Yamang Pamana

“Grabe, Klio, mahal ma mahal ka pala ni Lola Conchita? Pinamanahan ka niya ng Teddy bear!”

“Kaya nga! Ang lakas mo pala kay lola, insan, e!”

Kanina pa nagtatawanan ang kaniyang mga nakatatandang pinsan mula nang matapos basahin ng abogado ng kanilang lola ang last will and testament na iniwan ni Donya Conchita bago ito mawala. Nakasaad doon na ipinapamana nito ang kalahati ng kaniyang mga negosyo sa panganay nitong apong si Leandro habang ang kalahati naman ay mapupunta kay Minerva na kapatid nito. Ang mansyon ay mapupunta naman sa charity, habang ang iniwan lamang nito para sa bunso nitong apong si Klio ay isang stuffed toy na teddy bear.

Ganoon pa man, wala iyong kaso kay Klio. Hindi siya malungkot habang papalabas sila sa opisina ng abogado ni Donya Conchita dahil sa kadahilanang tanging teddy bear lamang ang iniwan sa kaniyang pamana, kundi ang kaisipang tuluyan na nga talagang namaalam ang kaniyang lola.

“Ayos ka lang ba, anak?” tanong ng mama ni Klio sa kaniya nang mapansin nitong matamlay ang kaniyang hitsura.

“Ang totoo po, mama, hindi. Miss na miss ko na po si Lola!” iyak naman ng labing pitong taong gulang na si Klio sa ina.

“Gusto mo bang puntahan natin ang puntod niya, anak? Halika.”

Agad na napatango si Klio at masiglang sumakay ng kotse upang iwan ang kaniyang mapangbuskang mga pinsan.

Advertisement

Nang marating nila ang puntod ng kaniyang lola ay agad na napayakap sa nitso si Klio.

“Lola, maraming-maraming salamat po dahil sa akin po ninyo ibinigay ang pinakaimportanteng bagay na iniwan sa inyo ng lolo. Itong teddy bear pong ito ang siyang pinakaunang regalo niya sa inyo, hindi po ba? Maraming-maraming salamat po, lola!” hagulgol ni Klio habang kinakausap ang kaniyang lola.

Niyakap pa nang mahigpit ng binatilyo ang naturang Teddy bear, dahilan upang mapindot nito ang play button ng isang maliit na speaker sa loob ng naturang teddy bear.

“Open this teddy, apo, kapag nakuha mo na. See whatʼs inside,” sabi ng isang voice recording ng kaniyang Lola Conchita na nag-play bigla.

Napakunot naman ang noo ni Klio sa narinig.

“Anak, gusto yata ng lola mo ma tingnan mo kung ano ang nasa loob ng teddy bear na ʼyan,” sabi ng kaniyang mama.

Nalilito man ay tumalima si Klio habang namumuo pa rin ang luha sa kaniyang mga mata. Maingat niyang ibinaba ang zipper ng naturang teddy bear at ganoon na lamang ang singhap nila ng ina nang mapag-alaman kung ano nga ba ang totoong laman niyon!

“M-mama! Mga crystals ʼto, hindi po ba?!” gulat na gulat na tanong ni Klio sa kaniyang ina.

Advertisement

Nakakita na kasi siya ng ganoon dahil nagmamay-ari ng isang malaking jewelry company ang kaniyang Lola Conchita!

“O-oo nga, anak!”

Tila nahilo ang mag-ina sa dami ng mamahaling mga batong iyon na nasa loob pala ng teddy bear ng kaniyang lola!

Samantala, napanganga naman sina Leandro at Minerva sa nakita, na kanina pa pala nanunuod kay Klio at sa ina nito. Sinundan nila si Klio upang sana ay patuloy na pagtawanan, ngunit mukhang sila pa ngayon ang tatawanan nito!

Ang halaga kasi ng ipinamana ng kanilang lola kay Klio ay singhalaga ng ilang ulit na pinagsamang mana nila Leandro at Minerva!

“C-congrats, pinsan!” nahihiyang bati na lamang ni Leandro sa kaniyang nakababatang pinsang si Klio.

“S-sorry kung pinagtawanan ka namin. H-hindi namin sinasadya,” sabi naman ni Minerva.

Ngiti ang isinagot sa kanila ng mabuting si Klio.

Advertisement

“Pinatatawad ko na po kayo, Kuya, Ate… pero hindi po ba kayo magpapasalamat kay lola?”

Natahimik ang magkapatid sa naitanong ni Klio sa kanila. Bakit nga ba hindi muna sila nagpasalamat bago nagyabang kanina? Edi sana ay hindi na sila napahiya pa.

Walang mabuting maidudulot ang pagiging masaya sa kalungkutan ng ibang tao, lalo na kapag ang kalungkutang iyon ay dapat na kalungkutan mo rin. Hindi kabawasan sa ating pagkatao kung gaano kalaki o kaliit lang ang matatanggap nating regalo, mana o kahit ano, dahil mas mahalaga pa rin ang kahulugan ng pagbibigay nito sa ʼyo.

Napakatotoo ng pagmamahal ni Klio sa kaniyang Lola Conchita na hindi niya inisip na maliit lang ang ibinigay nito sa kaniya. Mas inuna niyang magpasalamat kahit nanghihinayang siyang hindi na niya makakasama pa ang pinakamamahal niyang lola, na naging daan upang matuklasan niya ang mas malaking surpresa pala sa kaniya ng kapalaran.