Inday TrendingInday Trending
Paglalasing ang Laging Ginagawa ng Ama Matapos Malaman ang Ginawa ng Kanilang Ina; May Kapatawaran ba ang Ginawa Nito sa Kanila?

Paglalasing ang Laging Ginagawa ng Ama Matapos Malaman ang Ginawa ng Kanilang Ina; May Kapatawaran ba ang Ginawa Nito sa Kanila?

“Papa, pwede bang itigil niyo na iyang ginagawa mo sa sarili niyo!” Saway ni Shiela sa ama. “Ang gulo-gulo na nga ng pamilya natin, dinadagdagan mo pa!” Kung pwede lang sanang mamili ng pamilya ay hindi ang pamilyang ito ang pipiliin niya.

“Bago mo ako pagsabihan, Shiela, pagsabihan mo muna ‘yong nanay mong malandi na nanlalaki, imbes na magtrabaho nang mabuti sa ibang bansa,” lalango-langong wika ni Ernesto, ang kaniyang ama.

Mula noong nalaman nitong may ibang kinakasama na ang ina sa pinagta-trabahuan nito sa Saudi Arabia, hindi na lumipas ang araw na hindi ito lasing. Halos gabi-gabing lasing, kaya walang magawa si Shiela kung ‘di alagaan ang apat niya pang mga kapatid.

Si Shiela ang panganay, disi otso anyos pa lang siya. Ang sumunod naman sa kaniyang si Albert ay disi sais. Ang pangatlo ay katorse anyos, ang pangalawa’y siyam na taong gulang at ang bunso naman ay apat na taong gulang pa lang.

Kaya walang magawa si Shiela, siya na ang tumayong ina sa mga kapatid niya mula noong nagdesisyon ang inang mag-abroad upang doon na magtrabaho.

“Kasalanan ko naman ang lahat ng ito,” maya maya ay wika ni Ernesto. “Kung naging responsableng ama’t asawa lang sana ako’y hindi mangyayaring mag-aabroad si mama niyo. Hindi sana mangyayaring nagkaroon siya ng ibang lalaki. Napakawalang kwentang tao ko kasi, kaya nangyayari sa pamilya natin ito,” umiiyak na wika nito.

“P-papa. Alam kong ginawa niyo ang lahat para sa’min,” humihikbing wika ni Shiela. “Alam kong kahit kulang ay sinikap niyong maitaguyod kaming magkakapatid. Huwag niyong isisi sa sarili ninyo ang lahat,” umiiyak na wika ni Shiela.

Oo. Kung hindi lang sana mahirap ang buhay nila’y hindi sana maiisip ng mama niyang magtrabaho sa malayo. Pero hindi niya kayang sisihin ang papa niya, dahil nakikita naman siya kung gaano itong nagsikap para sa kanila. Hindi nga ang sumasapat ang kinikita nito.

“Patawarin niyo ako,” humihikbing wika ni Ernesto. “Nasasaktan ako at sinisisi ko ang sarili ko sa nangyari. Sabay kaming nangarap ng mama mo noon. Walang ibang hinangad kung ‘di ang mapaganda ang buhay nating lahat.

Kaya nga ako pumayag nang magpaalam siya, kasi sabi niya para naman iyon sa pangarap namin. Kaso no’ng nakaluwag-luwag na siya’y nakalimutan niya ang pamilyang iniwan niya rito.

Hindi pala tungkol sa pangarap namin ang tinutupad niya. Pangarap niya lang pala ang nais niyang tuparin sa kaniyang sarili,” humahagulhol na wika ni Ernesto.

Nilapitan ni Shiela ang ama upang yakapin. “Tama na, papa. Nawala man si mama sa’yo. Nandito pa naman kami ng mga kapatid ko,” ani Shiela, awang-awa sa amang niloko ng kaniyang ina.

“Sana kasi nagsabi si mama mo. Sana prinangka niya ako. Hindi iyong malalaman ko pa sa ibang tao,” patuloy na tangis ni Ernesto. “Hayaan niyo, susubukan kong ayusin ang sarili ko. Patawarin niyo ako mga anak,” dugtong pa nito.

Gaya ng ipinangako ni Ernesto sa kanila ay inayos na nga nito ang sarili. Hindi na ito nag-iinom at bumalik na ito sa dating sarili. Mag-isa silang itinaguyod ni Ernesto, at sinikap na pag-aralin silang magkakapatid.

Lumipas ang dalawang taon at ngayon nga’y ga-graduate na si Shiela ng kolehiyo. Masayang-masaya ang lahat dahil sa wakas! Matutulungan na niya ang kaniyang ama sa pagpapaaral sa kaniyang apat pang mga kapatid.

“Anak,” mangiyak-ngiyak na sambit ng babaeng ilang taon na rin nilang hindi nakikita.

Pagkabigla ang gumuhit sa kaniya-kaniyang mukha ng lahat. Isang taon at apat na buwan pa lang ang bunso nilang kapatid mula noong umalis ang kanilang ina upang magtrabaho sa ibang bansa. Kaya hindi kataka-takang hindi na nila ito halos makilala.

“Anak, masaya ako para sa’yo,” muling wika ni Amelia, ang kanyang ina.

“A-anong ginagawa mo rito?” Walang emosyong wika ni Shiela.

“Nalaman kong graduate ka na. Kaya balak ko sanang surpresahin kayo.”

“Okay,” kibit-balikat ni Shiela, saka lumingon sa ama. “Nagkakausap pa ba kayo?”

“Hindi na. Nagulat nga rin ako sa pagdating niya,” sensirong sagot ni Ernesto. “N-nandito siya para sa inyo. Bakit hindi niyo siya yakapin? Hindi niyo ba namiss ang mama niyo?”

“Hindi!” Agad na sagot ni Shiela, habang tahimik lamang ang iba niyang kapatid. “Simula noong nalaman naming may ibang pamilya na siya’y inisip na rin naming p@tay na siya,” dugtong ni Shiela.

“Shiela, anak.” Mahinang sambit ni Amelia, saka humagulhol ng iyak.

“Galit ako sa’yo. Anong karapatan mong pumunta sa masayang araw ng buhay ko, pagkatapos mo kaming iwanan at ibaon na lang sa limot. Nangako ka noon na magta-trabaho ka lang doon.

Pero simula noong umalis ka’y hindi ka na muling bumalik. Hindi ka na nagparamdam pa sa’min. Kahit nga ang tawagan kami para ipagpaalam ang pagpapakasal mo doon ay hindi mo ginawa.

Imbes na ayusin ang buhay ng pamilya mo’y sinira mo kami. Ngayong nakakabangon na’y nandito ka ulit para manggulo?” Mahabang litanya ni Shiela. Matagal niyang kinimkim ang lahat ng iyon sa kanyang puso.

“P-patawarin niyo ako,” humihikbing wika ni Amelia.

“Kung kaya kang patawarin ng mga kapatis ko’t ni papa ay hindi ko kayang patawarin ka. Ni hindi ko na nga kayang tawagin kang ina,” matigas pa ring wika ni Shiela.

Nang akmang yayakapin siya nito’y agad siyang umiwas. “Umalis ka na. Tutal sinimulan mo na rin naman kaming kalimutan noon. Ituloy-tuloy mo na lang. Matagal na akong nasanay na wala ka. Kaya hindi na malaking kawalan sa’kin kung mawawala kang muli,” wika ni Shiela.

Walang nagawa si Amelia kung ‘di ang umalis. Bukod kasi kay Shiela ay hindi rin lumalapit sa kaniya ang iba pa niyang anak. Malaki ang naging kasalanan niya sa mga ito at hindi niya alam kung saan magsisimulang humingi ng tawad.

Nasasaktan man si Ernesto ay matagal na niyang napatawad si Amelia sa ginawang kasalanan noon. Kung hindi niya patatawarin ang dating asawa’y hindi niya rin magagawang patawarin ang kaniyang sarili. Hindi man mangyaring magkabalikan sila, ang mahalaga’y napatawad na niya ito.

Si Shiela naman ay hindi pa kayang sabihin kung kailan niya mapapatawad ang ina. Sanay na siyang wala ito. Malaking sugat ang ginawa ng kaniyang ina sa pamilya nila kaya hindi kayang sabihin kung kailan niya ito mapapatawad. Paano mo nga ba patatawarin ang isang tao kung hindi naman ito nanghingi ng kapatawaran?

Pero para sa ikakaayos ng lahat, patunayan lang ng ina na nagsisisi ito’y handa siyang ibigay ang kapatawaran para rito.

Advertisement