Inday TrendingInday Trending
Pinaghinalaan Niya na Nagayuma ng Pangit na Babae ang Kaniyang Kaibigan; Nagulat Siya nang Matuklasan ang Katauhan ng Babae

Pinaghinalaan Niya na Nagayuma ng Pangit na Babae ang Kaniyang Kaibigan; Nagulat Siya nang Matuklasan ang Katauhan ng Babae

“Pasensiya na talaga pare, hindi talaga ako makakasama, birthday kasi ng nanay ng girlfriend ko, imbitado ako.”

Medyo dismayado man si Paul sa sagot ng kaibigang si Jude ay masaya pa rin siya para rito. Matagal na nitong nililigawan ang girlfriend na sinasabi nito.

“Sinagot ka na pala, pare. Sige, walang problema, bawi ka na lang sa susunod!” masiglang tugon niya.

“Sige. Pasensya na ha. Alam mo naman ang tagal din bago ko napasagot ‘to,” natatawang paliwanag nito.

“Ayos lang! Pakilala mo na sa’min ‘yan sa susunod!” aniya bago nagpaalam sa kaibigan.

Napangiti siya nang malapad. Hindi niya kilala ang babae dahil nag-aaral ito sa ibang eskwelahan. Ngunit sigurado siya na kagaya ng mga naunang nobya ni Jude, ubod nang ganda na naman ang bagong nobya nito!

Kaya naman gulat na gulat siya nang ipakilala ni Jude sa kanilang magbabarkada ang bago nitong girlfriend na si Mirasol.

Napatulala siya sa babae. Hindi dahil sa ganda nito, kundi dahil ibang-iba ang itsura ng babae sa mga tipo ng kaibigan niya.

Hindi ito makinis, matangkad, at maganda, kundi kabaligtaran!

“Hello, ako si Mirasol. Lagi kayong nababanggit sa akin ni Paul. Sana ay maging kaibigan ko rin kayo,” nakangiting wika ng babae.

Nakumpirma ni Paul na hindi lang siya ang nabigla nang bumulong sa kaniya si Martin, isa rin sa mga kaibigan nila.

“Pare, ‘yan ang bagong girlfriend ni Jude? Ang pangit, nagayuma yata ang kaibigan natin…”

Hindi niya tuluyang maiwaksi ang posibilidad na iyon kaya naman napagdesisyunan niya na kausapin si Jude, lalo pa’t ito ang kaibigang pinakamalapit sa kaniya.

“Pare, saan mo nakilala si Mirasol? Parang kakaiba yata siya sa mga tipo mo,” isang araw ay pasimpleng usisa niya sa kaibigan.

Agad itong napangiti nang mabanggit niya ang pangalan ng kasintahan nito.

“Oo, ibang-iba talaga si Mirasol. Walang papantay sa ganda niya. Para siyang anghel na bumaba sa langit,” anito, habang tila nababatubalaning nakatingin sa malayo, malawak ang ngiti.

Noon niya nakumpirma ang kaniyang hinala. Ginayuma nga talaga ang kaibigan niya! Paano nito nasasabing maganda si Mirasol, gayong ang pangit-pangit ng babae?

Hindi siya papayag. Kailangang mailayo niya ito kay Mirasol! Mahirap na, baka kung ano pang gawin ng babaeng ‘yun sa kaibigan niya.

Hindi niya na muna sinabi kay Jude ang kaniyang hinala. Naisip niya na hindi rin ito maniniwala sa kaniya dahil sa gayuma.

Kaya nang sumunod na araw ay isinagawa niya ang kaniyang plano. Susundan niya ang babae para makahanap ng pruweba. Kapag may pruweba na siya ay tatakutin niya ang babae para ito na ang tuluyang lumayo sa kaibigan niya.

Inalam niya ang lahat ng tungkol ng sa babae, kung saan ito nag-aaral, saan ito umuuwi, at kung anong oras natatapos ang klase nito.

“Hindi ako makakasama sa inyo ngayon, mauuna na akong umuwi,” mabilis na paalam niya nang makita niya si Mirasol na naglalakad nang mabilis. Agad niyang sinundan ito.

Sa munisipyo unang nagtungo ang babae. Hindi niya na ito nasundan sa loob dahil baka mahalata nito ang pagsunod niya.

Tumagal ito roon ng humigit-kumulang tatlumpung minuto. Nang lumabas ito ng munisipyo ay hindi nakaligtas sa kaniya ang masaya nitong mukha.

Mula sa munisipyo ay nagtungo ito sa isang karinderya. Paglabas nito ay may bitbit itong mga supot na nahinuha niya’y pagkain na binili nito.

Napapagod na siya dahil halos isang oras na niya itong minamanman ay wala pa rin siyang makitang kakaiba tungkol dito.

Inaasahan na uuwi na ang babae imbes na dumiretso ito ng uwi ay sa isang parke ito pumunta.

Sa isang sulok ng parke ay mayroon itong nilapitan. Isang pamilya na nakaupo sa damuhan. Tila doon naninirahan ang pamilya dahil may nakita siyang mga bag sa gilid. Marurumi rin ang mga ito, lalo na ang tatlong bata.

“Ate Mirasol!” nagtatalong sigawan ng mga bata na yumakap pa rito.

Mula sa pinagtataguan niya ay kita niya ang itsura ng babae. Wala siyang nakitang pandidiri sa mukha nito. Bagkus ay tila tuwang-tuwa pa itong makita ang mag-anak.

“May dala po akong pagkain. Baka po kasi hindi pa kayo kumakain,” wika nito sa ina at ama ng mga bata.

“Salamat naman, Mirasol. Sana ay hindi ka na nag-abala pa. Ilang buwan na ito, baka naman maubos na ang pera mo,” nahihiyang wika ng matandang babae.

“Naku, maliit na bagay lang po ‘yan. May ekstra naman po akong pera. ‘Wag na po kayong mahiya, kumain na po kayo,” udyok nito sa mag-asawa.

Ilang sandali pa ay magana nang kumakain ang mag-anak.

Gulong-gulo si Paul sa nasasaksihan. Sino ang pamilya na dinalhan nito ng pagkain?

Nasagot ang tanong niya nang magsalita si Mirasol.

“Oo nga po pala. May magandang balita po ako inyo. Pumunta po ako kanina sa munisipyo para magtanong tungkol sa tulong na idinulog ko para sa pamilya niyo. Ang sabi po sa akin ay maghintay-hintay lang daw po kayo, ilang araw na lang at magiging handa na ang pabahay na proyekto ni Mayor. Maliit na bahay lang ho iyon, pero mas ok na ho kaysa naman dito kayo sa parke,” pagbabalita nito sa mag-asawa.

Kitang-kita ni Paul ang saya sa mukha ng mag-asawa. Tumulo ang luha ng mag-asawa bago paulit-ulit na nagpasalamat kay Mirasol.

“Diyos ko, maraming salamat! Hulog ka ng langit sa amin, hija! Kung hindi mo kami tinulungan ay baka habambuhay na kami sa kalye!”

Maging si Mirasol ay napaluha, marahil sa saya.

“Wala po ‘yun, masaya po ako na may naitutulong ako sa inyo, kahit maliit na bagay. Sino po bang dapat magtulungan kundi tayo-tayo rin? Masayang-masaya po ako para sa inyo,” lumuluhang tugon ni Mirasol sa mag-asawa.

Si Paul ay tigagal lamang sa nasaksihan. Naalala niya ang sinabi ng kaibigang si Jude tungkol sa nobya nito.

“Oo, ibang-iba talaga si Mirasol. Walang papantay sa ganda niya. Para siyang anghel na bumaba sa langit.”

Hiyang-hiya siya sa sarili dahil sa pinag-isipan niya nang masama ang napakabait na taong ito.

Noon niya napagtanto na hindi nagayuma si Jude. Totoo ang sinabi nito.

Nasisiguro niya na na ito nga ang nababagay sa kaniyang kaibigan. Tunay nga na tila anghel ito sa kagandahan! Marahil hindi niya makita iyon sa panlabas na anyo ni Mirasol, ngunit kitang-kita iyon sa busilak nitong puso!

Advertisement