Naghinala ang Ginang na May Ibang Babae ang Kaniyang Asawa, Upang Mapatunayan Ito’y Nagpasama Siyang Sundan Ito; Ito Pala ang Totoo

“Iyang ama mo, duda talaga ako na may ibang kinakalantari iyan!” Gigil na wika ni Pia.

“Ano ba naman, ma. Pinagdududahan mo si papa na may iba?” Hindi makapaniwalang wika ni Ashley sa ina.

“Oo! Palibhasa kasi Ashley, wala ka pang asawa kaya hindi mo pa nararanasan iyang sinasabi ng nakakarami na woman’s instinct. Isipin mo ah, tuwing darating iyang ama mo galing sa trabaho.

Agad-agad ‘yang tatakbo sa banyo, para maligo. Pagkatapos maligo, kakain na ‘yan. Pahinga nang kaunti, ta’s aalis ng bahay. Duda ko sa t’wing umaalis iyang ama mo’y kinakatagpo niya ang kabit niya.”

Agad namang napaikot ni Ashley ang mata sa sinabi ng ina. “Grabe naman iyang woman’s instinct mo, mama.”

“Mamaya samahan mo ako para sundan natin iyang ama mo!”

“Ma!” Mahina ngunit mariing wika ni Ashley. “Masyado ka lang yatang nagtatamang hinala. Hindi ko kayang isipin na ginagawa ni papa iyang sinasabi mo. Baka naman may ibang dahilan si papa. Imposibleng may ibang babae siya. Ang tanda-tanda niyo na e,” wika ni Ashley.

“Hoy Ashley! Hindi por que matanda na kami’y hindi na namin kayang gumawa ng mali! Minsan nga’y kung kailan pa nagsitandaan ay doon pa nagloloko.

Advertisement

Kaya mamaya pagkarating ng ama mo, ‘pag aalis ulit siya’y samahan mo ako. Gusto kong malaman kung ano ang ginagawa niya! Gusto kong kumpirmahin na totoo ang aking hinala!” Buong loob na wika ni Pia sa anak, saka nag-martsa palabas ng silid nito.

Naiwan si Ashley na nagsasalubong anh kilay ay napapailing. Diyos ko! Kung kailan nagsitandaan, doon pa nagkaselosan.

Kinagabihan, pagkarating ni Hermano sa bahay ay napansin ni Ashley na masigla pa rin ito at tila hindi man lang nakaramdam ng pagod sa buong maghapong trabaho.

“Kumain ka na,” malambing na wika ni Pia sa asawa.

“Salamat mama,” malambing at nakangiting wika pa ni Hermano.

Hindi alintana ang pinaplanong gawin ng asawa. Tama nga ang sinabi kanina ng kainyang ina, dahil pagkatapos nilang kumain ay saglit munang nagpahinga ang kaniyang ama, habang nakaharap sa selpon nito. Saka maya maya ay pumasok sa banyo upang maligo at nagpaalam na lalabas muna saglit.

Gaya nang kanilang napag-usapan kanina ay sinundan nga nilang dalawa si Hermano. Naglalakad lamang ito at paminsan-minsan ay tumatakbo. Para silang stalker dalawa sa pagsunod sa ama.

Paminsan-minsan naman ay humihinto si Hermano at tinitingnan ang relong pambisig.

Advertisement

“Tingnan mo. Kanina pa siya naka-monitor sa relo niya. Siguro may usapan sila ng babae niya kung kailan sila magkikita,” bulong ni Pia.

“Agad-agad?” Sagot ni Ashley sa ina.

Nagpatuloy sila sa pagsunod kay Hermano, hanggang sa marating nila ang parke ng subdivision. Huminto doon si Hermano at nagpahinga. Nakangiting tinitingnan ang relong pambisig.

Maya maya ay naglabas ito ng maliit na notebook at ballpen, saka nagsulat.

“Ano iyang sinusulat ng ama mo?” Takang tanong ni Pia.

“Aba malay ko po?” Nagtataka ring wika ni Ashley. Love letter ba ang sinusulat ng papa niya? “Lapitan na kaya natin, mama? Para matapos na iyang duda mo kay papa, tutal nandito na rin naman tayo,” ani Ashley.

“Maya mayang kaunti kapag dumating na ang kabit niya.”

Ngunit halos kalahating oras na silang naghihintay sa kabit ni Hermano ay wala naman silang nakitang dumating.

Advertisement

“Ma, puntahan na natin si papa at tanungin. Wala namang ibang babaeng dumating kanina pa tayo rito e. Kung ayaw niyo, ako na ang pupunta at magtatanong sa kaniya,” naiinis ng wika ni Ashley.

“S-sige na nga,” napililitan pang wika ng ina.

“Papa,” tawag ni Ashley sa ama.

“Oh! Anong ginagawa niyo rito?” Takang tanong ni Hermano nang makita ang kaniyang mag-ina.

Nilingon muna ni Ashley ang ina. Gusto niya itong ilaglag at isumbong sa ama ang mga hinala nito, ngunit hindi niya ginawa. Sa halip ay; “Naglakad-lakad lang kami ni mama, pa. Nagpapababa ng kinain.

Sabi kasi ni mama’y parang hindi siya natunawan kaya sinamahan ko na,” pagatatakip niya sa ina. “Ikaw pa, anong ginagawa mo rito na mag-isa? May hinihintay ka ba?”

“Wala. Kagaya ng mama mo’y nagpapababa lang rin ako ng kinain,” agad na sagot ni Hermano. “May nabili kasi akong bagong relo, ‘nak. Ang ganda kasi kaya niyang sukatin ang blood pressure mo, ang heart beat mo at ang body temperature mo na rin.

Kaya nakakatuwang mag-excercise kasi namo-monitor mo na kung ano man ang problema mo sa katawan,” tuwang-tuwang wika ni Hermano.

Advertisement

Agad namang nilingon ni Ashley ang ina na para bang nais niyang sabihin na mali ang lahat ng hinala nito.

“Saan mo nabili ‘yan, papa?” Tanong ni Ashley.

“Sa kaibigan ko lang. Gusto ko nga ring bilhan si mama mo, kaso kulang pa ang budget,” kakamot-kamot na wika ni Hermano. “Tingnan mo itong maliit na notebook ko,” anito sabay abot ng maliit na notebook sa anak. “D’yan ko sinusulat ang lahat para mabilis kong siyang mamo-monitor.”

“Ang galing naman ng relong iyan, papa. Bibili nga rin ako niyan,” masayang wika ni Ashley.

Sabay-sabay na rin silang tatlo na umuwi sa bahay nila. Pagkarating sa bahay ay agad niyang kinausap ang mapaghinalang ina.

“Alam mo mama, kung ano man ang pinagdududahan mo kay papa, mas mabuting siya agad ang kausapin ninyo. Tingnan mo ngayon, ilang Linggo ka nang na stress d’yan sa maling hinala mo.

Kung sana’y tinanong at sinita mo agad si papa, nalaman mo kaagad na nag-eexcercise lang pala siya’t hindi nambababae gaya ng hinala niyo,” kakamot-kamot na wika ni Ashley.

“Kaya nga e. Sa susunod mas pagtitibayin ko pa ang tiwala ko sa ama mo,” nakangiting wika ni Pia.

Advertisement

“Dapat lang. Jusko ang tatanda niyo na, pero para pa rin kayong teenager,” natatawang wika ni Ashley sa ina.

Kaya sa relasyon, mas maganda talaga kapag may tiwala ka sa partner mo at may komunikasyon kayo sa isa’t-isa, upang hindi lumala ang mga hindi niyo pagkakaintindihan.