
Sobra ang Pagiging Kunsintindora ng Nanay na Ito; Sa Huli ay Ikinabigla Niya ang Kasalanang Nagawa ng Anak
“Ano pong nangyari?” agad na usisa ni Laura nang dumating siya sa opisina ng guro ng kaniyang anak na si Sheena.
Ipinatawag kasi siya ng guro sa hindi niya na mabilang na pagkakataon. Ikinuwento naman ng guro ang kasalanan umano ng anak niya.
“Ginawa mo ba ‘yun? Pinatid mo ang kaklase mong si Aubrey?” usisa ng kaniyang ina.
Tumango ito kasabay ang pagdadahilan. “Opo. Pero hindi naman po ako ang nauna. Inaasar niya kasi ako kaya ko ginawa ‘yun.”
“Ma’am, hindi po totoo ang sinasabi ni Sheena! Siya po ang nauna. Ayaw niya kasing umalis sa dadaanan ko!” depensa naman ni Aubrey.
“Sheena. Marami ang nakasaksi ng ginawa mo. Mag-sorry ka sa kaklase mo,” suhestiyon ng guro.
Nakaramdam siya ng iritasyon dahil tila hindi naniniwala ang guro sa sinabi ng anak niya. Hindi siya papayag na apihin lang ng kung sino ang nag-iisa niyang anak!
“Hindi magso-sorry ang anak ko! Kagaya ng sabi niya hindi naman siya ang nanguna!” inis na bulalas niya.
Wala namang nagawa ang mga ito kundi ang pumayag na akuin niya na lang ang ginastos ng mga ito sa pagpapagamot ng mga sugat ni Aubrey.
Nakangiti siyang niyakap ng anak nang makauwi sila.
“Mama, thank you po sa lagi niyong pagtatanggol sa akin,” paglalambing nito.
“Syempre naman, anak. Walang kahit na sino ang mang-aapi sa’yo,” nakangiting tugon niya sa anak.
Mahal na mahal ni Laura ang nag-iisang anak lalo pa’t isa itong “miracle baby.” At nangako siya na ibibigay niya rito ang lahat.
Nang gabing iyon, habang kumakain sila ay may iniungot si Sheena sa kanilang mag-asawa.
“Mama, Papa, kailan niyo po ako bibilhan ng sariling kotse?” usisa nito.
“Kotse? Hindi ba’t masyado ka bang bata para doon? Magpahatid-sundo ka na lang sa driver habang nag-aaral ka pa,” sagot ng kaniyang asawa.
Mahabang diskusyon pa ang namagitan sa mag-ama bago pumayag ang lalaki.
Napailing na lamang si Laura habang nakikinig sa dalawa.
“Bibilhan kita ng kotse sa isang kondisyon. Kailangan ikaw ang may pinakamataas na marka sa lahat ng kaklase mo.”
Napahiyaw ito sa sobrang saya. Alam niya kung bakit tuwang-tuwa ang anak. Matalino kasi ito. Marahil ay alam na alam nitong hindi naman mahirap ang kondisyon ng hinihingi ng ama.
“Papa, promise ‘yan, ha? Wala nang bawian!” anito bago masiglang ipinagpatuloy ang pagkain.
Nagkatinginan na lamang sila mag-asawa. Alam kasi nila na lahat ng hingin ng anak ay ibibigay nila.
Makalipas ang ilang buwan ay nakatanggap na naman siya ng tawag mula sa guro ng kaniyang anak. Wala itong sinabi kung tungkol saan, ngunit nais nito na pumunta siya ng eskwelahan.
Napangiti si Laura. Naisip niya na malamang ay ukol iyon sa mataas na marka ng kaniyang anak.
Subalit nang dumating siya ay ikinagalit niya ang naratnan.
Pinapagalitan ng guro ang kaniyang anak!
Tila isang basang sisiw naman na nakayuko sa isang sulok si Sheena, habang tinatanggap ang sermon ng galit na guro.
Agad siyang nakaramdam ng masidhing galit. Ano ang karapatan nito na pangaralan ang anak niya?
“Anong nangyayari rito? Bakit niyo pinapagalitan ang anak ko?” agarang sita niya!
Si Sheena naman ay agad na yumakap sa kaniya habang umiiyak.
“Mommy! Hindi ko po sinasadya!” wika nito.
Mas lalo siyang nakaramdam ng galit. Hindi naman pala sinasadya ng anak niya, bakit ito pinapagalitan nang ganoon?
“Hindi naman pala sinasadya na anak ko–”
Napapitlag siya dahil sa unang-unang pagkakataon ay narinig niyang nagtaas ng boses ang mahinhin na guro ng anak niya.
“‘Yan! ‘Yan ho ang dahilan kaya nagkaganyan si Sheena! Dahil hindi niyo siya binibigyan ng pagkakataon na pag-isipan na mali ang ginawa niya. Lagi na lang siya kinukunsinti! Bakit hindi niyo siya tanungin kung anong kasalanan niya?” pabulyaw na pahayag nito.
Gulat man sa salita ng guro ay bumaling siya sa anak. “Anong nangyari?”
Nanatiling umiiyak ang kaniyang anak. Matapos ang mahaba-habang pananahimik ay nagsalita ito.
“Itinago ko po ang bag ni Aubrey. Kaya nung inatake siya ng asthma, hindi niya nakuha ang gamot niya sa bag,” sumisigok-sigok pang kwento nito.
Gulat na gulat siya sa kwento ng anak. “Ano? Anong nangyari kay Aubrey? Ayos na ba siya?” hindi magkandaugagang usisa niya.
“Opo. Dinala na po siya sa ospital,” sagot naman nito.
Tinitigan niya nang matiim ang anak. Hindi siya makapaniwala na nagawa iyon ng anak niya! Seryoso ang kasalananan nito, lalo pa’t nanganib ang buhay ng kaklase nito!
“Bakit? Bakit mo ginawa ‘yun?”
Muli itong napaiyak.
“Kasi po sabi niyo ni Papa bibilhan niyo ako ng kotse kapag ako ang nauna sa klase. Itinago ko po ‘yung bag ni Aubrey para mahuli siya sa klase at maging mas mataas ang grades ko,” pag-amin nito.
Nanlumo si Laura. Napagtanto niya na walang ibang dapat sisihin kundi siya. Sa sobrang pagmamahal niya kasi sa anak ay paulit-ulit niyang kinunsinti ang mga kalokohan nito.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay sinermunan niya nang matindi ang pinakamamahal na anak.
Kasama si Sheena ay taos-puso siyang humingi ng tawad sa mga taong nasaktan ng kaniyang anak – sa guro nito, sa kaklase nitong si Aubrey, at sa iba pa nitong kaklase.
Labis ang pagsisisi niya. Sa pagnanais niya na mapabuti ang sarili niyang anak ay hindi niya na napansin ang masasamang nagawa nito sa kapwa nito. Mabuti na lamang at nabigyan pa siya ng pagkakataon na itama ang kaniyang mga pagkakamali.