Bwisit na Bwisit ang Babae sa Kanyang Buhay, Hanggang sa Marinig Niya ang Tanging Hiling ng Isang Matanda
Bumaba na si Harlene sa sinasakyang Grabcar, para rin itong taxi, ang pinagkaiba lang ay mga pribadong sasakyan ang ginagamit ng mga driver. Pagkaabot ng bayad ay naglakad na siya papunta sa terminal ng bus pa-Coastal mall, taga-Cavite kasi siya at sa BGC,Taguig siya nagtatrabaho, pang gabi sa isang call center company. Iritang isinuot niya ang salamin dahil masakit na sa ulo ang init ng araw, pagod pa siya sa trabaho at walang tulog.Isipin niya pa lang ang haba pa ng byaheng tatahakin niya ay halos gusto na niyang bumagsak. Ang hirap talagang kumita, ni hindi siya makabili ng latest na cellphone. Noong isang taon pa itong cellphone niya. Ewan niya ba bakit ang bilis maubos ng pera, ang sahod niyang 20,000 buwan buwan ay kay bilis niyang nauubos, nakakainit pa naman ng ulo pag walang pera. Paakyat na siya sa overpass at napakahaba ng pila ng mga taong umaakyat, napansin niya ang isang aleng nagtitinda ng mga candy at sigarilyo sa gilid ng hagdan. “Nitoy, papalit ngang 50,” sabi nito sa lalaking katabi at iniabot ang 50 pesos. “Wala pa kong benta ate Ofin.” sagot naman ng lalaki. Nakatitig lang si Harlene sa mga ito, naiisip niyang napakahirap siguro talaga ng buhay ng mga ito dahil ang singkwenta pesos na hawak ay tinago nitong mabuti sa bulsa ng pantalon nito. “Ipon ko ito, 50 araw araw.” nakangiting pagbabahagi nito sa kausap. “Bakit aanhin mo ate Ofin?” tanong ng lalaki. Maging si Harlene ay na-intriga na rin kung aanhin ng matanda ang pera. “Pampa-opera ko ng mata, sabi ng doktor may 30,000 daw. May 1500 na ako, sinimulan ko ang ipon noong isang buwan.” proud na sabi nito sa kausap. Noon natitigan ni Harlene na tila kulay puti na lahat ang kanang mata ng matanda. Napahiya naman siya sa sarili. Ang sobrang sayang ngiti ng matanda sa halagang 1500 na minamaliit niya lang, ay nagpaalala sa kanya na matutong magpahalaga sa biyaya na natatanggap niya sa araw-araw. Maswerte pa siya dahil cellphone lang ang hindi niya makuha, samantalang ang matanda ay walang isang paningin pero napaka-positibo pa rin. Marami sa atin ang naghahangad ng materyal na bagay na nagiging dahilan upang hindi tayo maging masaya sa buhay. Hindi natin magawang makontento sa kung anong meron tayo. Binibilang natin ang mga bagay na wala kesa ang biyayang tinatamasa natin.Kung iisipin natin, ang cellphone na pinakamimithi ni Harlene ay maaari nang makapagpa-opera ng mata ng isang matanda. Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat. Ibahagi sa amin ang inyong reaksyon sa comments section sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.
Advertisement