Tawag ng Serbisyo

“Sir Rod! Sir Rod!”

Humahangos ang tawag na iyon ng isa sa mga kapitbahay ng pulis na si SPO3 Roderick Gilas kaya naman mabilis pa sa alas kuwatrong nakabalikwas siya ng bangon mula sa pagkakahimbing upang kumaripas ng takbo palabas ng kanilang bahay.

“Oh, Goryong, bakit?” kunot-noo ngunit may pag-aalalang tanong ng pulis sa kapitbahay na si Goryong. Namumula-mula pa ang kaniyang mga mata, magulo ang buhok at may bakas pa ng higaan sa mukha, tanda na galing sa pagkakatulog ang naturang pulis.

“Sir Rod, pasensiya na po kung naistorbo ko ang pagkakatulog ninyo, pero kayo na lang po ang alam kong pupuwede kong lapitan. Isang lalaki po ang pinagtutulung-tulungan ng mga tambay doon sa covered court natin. Baka po pupuwede ninyong respondehan?” pakiusap ni Goryo sa kaniya na agad namang tinanguan ni Roderick.

“Aba, oo naman! Tara na. Mabuti na lang at nakatulog na pala ako kahit hindi pa ako nakakapagbihis kanina,” sabi pa ni Roderick. Suot pa kasi niya amg kaniyang uniporme.

Habang papalapit sila sa lugar na pinangyayarihan ng kaguluhan ay lumalakas nang lumalakas ang naririnig niyang hiyawan. Agad niyang namataan ang isang lalaking nakahiga na sa sahig ng covered court habang tinatadyak-tadyakan ito ng mga tambay na kilalang mga siga sa kanilang lugar.

“Goryo, pakitawag ʼyong ilang kasamahan mong tanod. Huwag ninyong pakawalan ang mga ʼyan,” pagbibigay instruksyon ni Roderick kay Goryo na agad namang tumalima sa kaniyang utos. Iniradyo na rin niya ang pangyayari sa kanilang istasyon para naman agad na dumating ang kaniyang resbak.

Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Roderick at agad na siyang pumito upang kunin ang atensyon ng mga tambay na nambub*gbog sa lalaking tumba na sa sahig.

Advertisement

“Walang kikilos ng masama! Taas ang kamay!” malakas at ma-awtoridad niyang hiyaw habang hawak ang kaniyang baril.

Tangka sanang magpupulasan ang mga naturang tambay nang agad silang maharang ng tinawag na mga tanod ni SPO3 Roderick Gilas.

Habang papalapit siya sa biktima ay tila unti-unti niyang nakikilala ang pigura ng taong ito. Hindi siya sigurado, kaya naman ihinarap niya ang nakatalikod nitong mukha sa kaniya.

“Vic?!”

Pagkilala ni Roderick sa kilalang bully noong highschool student pa lamang siya! Isa itong malupit na bully na siyang naging inspirasyon noon ni Roderick upang mangarap na maging isang pulis.

Napaatras siya. “S-si Vic nga ito!” sambit niya sa kaniyang sarili. Tila nagbalik sa kaniyang mga alaala kung gaano kalupit ang binata sa kaniya noong sila ay bata pa. Madalas siyang batok-batukan at utus-utusan nito, dahil napakalaking bulas noon ni Vic, habang siya naman ay isang patpating teenager.

Nagdalawang isip si Roderick kung tama bang tinutulungan niya ang lalaking ito na ngayon ay makikitang halos manghiram na ng mukha sa aso. Lagas na ang mga ngipin nito at puno ng dugo ang mukha sa makailang ulit na kasusuntok ng mahigit sampung mga kalalakihang bum*gbog dito!

Ganoon pa man, nabuo na agad ang kaniyang desisyon…

Advertisement

“Dalhin nʼyo na sa presinto ang mga ʼyan!” mando ni Roderick sa kaniyang mga kasamahang pulis nang mabilis silang nakarating dito sa covered court ng kanilang lugar upang rumesponde.

“Yes, sir!”

Pinili niyang tulungan pa rin ang taong dating napakasama sa kaniya, dahil hindi niya kayang talikuran ang tawag ng kaniyang tungkulin, kahit pa nga kaaway niya na ang involve sa kaso.

Napag-alaman niyang away pala sa babae ang pinagmulan ng gulong kinasangkutan ni Vic. Niresbakan lang pala ito ng nakararaming kaibigan ng lalaking nauna na nitong saktan. Ganoon pa man, hindi siya nagsisi na tinulungan niya pa rin si Vic, dahil baka kung saan pa umabot ang away na iyon ng mga tambay. Hindi magandang impluwensya iyon para sa mga batang makakakita.

“Salamat, Sir. Kung hindi po dahil sa inyo, baka kung ano na ang nangyari sa akin,” taos pusong humingi ng pasasalamat si Vic kay SPO3 Roderick Gilas na ikinabigla naman ng pulis.

“Alam ko pong marami akong nagawang kasalanan sa inyo noong highschool ngunit lahat ng iyon ay pinagsisisihan ko na ngayon. Sana, pagdating ng araw ay mapatawad ninyo rin ako, Sir!” dagdag pa ni Vic na yumukod pa sa harapan ng pulis na si Roderick.

Tango at tapik sa balikat naman ang isinagot ni Roderick sa lalaki. Isang dakilang pulis si Roderick. Kahit pa pinakamatindi niyang kaaway si Vic ay nagawa niya pa rin itong tulungan, dahil hindi nito kayang talikuran ang kaniyang call of duty.