Inday TrendingInday Trending
Kinaiinisan ng Lahat ang Guro na Ito na Ubod ng Sungit; Nabigla Sila sa Istorya ng Buhay Nito

Kinaiinisan ng Lahat ang Guro na Ito na Ubod ng Sungit; Nabigla Sila sa Istorya ng Buhay Nito

“Nariyan si Ma’am! Nariyan na si Ma’am!” apuradong anunsyo ng isa nilang kamag-aral.

Animo may dumaang anghel nang tumahimik ang kanina lang ay napakagulo at napakaingay nilang silid aralan. Nagmadali ang lahat sa pag-aayos ng mga upuan.

Sa tunog pa lamang ng takong ng kinatatakutang si Ma’am Bernadette Hermosa ay tahimik na agad ang mga estudyante.

“Natapos niyo ba ang pinagawa kong assignment sa inyo kahapon?” walang paligoy-ligoy na tanong nito.

“Opo!” sabay-sabay na sagot ng lahat. Bawat isa ay kabado dahil sa kanilang masungit na guro.

Hindi masisisi ni Raven ang kaniyang mga kamag-aral. Kilalang-kilala kasi si Ma’am Hermosa sa pagiging ubod ng sungit at istrikto.

Sa buong taon niyang pagkakakilala dito ay hindi niya pa ito nakitang ngumiti kahit na isang beses.

“Kung ganoon, ipasa niyo rito ang assignment sa harap. Pagkatapos ay buksan ang libro sa pahina 67,” utos nito na agad naman nilang sinunod.

Nang masiguro na ang lahat ay naghanda ay nagsimula na itong magturo. Halos hilahin ng lahat ang oras sa pagnanais na matapos na ang klase ng nakakatakot na guro.

Nang matapos ang klase nito ay hindi na siya nagulat nang marinig ang sunod-sunod na reklamo ng kaniyang mga kaklase.

“Grabe, napakasungit talaga! Nakakainis!”

Nangiti na lang siya at napailing.

“Hayaan niyo na at baka may pinagdadaanan lang. Hindi na ba kayo nasanay?” bahagyang pagtatanggol niya sa guro.

Sa sinabi niya ay agad siyang kinontra ng kaibigan niyang si Macy.

“Pinagdadaanan? Grabe naman, isang taon na niya tayong sinusungitan! Hindi ka ba naiinis sa kaniya kahit kaunti, Raven?” tanong nito. Bakas sa mukha nito ang iritasyon.

Sandali niyang pinag-isipan kung paano sasagutin ang katanungan nito.

“Oo, kung minsan,” buong katapatang sagot niya,

Hindi naman siya impokrita. Kung minsan ay talagang naiinis din siya pero siguro ay hindi pa lang siya sanay.

Sa lahat ng mga naging guro niya ay ito ang kakaiba. Parang kasing lagi itong galit sa mundo.

“Pero sigurado ako may rason kung bakit ganon. Hayaan mo na, isang taon na lang titiisin natin gagraduate na rin tayo.”

Tumango naman ito para sumang-ayon. Habang ginagawa nila ang proyekto ay panay tuloy-tuloy ang kanilang kwentuhan. At si Ma’am Hermosa ang isa sa pinakamadalas nilang mapag-usapan.

Natigil lang sila sa pagkukwentuhan nang lumapit ang isang babae.

“Hindi pa ba kayo uuwi? Kayo na lang ang nandito,” anito.

“Ah! Ate Michelle! Hindi pa po. Tinatapos pa po namin ‘tong proyekto namin!” sagot ni Macy, na tila kilala ang babaeng lumapit.

“Si Ate Michelle, miyembro ng sinalihan kong organisasyon dito sa school. Ate, si Raven po, kaibigan ko,” pagpapakilala nito sa kanilang dalawa.

Nakiumpok si Michelle sa kanila dahil may hinihintay raw itong kaklase.

“Mukhang maraming pinagawa ang teacher niyo, ah!” maya-maya ay puna nito sa ginagawa nilang proyekto.

“Sinabi mo pa, Ate! Hindi lang ‘yan, marami na ngang pinapagawa eh napakasungit pa!” reklamo ni Macy.

Tahimik lang siyang nakinig sa pinag-uusapan ng dalawa.

“Mukhang alam ko kung sino ang tinutukoy niyo. Si Ma’am Hermosa, ano? Naging teacher ko rin siya,” nakangiting kwento nito.

“Grabe siya ka-istrikta, Ate Michelle. Nakaka-stress. Matanda na naman si Ma’am! Bakit ‘di na lang siya mag-retire? Kaysa naman para siya laging may pinagdadaanan ‘di ba? Kaya siguro wala siyang asawa!” walang prenong komento ni Macy.

Ilang sandali itong hindi umimik bago ito sumagot. “Hindi niyo ba alam?”

“Ang alin po, Ate?” hindi mapigilang sabat ni Raven.

Nagsimula itong magkwento. “Sa totoo lang, palangiti raw at masayahin si Ma’am Hermosa. Pero nagbago siya matapos ang aksidente,” pagsisimula nito.

“May asawa si Ma’am noon saka dalawang anak. Siguro mga limang taon na ang nakaraan noong nangyari ‘yung aksidente. Nabangga yung sasakyan nila tapos lahat ng miyembro ng pamilya niya maliban sa kaniya, hindi nakaligtas. Nung bumalik siya matapos ang aksidente, ibang-iba na siya,” pagkukwento nito. Bakas din sa mukha nito ang matinding lungkot.

Matagal silang natulala. Hindi nila inaasahan na sa likod pala ng istriktang si Maaa’am Hermosa ay nagtatago ang isang malungkot na kwento.

“Kaya nga kahit gaano niya kami sungitan, iniintindi namin kasi hindi biro pinagdaanan niya. Pero mabait naman ‘yan si Ma’am kapag kinausap niyo. Sinubukan niyo na ba?” usisa nito.

Magkasabay na umiling ang magkaibigan.

“Subukan niyo lang kausapin minsan. Dati, sinubukan ko tapos nagulat ako kasi hindi naman pala siya nakakatakot. Sabi niya, ayaw niya lang na mapalapit sa mga estudyante kasi naalala niya ‘yung mga anak niya. Mga ganyang edad niyo kasi sila nawala pero kahit ganoon, hindi niya tinigil ang pagtuturo dahil iyon ang kasiyahan niya.”

Nang gabing iyon ay halos hindi nakatulog si Raven. Kaya kinabukasan din ay ikinuwento niya sa kaniyang mga kaklase ang natuklasan nila. Kagaya ng reaksyon nila ni Macy ay labis din ang pagsisisi ng mga ito.

“Magandang hapon po, Ma’am Hermosa!” sabay-sabay nilang bati sa guro. Naging masigasig din sila sa pagsagot ng mga katanungan sa diskusyon, hindi kagaya noon.

Sa unang pagkakataon ay nakita niyang ngumiti ang kanilang istriktang guro. Mukhang masaya ito sa nakitang pagbabago sa klase nila.

Iyon ang naging simula ng pagbabago nito. Bagaman istrikta pa rin ito ay madalas na itong nakikipagbiruan sa klase.

Napagtanto ni Raven na kailangan lamang pala nito ng pang-unawa. Napatunayan niyang maling-mali ang pagkakakilala niya rito.

Natutunan niya na ‘wag husgahan ang mga tao base lamang sa ating nakikita, lalo na’t hindi natin alam kung ano ang pinagdaraanan nila.

Advertisement