Palaging Natutukso ang Bata Dahil Wala Siyang Kanang Tenga, Isang Tao ang Nag-Donate sa Kanya Noon na Di Niya Akalaing Kilala Nya Pala
Matagal hinintay ng mag asawa ang magkaanak, ilang taon na rin silang kasal bago sila nakabuo. Kaya naman masayang tinitigan ni Melanie ang kanyang bagong silang na sanggol, hinawakan niya ang maliliit na daliri nito at di niya mapigilang mapaluha sa sobrang kaligayahan. Para sa kanya, perpekto ang kanyang anak, kahit pa isinilang itong wala ang kanang tenga. Sabi ng doktor ay hindi raw na-develop at iilan lang daw sa mga sanggol ang nagkakaroon ng depektong ito. Gayunpaman ay hindi naman daw apektado ang pandinig ng bata, panlabas lang ang kulang. Mabilis lumipas ang siyam na taon, at ngayon ay nasa grade 3 na ang anak ni Melanie at Arvin, si Melvin. Tumatakbong pumasok si Melvin sa loob ng kanilang bahay, puno ng luha ang mga mata nito. “O bakit?” nag aalalang tanong ni Melanie. “Mama sabi nung bata. Abnormal daw ako.” humihikbing sabi ng bata. “Anak, hindi totoo yan. Alam mo naman na normal ka, lagi ko yang sinasabi sayo diba?” sabi ng babae. “Pero kung normal ako bakit isa lang ang tenga ko mama? Mukha daw akong katawa tawa, abnormal daw. Bingi daw. Hindi mo daw ako iningatan noong nagbubuntis ka sa akin kaya naging ganito ako.” mahabang sumbong nito. Napabuntung hininga si Melanie. Matagal na niyang inihanda ang sarili sa posibilidad na maging tampulan ng tukso ang anak dahil sa kakulangan nito pero hindi niya parin pala kayang makita itong araw araw na nasasaktan dahil sa kalagayan nito. “Sige, gagawan natin ng paraan okay?” sabi niya rito. Tila nagkaroon naman ng pag asa ang bata. Tumango ito. Makalipas ang ilan pang taon ay napaoperahan ang bata at nagkaroon siya ng kumpletong tenga, hindi na ipinaalam sa kanya kung kanino galing ang tenga at di na rin siya nagtanong dahil ang mahalaga ay magiging maayos na ang pakikitungo sa kanya ng iba. Masaya na si Melvin dahil simula noon ay di na siya nakarinig ng panunukso. Naging normal ang buhay niya hanggang sa siya’y mag-binata. 25 taong gulang si Melvin, nang pumanaw ang kanyang ina dahil sa sakit na diabetes,habang nililigpit ng mga nurse ang gamit sa ospital ay hawak hawak ni Melvin ang kamay ng nanay niya, naroon naman ang tatay niya at nakahawak rin sa isa pang kamay ng babae. “Pa? Bakit pala hindi nagpapagupit si mama ng buhok?” tanong niya sa lalaki dahil ngayon niya lang napansin na napakahaba na pala ng buhok ng mama niya. Simula ata bata siya ay hindi na nagpagupit pa ito, puro trim lang. Walang imik na hinawi ng ama niya ang buhok nito sa kanang bahagi. Nagulat si Melvin nang tumambad sa kanya na walang tenga ang mama niya! Hindi niya akalain na ito ang… “Masyado kang mahal ng mama mo, lahat ay ibibigay niya sa iyo.” Lalong napaluha ang binata. Wala nang mas hihigit pa sa pagmamahal ng isang ina.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!