Angking Galing ng Isang Putol

Ipinanganak na putol ang mga kamay at paa ngunit may angking galing pagdating sa pagpipinta! Marami ang nagtataka kung paanong ang putol na kagaya ni Jerry ay itinanghal na isa sa pinakamagaling na pintor sa Pilipinas nang mga panahong ito?!

“Ano nga ba ang sikreto mo, Mr. Jerry Antonio at matagumpay mong naabot ang iyong pangarap na pangiging isang pintor sa kabila ng iyong kalagayan?” tanong ng isang interviewer sa kilalang pintor na si Jerry Antonio.

“Sikreto? Wala naman ako noʼn. Ang tanging sandata ko lang naman laban sa mga dagok na dumarating sa akin upang subukin ako ay ang matinding determinasyon kong makamit ang pangarap ko para na rin sa aking pamilya,” sagot naman ni Jerry na noon ay manghang nakatingin sa napakarami palang taong humahanga sa kaniya.

Malakas na nagpalakpakan ang audience ng show na iyon sa isang channel sa TV na muntik nang ikaiyak ni Jerry. Mabuti na nga lamang at mabilis niyang nabawi ang kaniyang luha.

“Maaari ka bang magkuwento ng ilan sa mga pinagdaanan mo, habang sinusubukan mong abutin ang iyong mga pangarap?”

Muling itinapat sa kaniya ng host ng naturang show ang hawak nitong mikropono.

“Isa akong pintor na ipinanganak na putol ang mga kamay at paa. Ang gamit ko sa aking pagpipinta ay tanging bibig ko lang na siya ring ginagamit ko ngayon upang inahagi sa inyong lahat ang aking kuwento…

Nagsimula akong magtrabaho noon bilang isang announcer sa binggo upang mabuhay ko ang pamilya ko. Ang nanay at mga kapatid kong naghihirap na alagaan ako noon dahil sa aking kalagayan. Ginawa ko ang lahat upang maibsan ang pagiging pasakit ko sa kanila, hanggang sa matuklasan ko ang talento ko noon sa pagguhit, nang minsang subukan kong isubo ang lapis na nakita ko lang sa lamesa naming maliit at ipangsulat iyon sa papel. Hindi inaasahang nakagawa ako ng isang magandang drawing ng bulaklak na ikinatuwa noon ng kuya ko. Ipinagmalaki niya pa nga sa mga kapitbahat namin noon na gawa ko iyon. Simula noon ay nagkaroon ako ng kumpiyansa sa sarili ko… sabi ko, ‘mayroon pa pala akong ibang kayang gawin?ʼ

Advertisement

Maraming dumaang pagsubok. Hindi naging madali ang pagtahak ko sa aking mga pangarap lalo na noong mag-umpisa akong makaranas ng diskriminsasyon dahil sa aking kalagayan.

Ngunit lahat nang iyon ay isinantabi ko at patuloy akong nagsumikap,” ang mahabang litanya ni Jerry tungkol sa kaniyang buhay.

Marami ang naluha habang tinitingnan sa nila ang napakagandang paintings na ipininta ni Jerry. Naka-set up kasi ang stage ng naturang show upang magmukhang isang malaking exhibit ng mga paintings ng binata.

Naging isang inspirasyon ng nakararami ang kuwento ng buhay ng putol na pintor at kung papaano nito napagtagumpayan ang lahat sa pamamagitan ng matinding pangarap at determinasyon nitong makamit ang mithi nitong buhay.

Kinilala si Jerry bilang isa sa pinakamagaling na pintor sa Pilipinas na sa nalalapit na panahon na lang ay lalaban sa isang world wide painting competition, laban sa ibaʼt-ibang bansa.

“Good luck sa ʼyo, anak. Nawaʼy patnubayan ka ng ating Panginoon para sa magiging laban mo,” saad noon ng kaniyang ina bago mag-umpisa ang kompetisyon.

“Bunso, tandaan mo sanang hindi na lang kami nina inay ang sumusuporta ngayon, kundi ang buong Pilipinas na rin! Kaya mo ʼyan!” sabi naman ng kaniyang kuya na lalo pang nakadagdag sa kumpiyansa ni Jerry.

Habang ihinahatid siya ng isang staff ng naturang contest sa kaniyang puwesto, sakay ng isang wheelchair ay hindi maiwasang marinig niya ang hagikhikan ng ilan sa mga kasaling contestants na pawang mga galing sa ibaʼt ibang bansa. Alam niyang pinagtatawanan ng mga ito ang kaniyang kalagayan. Ngunit tulad ng dati, hindi niya pinansin ang mga iyon.

Advertisement

Halos magbunyi ang buong pilipinas nang mapag-announce na kung sinonang nanalo sa naturang world wide contest!

“Congratulations, Mr. Jerry Antonio, because you are the champion of this competition!”

In-announce na kampiyon si Jerry!

Muli na namang nakapagdala ng karangalan si Jerry sa Pilipinas nang dahil sa kaniyang talento at pagiging determinadong manalo! Hindi nawala ang kumpiyansa niya sa sarili sa kabila ng ilang mga negatibong bagay sa kaniyang paligid!

Ipinanganak mang kulang ang parte ng matawan ni Jerry ag biniyayaan naman siya ng isang napakalaking talentong hinding-hindi kailan man kayang nakawin ninuman at iyon ang kaniyang higit na ipinagpapasalamat sa Maykapal!