Ang Mamboboso Sa Bus

Ang Mamboboso Sa Bus

KarmaMysteryStories

Ngingisi-ngisi si Ton-Ton nang huminto sa ang bus sa isa sa mga bus stop habang tinatahak nila ang daan patungong Maynila. Galing siya sa Batangas at ngayon pauwi na sana sa kanila.

Umiiral ang kaniyang pagiging hayok sa laman ng babae dahil halos magdadalawang buwan din siyang tigang dahil puro trabaho na lang ang kanyang inaatupag sa Batangas. Wala na siyang oras pang mag-happy-happy roon dahil napakahigpit ng kanilang boss. Kaya naman ganoon na lang ang tuwa ni Ton-Ton nang isang mala-probinsyanang dalaga ang piniling maupo sa kaniyang tabi. Suot nito ay isang mahabang bestida at long sleeves na pang-itaas. Ang buhok nito ay nakapusod lang nang simple, habang wala itong suot na kolorete sa mukha. Ganoon pa man, napakaganda at napakaamo ng mukha nito.

“Naka-jackpot pa yata ako ng birhen!” hiyaw ng isipan ni Ton-Ton na noon ay nag-uumpisa nang mag-isip ng mal*aswa.

Kinuha niya ang isang maliit na salamin sa kaniyang bag. Upang ihulog iyon sa bandang paanan ng dalagang kaagad na pumikit matapos na maging komportable sa kaniyang pagkakaupo. Mukhang balak nitong matulog kaagad.

“Kung sinusuwerte ka nga naman! Siya pa mismo ang nagbuka ng kaniyang mga hita para makita ko nang mas mainam ang dapat kong makita!” hindi napigilang bulong ni Ton-Ton habang unti-unti niyang inaayos ang puwesto ng salamin gamit ang kaniyang paa.

“Kaunti na lang, makikita ko na kung ano ang nasa ilalim ng bestida mo, miss!” saad pa ni Ton-Ton sa likod ng kaniyang isip.

Pinagpapawisan na dahil sa excitement noon si Ton-Ton. Tinitingnan na niya ngayon ang salamin upang mabosohan na niya ang birheng probinsyana—ngunit bakit kinilabutan siya nang tuluyan na niyang makita kung ano ang nasa ilalim ng mahabang bistidang iyon?!

“I-impakto! Impakto ka!” Paulit-ulit na hiyaw ni Ton-Ton nang mag-angat siya ng tingin at namataang nakangiti habang nakatitig sa kaniya ang dalagang hindi niya mawari kung bakit may mukha rin ng tao sa puwe*rta!

“Tulungan ninyo ako! Tulong!” agad niyang tawag sa atensyon ng mga kasama sa bus.

Biglang humalakhak ang probinsyanang iyon na parang nasisiyahang takot na takot siya! Nanigas si Ton-Ton sa kaniyang kinauupuan. Kanina pa siya sigaw nang sigaw ngunit parang hindi siya napapansin ng kanilang mga kasamang nakasakay sa bus!

“Ayaw ko na! Pakiusap, huwag mo akong p*tayin!” Hiyaw nang hiyaw si Ton-Ton, habang tawa naman nang tawa ang ngayon ay naglalaway nang dalaga.

Tinawag na ni Ton-Ton ang lahat ng kilala niyang santo ngunit lalo lamang lumakas ang halakhak ng nakatatakot na nilalang na nasa kaniyang harapan ngayon.

“Kahit ano ang gawin mo, hindi ka kayang iligtas ng mga santong binabanggit mo!” sigaw ng babae sa tapat mismo nang mukha ni Ton-Ton.

Handa na siyang sakalin nito nang muli muli siyang humingi ng tulong…

“Diyos ko, tulungan po ninyo ako!” hiyaw ni Ton-Ton.

Doon ay bigla siyang nagising mula sa mahimbing na pagkakabangungot!

“Salamat po, Diyos kong Hesu Kristo!” napaluhang pasasalamat ni Ton-ton sa Maykapal habang magkasalikop ang kaniyang mga palad. Habol-habol din niya ang kaniyang paghinga. Nang lingunin niya ang kaniyang katabi ay naroon pa rin ang probinsyanang nananatiling tulog at nahihimbing. Imbes na pagnasaang muli ay palihim siyang humingi ng tawad sa babae.

Nakauwi nang matiwasay si Ton-Ton sa kaniyang pamilya.

“Salamat naman, mahal at ligtas kang nakauwi,” salubong sa kaniya ng kaniyang asawa.

“Oo, mahal. Magpasalamat tayo sa Diyos,” sagot naman ni Ton-Ton.

Noong una ay nahihiya pa siyang ikuwento sa asawa ang kaniyang kalokohan at ang naranasan niyang parusa habang siya ay nasa bus. Agad siyang humingi ng tawad sa asawa nang makaramdam ito ng galit dahil sa kaniyang ginawa. Mabuti na lamang at pinatawad kaagad siya ng kaniyang misis. Nangako na lamang siyang hindi na uulitin pa ang ganoong bagay.

Naging napakalaking leksyon para kay Ton-Ton ang bangungot niyang iyon habang siya ay nakasakay sa bus. Simula nang araw na iyon ay inalis nang lahat ni Ton-Ton sa kaniyang sarili ang pag-iisip ng malalaswa at marumi tungkol sa kaniyang kapwa. Natatakot siyang muling bangungutin at baka hindi na siya isalba pa dahil sa kaniyang makasalanang pag-iisip.

Isa pa sa kaniyang mga natutunan ay ang pagdarasal at pagbanggit ng pangalan lamang ng Diyos na siyang pinakamakapangyarihan sa lahat. Kapag sa Kaniya ka kasi kumapit ay siguradong darating ang agarang tulong na iyong kailangan.

More Stories