Inday TrendingInday Trending
Nangungupit ang Dalagang ito sa Tindahang Iniwan ng Kapatid, Ito ang dahilan upang Sila’y Malugi

Nangungupit ang Dalagang ito sa Tindahang Iniwan ng Kapatid, Ito ang dahilan upang Sila’y Malugi

“Bunso, aalis na si kuya sa isang linggo, eh, ikaw na munang bahala rito kila mama, ha? Pakiusap ko lang sa’yo, umuwi ka na agad pagkatapos ng klase mo, ha? Para bukod sa may kasama sila mama rito, mababantayan mo ‘tong tindahan ko,” bilin ng kuya ni Berna sa kaniya, isang hapon pagkauwi niya galing eskwelahan.

“Ako na ang magtitinda, kuya?” paglilinaw niya rito saka niya ibinaba ang gamit niya at naupo sa harapan ng kaniyang kapatid.

“Oo, sino pa ba? Pero kapag nasa eskwelahan ka, si mama at papa ang magbabantay, kapag nakauwi ka na, pagpahingahin mo muna sila at ikaw ang magbantay habang gumagawa ka ng mga assignments mo, may laptop naman ako, iwan ko na ‘yon sa’yo,” nakangiting sambit nito dahilan upang siya’y mapalundag.

“Ayun naman! Salamat, kuya! Pangako, gagalingan ko ang pagbabantay dito! Dadami pa lalo ang bibili sa atin hanggang sa maging grocery store na ‘to!” masaya niyang tugon.

“Dapat lang, dito na kayo kukuha ng pangkain niyo, eh. Tiyak, dalawa hanggang tatlong buwan pa bago ako makapagtrabaho sa roon, mag-aaral muna ako, eh,” paliwanag pa nito dahilan upang siya’y mapatango-tango.

“Makakaasa ka, kuya, salamat ulit!” sabi niya saka mahigpit na niyakap ang kapatid na tumataguyod sa kaniyang pag-aaral at sa kanilang buong pamilya.

Ang nakatatandang kapatid ng dalagang si Berna ang may-ari ng isang kilalang tindahan sa kanilang lugar. Nakilala ang naturang tindahang iyon dahil kahit anong hanapin ng mga tao, mapapapel de liha man o pang-ipit sa buhok, mayroon sila. Ito ang dahilan upang halos lahat ng tao, sa kanila bumili ng mga kailangang gamit, pagkain o kahit gamot.

Dahil dito, nagsimulang umangat ang kanilang buhay. Nagawa ng kaniyang kuya na ipagawa ang kanilang bahay na noo’y puro butas ang bubong at bukod pa roon, naipagamot nito ang mga magulang nilang pawang may sakit na highblood.

Ito ang dahilan upang ganoon na lang siyang matuwa nang malamang sa kaniya ihahabilin ng kaniyang kapatid ang naturang tindahang iyon.

Mahilig din kasi siyang magtinda at alam niyang kapag naranasan niyang pangunahan ang ganitong kilalang tindahan, lalaki ang kita ng kanilang buong pamilya dahil sa ugaling mayroon siya na bibo at madaldal. Dumating na nga ang araw ng pag-alis ng kaniyang kuya at katulad ng kanilang napag-usapan, siya na ang namahala sa kanilang tindahan sa tulong ng kanilang mga magulang.

Naging maayos naman ang unang buwan niyang pagbebenta rito, nagagawa nilang kumita ng hindi bababa sa limang libong piso kada araw dahilan upang labis na matuwa ang kaniyang mga magulang at lalo na ang kaniyang kapatid na ngayo’y nasa ibang bansa na.

Ngunit, dahil sa laki ng perang nahahawakan niya kada araw, hindi naiwasan ni Berna na mangupit ng pera at mga paninda. ‘Ika niya, “Hindi naman ito malalaman nila mama, saka hindi naman ito makakaapekto sa kinikita namin, laki-laki ng kita namin dito, eh,” dahilan upang magpatuloy siya sa pangungupit doon.

Ang pera at panindang kaniyang kinukuha ay binibigay niya sa kaniyang mga kaibigan dahilan upang dumami ang kaniyang mga kaibigan at kung saan-saan siya yayaing magkasiyahan.

“Berna, hindi ba’t sa inyo ‘yong sikat na tindahan sa barangay dos? Baka naman pwede mo kaming ilibre kahit dalawang boteng alak lang! Sige na!” pagpupulit ng isa niyang kaibigan dahilan upang siya’y magdesisyong umuwi at magpuslit ng alak habang abala sa pagbebenta ang kaniyang ina.

Ang pangungupit niyang iyon ay nagpatuloy. Lumaki pa ang perang kinukupit niya at dumami ang panindang kaniyang pinupuslit dahilan upang unti-unting bumagsak ang kanilang tindahan. Minsan pa, kahit limang piso lang ang pera ng kaniyang mga kaibigan bibili sa kaniya, bibigyan niya ito ng maraming produkto at may sukli pa.

Dahil sa pagkaluging ito, naalarma na ang kaniyang mga magulang at higit, ang kaniyang kuya dahilan upang siya’y kausapin na nito.

Tinanong nito kung anong nangyari upang sila’y malugi, wala siyang maisagot kung hindi ang, “Hindi ko alam, kuya.”

“Brenda, umamin ka na, nakita kitang naglagay ng alak sa bag mo noong isang beses habang ka-video call ko si mama. Hindi ko na lang sinabi sa kanila dahil baka mapagalitan ka. Palagi mo ba ‘yong ginagawa?” sambit nito na labis niyang ikinagulat dahilan upang siya’y mapahagulgol habang umaamin sa kapatid, “Bunso, iyan na lang ang pinagkikitaan natin sa ngayon, sana naman huwag mong unahin ang mga kaibigan mo at ang sarili mong kaligayahan kaysa sa pamilya natin. Naghihirap ako rito para sa inyong lahat, sana tulungan mo si kuya,” dagdag pa nito dahilan upang labis siyang maiyak at magsisi sa kaniyang mga ginawa.

Magmula noo’y hindi na niya inulit pang muli ang ganoong gawain, bagkus ay nagsumikap na lamang siya sa buhay upang makatulong sa kaniyang pamilya.

Advertisement