawa nilang katiwalian na halos dalawangpung kandidato ang naagrabyado at natuldukan ang pangarap maging artista!” depensa niya dahilan upang magtinginan na sa kanila ang ibang kabataang natalo katulad nila sa backstage.

“Hay, naku, ewan ko sa’yo, sige, ipaglaban mo ‘yan! Basta, labas ako d’yan, tanggap ko nang talo ako!” sambit nito saka siya iniwan doon.

Bata pa lamang ang dalagang si Sunshine, nais na niyang maging artista. Bukod kasi sa nalaman niyang malaki ang maaari niyang kitain dito na makakapagpaangat sa buhay ng kaniyang pamilya, nakitaan niya pa ng potensyal ang kaniyang sarili.

‘Ika niya, “Tiyak, sisikat talaga ako kapag naging artista ako! Ang galing-galing ko kayang umarte, sumayaw at kumanta! Manang-mana sa nanay kong diyosa!” dahilan upang siya’y suportahan ng kaniyang ina at tulungan pa siyang hasain ang kaniyang mga talento habang siya’y bata pa.

Kaya naman, nang mabalitaan niyang may gaganaping audition sa pag-aartista sa kanilang lugar para sa isang TV channel, hindi siya nagdalawang isip na sumali. Sa katunayan, sinama niya pa ang kababata niyang si Kisses na bukod sa talibre ang ganda, magaling pang bumirit.

Ngunit sa kasamaang palad, sila’y natalo at hindi niya ito matanggap dahil sa katiwaliang nasaksihan niya na agad niyang sinuplong sa mga mamamahayag na naroon.

Ito ang naging dahilan upang samu’t-saring panghuhusga at pangmamaliit ang kaniyang narinig. Simula noong maiere sa balita ang katiwaliang sinabi niya, hindi na natahimik ang buhay niya.

Bukod sa mga masasama at masasakit na mensaheng pinapadala sa kaniya ng mga taong sumusuporta sa binatang nanalo, pati kaniyang mga kapatid at nanay, pinagbabataan at minamaliit na ng mga tao dahilan upang maiyak na lang siya at mapatanong sa Diyos, “Bakit kung sino pa ang nasa tama, siya pa ang nasasakdal? Panginoon, alam mong nasa tama ako, pakiusap bigyan mo ng liwanag ang buhay ko.”

Simula noon, tinigil niya munang gumamit ng selpon at mas binantayan ang kaniyang pamilya. Hindi man niya magawang lumabas, mabuti na lang at and’yan ang ilan niyang mga kababata na handang tumulong sa kaniya. Inaliw niya na lamang ang sarili sa pagpipinta ng mga damit, bag at sapatos na binebenta naman ng kaniyang mga kababata dahilan upang sila’y magkaroon ng pagkakakitaan.

Ngunit isang araw, nagulat na lang siya nang marinig ang balita sa telebisyon na nagsasabing totoo ang katiwaliang kaniyang isiniwalat na napatunayan sa isang imbestigasyon dahilan upang ulitin ang audition na naganap sa kanilang lugar.

Nagdalawang-isip man siyang sumali ulit, sabi ng kaniyang ina, “Ngayon ka pa ba susuko? Kung kailan nagawa mong ipaglaban ang katotohanan? Kahit na sirain ka nila, ipakita mong hindi ka apektado,” dahilan upang ipagpatuloy niya ang muling pagsali sa nasabing patimpalak.

Hindi nga siya binigo ng Panginoon dahil sa wakas, nasungkit niya ang pangarap nang walang halong pandaraya. Purong puso at talento ang kaniyang ibinida kaya’t imposibleng hindi niya maiuwi ang tagumpay.

Doon niya napagtantong wala nang mas tatamis sa tagumpay na sinubok ng tadhana. Naranasan man niyang madurog dahil sa katotohanang isiniwalat niya, ito naman ang nagbigay daan sa maliwanag at masaganang buhay na naghihintay sa kaniya.

Noong araw ding iyon, agad siyang pinuntahan sa bahay ng kababatang si Kisses at siya’y binigyan ng bulaklak.

“Pasensiya ka na, Sunshine, ha? Inaway at iniwan pa kita imbes na tulungan kang ipaglaban ang katotohanan. Natakot kasi akong mapahamak, eh, pasensiya ka na,” sambit ng kaniyang kaibigan saka siya niyakap.

Advertisement